Dinala ni Lady Kim Eun Ro sa kanyang tahanan ang noo'y wala pa sa sariling si Lady Suk Kwon Choi, agad niyang pinaupo ito sa silid tanggapan ng kanyang tahanan at nagpahanda sa mga tagapaglingkod niya ng maiinom na tsaa, matapos iyon ay agad niyang pinaalis ang tagapaglingkod niyang upang muling sila lamang dalawa ng unang babae ng hari ang maiwan sa silid na iyon at makapag-usap ng pribado.
"Uminom ka muna ng tsaa Lady Suk Kwon Choi upang mahimasmasan ka dahil halos daig mo pa ang nakakita ng multo sa reaksiyon mo kanina noong mabangga mo ako." ang sabi ni Lady Kim Eun Ro, naglagay siya ng isang pusuwelo sa tapat ng unang babae ng hari at agad na nilagyan ito ng tsaa, ngunit ang wala sa sariling si Lady Suk Kwon Choi ay nakatingin lamang sa tsaa na inilalagay ng ikalawang babae ng hari sa kanyang pusuwelo.
"Hindi ako makapaniwala..." ang pabulong na sabi ni Lady Suk Kwon Choi habang nakatingin pa din siya sa pusuwelo na may tsaa na gawa sa kamomilya at sandaling napatingin sa kanya si Lady Kim Eun Ro at muling ibinalik ang tingin sa tsaa na kanyang inilalagay sa sariling pusuwelo, nang makapaglagay nan g sapat na dami ng tsaa ay kanyang maingat na inilapag sa mesa ang tsarera.
"Inumin mo muna ang tsaang aking ipinahanda, mainam yan upang kumalma ka Lady Suk Kwon Choi, bukod doon ay hindi ko gustong kausapin ang isang tao na tila nasa ibang mundo ang pag-iisip." Ang sabi ni Lady Kim Eun Ro at kanyang ininom ang kanyang tsaa, napatingin sa kanya ang unang babae ng hari at halos nanginginig pang iniangat ang pusuwelo at marahan at nanginginig ding ininom ang kanyang tsaa, at nang makainom na ito ay napahinga ito ng malalim na agad ding ibinuga.
"Lady Kim Eun Ro, sabihin mo sa akin, mapagkakatiwalaan ba kita?" ang biglaang pagtatanong ni Lady Suk Kwon Choi kay Lady Kim Eun Ro.
"Isang lihim? Huwag kang mag-alala kung ano man iyang nais mong sabihin sa akin ay aking ililihim at kung may maitutulong pa ako sa iyo ay baka gawin ko pa, hindi naman talaga ako masamang lubos." Ang sabi ni Lady Kim Eun Ro at muling uminom ng tsaa, "sabihin mo, ang sasabihin mo ba sa akin ay ang dahilan bakit tila parang wala ka sa iyong sarili ngayon?" ang dagdag na sabi ni Lady Kim Eun Ro bilang tanong, at isang tango ang itinugon ni Lady Suk Kwon Choi.
"Ang totoo'y hindi ko alam kung pagtatawanan mo lamang ako o talaga bang paniniwalaan mo ako sa aking sasabihin sa iyo, pero alam kong kailangan ko ng isang tao na may makaalam nito bukod sa akin dahil hindi ko alam ang aking gagawin." Ang sabi ni Lady Suk Kwon Choi na tila kinakabahan pa kaya naman agad niyang kinuha ang tsarera at sinalinan ang kanyang pusuwelo ng tsaa at pagkatapos ay ininom ito at muling huminga upang alisin ang kabang nararamdaman.
"Sabihin mo Lady Suk Kwon Choi kaya ka ba nagkakaganyan ay may natuklasan ka na tungkol sa reyna? Isang bagay na kahit na sino sa atin ay hindi magagawang isipin?" ang tanong ni Lady Kim Eun Ro na mas naging interesado na madinig ang mga sasabihin pa ni Lady Suk Kwon Choi.
"Ganoon na nga Lady Kim Eun Ro, at ang nalaman kong ito ay labis kong ikinabigla dahil kahit sa hinagap ay di ko din inaasahan na matutuklasan ko ito." Ang sabi ni Lady Suk Kwon Choi at tumingin siya sa hawak na pusuwelong may lamang tsaa.
"Bakit hindi mo pa sabihin kung ano ang iyong natuklasan tungkol sa mahal na reyna? Lady Suk Kwon Choi kung sasabihin mo sa akin yan ay tutulungan kita sa pagnanais mong maging reyna ng dinastiyang Lee, kaya naman kung pagtatapat mo na sa akin ang natuklasan mo ay tiyak namang magiging mas may maitutulong ako sa iyo, sa pagiging reyna mo." Ang sabi ni Lady Kim Eun Ro at diretso siyang tumingin sa mga mata ni Lady Suk Kwon Choi upang ipakita rito ang sinseridad niya sa kanyang mga sinabi.
BINABASA MO ANG
The Queen's Secret
Historical Fiction[BoyXBoy|Yaoi|Historical Fiction] ~The Queen's Secret~ Sa panahon na ang bawat kontinente, bansa, at bahagi ng mundo ay napapsailalim sa pamamaraan ng pagsakop at pamumuno ng iba't ibang imperyo at kaharian. Isang bahagi ng kasaysayan ang hindi nait...