Nang matapos ang pagharap ni prinsipe Hwang sa mga ministro at mga opisyal ng kaharian ng Byeol Yeosin sa bulwagan ng hari ay kanyang pinakiusapan si reyna Yon Sang Byeol na magkaroon silang dalawa ng isang pribadong pag-uusap, isang pag-uusap ng reyna sa reyna lamang. Ang pakiusap na iyon ni prinsipe Hwang ay malugod namang pinagbigyan ni reyna Yon Sang Byeol kaya naman bago umalis sa bulwagan ay kanyang iniutos kay ginoong Zao ang pag-aasikaso sa mga kasama ni prinsipe Hwang, pagkatapos noon ay kanya nang inimbitahan si prinsipe Hwang na sumama sa kanya patungo sa kanyang silid tanggapan, at malugod naman ding pinaunlakan iyon ni prinsipe Hwang.
Nang makarating sila sa silid tanggapan ni reyna Yon Sang Byeol ay agad silang naupo na magkaharap ni prinsipe Hwang, marangya at magarbo ang silid tanggapan ng reyna ng Byeol Yeosin, sa mga kagamitan sa loob nito ay hindi makakaila na pagmamay-ari ito ng isang reyna, sa mesa naman na tanging namamagitan kila prinsipe Hwang at reyna Yon Sang Byeol ay isang porselanang tsarera at mga pusuwelo ang nakahanda, kumuha ng isang pusuwelo si reyna na Yon Sang Byeol at inilagay ito sa harap ni prinsipe Hwang pagkatapos ay kinuha ng reyna ang tsarera at maingat niya na nilagyan ng tsaa na gawa sa hasmin ang pusuwelo na inilagay niya sa harap ni prinsipe Hwang.
"Maraming salamat." Ang mahinahon at nakangiting sabi ni prinsipe Hwang nang matapos si reyna Yon Sang Byeol sa paglalagay ng tsaa sa pusuwelo na para sa kanya, pagkatapos ay kanya itong ininom.
"Sabihin ninyo kamahalan, naparito ba kayo upang kumbinsihin ako na makipag-isa sa dinastiyang Lee, na inyo ring kaharian?" ang diretsahang pagtatanong ni reyna Yon Sang Byeol kay prinsipe Hwang, huminto sa kanyang pag-inom ng tsaa si prinsipe Hwang nang madinig ang tanong na ito ng reyna sa kanya, marahan niyang ibinaba ang pusuwelo sa mesa at sandaling tumingin sa tsaa na laman nito.
"Ang isang kaharian ay parang isang pusuwelo, habang ang mga tao mapa pangkaraniwan man o maharlika ay parang isang tsaa na laman nito." Ang sabi ni prinsipe Hwang at pagkatapos ay tumingin siya sa reynang kanyang kaharap, "kahit anong ganda o rangya ng isang kaharian ay balewala lamang kung wala ang mga tao, tulad ng isang pusuwelo na walang laman kahit na isang patak ng tsaa o inumin, ngunit walang kaayusan ang mga tao kung wala namang kabibilangan ang mga ito, tulad ng tsaa na wala man lang mapagsidlan, kaya masasayang at masasayang ito. Pero mahal na reyna ang isang kaharian na may kapanalig na ibang kaharian ay tulad naman ng tsarera na nasa sentro ng mesang ito, malaki kaya naman mas madaming tsaa ang maaari mong ilagay dito, hindi tulad ng isang pusuwelo." Ang matalinghagang sabi ni prinsipe Hwang.
"Kamahalan ano ang iyong nais na ipahiwatig sa iyong mga tinuran?" ang tanong ni reyna Yon Sang Byeol na tila bahagyang hindi naintindihan ang nais sabihin ni prinsipe Hwang.
"Reyna Yon Sang Byeol, hindi masama ang iyong pagnanais na maging isang kaharian na walang kapanalig o pinapanigan, ngunit nawa'y iyong isipin na hindi mahalaga sa isang mananakop kung may kapanalig ka o wala, bagkus mas ikatutuwa pa ng mga ito na mag-isa lamang tumatayo ang isang kaharian. Sa potensiyal ng kaharian ng Byeol Yeosin lalo na pagdating sa kalakalan ay malaki din ang tiyansa na sa pagdating pa ng ilang panahon ay may magnanais na sakupin ang kaharian niyong ito, at malaki ang tiyansa na bumagsak ang kaharian na itinatag ng iyong amang hari, ngunit kung papaya ka na maging kapanalig ng dinastiyang Lee ang inyong kaharian, ang ano mang tinatamasa ng ibang kaharian na kapanalig ng dinastiya maging ng dinastiya mismo ay matatamasa din ng kaharian ng Byeol Yeosin bukod doon ang banta ng pananakop sa iyong kaharian ay mas liliit ang tiyansa at kung may magtangka man ay may mga kapanalig kang tutulong para lumaban sa iyong tabi." Ang sabi ni prinsipe Hwang at muli siyang uminom ng kaunting tsaa habang hinihintay ang itutugon ng reyna sa kanya.
BINABASA MO ANG
The Queen's Secret
Historical Fiction[BoyXBoy|Yaoi|Historical Fiction] ~The Queen's Secret~ Sa panahon na ang bawat kontinente, bansa, at bahagi ng mundo ay napapsailalim sa pamamaraan ng pagsakop at pamumuno ng iba't ibang imperyo at kaharian. Isang bahagi ng kasaysayan ang hindi nait...