Sa bulwagan ng mga babae ng hari ay may ngiti sa kanyang labi na pumasok si Lady Kim Eun Ro, ang ngiting iyon ay agad na napansin ng mga babae din ng hari na naroon, pinagmasdan nila si Lady Kim Eun Ro na para bang labis ang katuwaan na nadarama, naupo si Lady Kim Eun Ro at kumuha ng isang pusuwelo at pagkatapos ay kanyang kinuha ang tsarera at nilagyan ng tsaa ang pusuwelong kinuha niya.
"Bakit yata palagi kong napapansin na tila napapadalas ang pagtitig mo sa akin Lady Chil Yon Yi?" ang tanong ni Lady Kim Eun Ro na nakangiti pa din at pagkatapos ay mahinhing ininom ang tsaa na kanyang isinalin.
"Inyong ipagpaumanhin ngunit babalik na ako sa aking silid." Ang sabi ni Lady Chil Yon Yi na hindi sinasagot ang tanong sa kanya ni Lady Kim Eun Ro at aktong tatayo na siya sa kanyang pagkakaupo nang bigla muling magsalita si Lady Kim Eun Ro.
"Ang reynang hinahangaan mo Lady Chil Yon Yi, sa ngayon ay hinahagupit sa labas ng bulwagan ng mahal na inang reyna, alam mo ba na ang reynang kinikilala nating lahat ay isang huwad na reyna?" ang sabi ni Lady Kim Eun Ro na ikinabigla nilang lahat.
"Anong sabi mo Lady Kim Eun Ro? Ang mahal na reyna ay huwad na reyna?" ang gulat na tanong ni Lady Chi Ba.
"Oo, ang totoo niyan ay hindi tunay na babae ang mahal na reyna kundi isang lalaki na nagpanggap bilang prinsesa ng kaharian ng Suzaku, sa ngayon ay wala pa akong alam kung ano pa ang ibang detalye tungkol sa tunay na pagkatao ng nagpapanggap na reyna pero ang mahalaga ay nabunyag ang kanyang pagpapanggap, at natitiyak ko na kamatayan ang ihahatol sa kanya ng mahal na hari." Ang sabi ni Lady Kim Eun Ro na puno na ng pagmamataas, "kaya hinahangaan mo pa rin ba siya sa kabila ng kanyang pagpapanggap Lady Chil Yon Yi?" ang dagdag na tanong ni Lady Kim Eun Ro, napatikom ang mga kamao ni Lady Chil Yon Yi at ang mga luha nito ay nangingilid ngunit nagawa niya itong pigilan sa pagpatak at pagkatapos ay tumingin ng diretso sa mga mata ni Lady Kim Eun Ro.
"Oo, hinahangaan ko pa rin siya bilang reyna, at kinikilala ko pa rin siya bilang reyna ng kahariang ito, dahil mas karapatdapat hangaan ang isang taong nagpanggap man ngunit puro kabutihan naman ang ginawa kaysa sa nagpapanggap na puro kasamaan at kasakiman lamang, isang taong mapagpanggap na handang mabahiran ng dugo ang kamay makuha lamang ang kapangyarihan na inaasam." Ang sabi ni Lady Chil Yon Yi at tila natigilan si Lady Kim Eun Ro sa mga sinabing iyon ng ikatlong babae ng hari, "ipagpaumanhin niyo ako ay aalis na." ang dagdag na sabi ni Lady Chil Yon Yi bilang pagpapaalam at pagkatapos ay agad niyang tinungo ang daan palabas ng bulwagan na iyon.
"Ganyan ka ba makikitungo sa susunod na reyna ng kahariang ito?" ang tanong ni Lady Kim Eun Ro na nilingon si Lady Chil Yon Yi na huminto naman sa paglakad nito ngunit hindi siya hinaharap nito tanda nang hindi nito pagkilala kay Lady Kim Eun Ro.
"Kung ikaw man ang maging susunod na reyna ng kahariang ito, batid ko na di rin magtatagal iyon, at kung may isang bagay din akong natutunan sa mahal na reyna Lee Yang Bong, iyon ay ang maging matatag at huwag hayaan na tapakan lamang ako ng iba." Ang sabi ni Lady Chil Yon Yi at pagkatapos ay agad na muli siyang naglakad hanggang sa makalabas na siya ng bulwagan na iyon, sa kanyang paglabas ay tila nakahinga siya ng maluwag ngunit naglalaban pa din sa kanyang dibdib ang saya, takot, at pag-aalala; saya dahil sa nagawa niyang sagutin ang mga taong tulad ni Lady Kim Eun Ro, takot dahil di niya alam kung ano na ang mangyayari sa kaharian na kanyang kinaroroonan, at pag-aalala para sa reynang kanyang labis na hinahangaan.
BINABASA MO ANG
The Queen's Secret
Historical Fiction[BoyXBoy|Yaoi|Historical Fiction] ~The Queen's Secret~ Sa panahon na ang bawat kontinente, bansa, at bahagi ng mundo ay napapsailalim sa pamamaraan ng pagsakop at pamumuno ng iba't ibang imperyo at kaharian. Isang bahagi ng kasaysayan ang hindi nait...