Napamaang ako sa galit niya. Bakit ba siya nagkakaganito? Ang sama ng ugali talaga. Palibhasa, sanay na laging nakukuha ang gusto kaya 'pag inayawan mo, nagagalit.
Umatras si Nielo nang makitang parang magwawala ang Kuya niya sa galit. Tsk. Bakit pa kasi siya sumali rito? Ayan tuloy nadamay siya sa topak ng Kuya niya.
"B-bakit naman?" Naguguluhang tanong ni Nielo 'tsaka palipat lipat ang tingin sa'ming dalawa ni Rocco.
"Basta hindi! 'Pag sinabi kong hindi, hindi!" Parang haring sabi niya.
"A-ah.. Nielo, mag-uusap lang kami ni Rocco. Usap na lang tayo mamaya." Pagdidismisa ko sakaniya. Kailangan niya munang umalis dahil napapansin kong palagi na lang siyang pinagbubuntungan ng galit ni Rocco. Ang sama talaga nito.
Tumango naman si Nielo at dahan-dahang umalis ng kusina. Nang kami na lang dalawa ay inis kong binalingan si Rocco.
"Bakit ba ang sama-sama mo sa kapatid mo? Eh, nagtatanong lang naman iyon." Sabi ko sabay pameywang. Matalim niya akong tinitigan.
"Anong pakialam mo? Bakit ba? Concern na concern ka yata sakaniya." Maangas siyang tumango 'tsaka umabante palapit sa 'kin. Kahit kinakabahan, hindi ako umatras at sinalubong lang ang tingin niya.
"Oo naman! Kaibigan ko iyon! Inaaway mo, eh, wala namang ginagawang masama si Nielo. At kung galit ka, 'wag mong ibunton sakaniya!" Sabi ko. Napansin kong kumuyom ang kamao niya kaya namutla ako roon.
"Ang ayaw ko sa lahat, iyong nakikialam!" Aniya.
Pagod akong napasinghap at umiwas na lamang ng tingin. Bakit nga ba kami nandito at nag-aaway? Parang naubos bigla ang lakas ko sa lalaking ito.
"Basta. Hindi na magbabago ang desisyon ko. Ayaw mo pa noon? Mas malilinisan nang mabuti iyang kwarto mo 'pag sina Ana na ang maglilinis. Atsaka, malapit na rin ang closing kaya magiging abala na ako sa paaralan." Kinuha ko ang pitsel ng tubig at ibinalik iyon sa loob ng ref.
"Kung anong ikinalambot ng mukha at kilos mo, siya namang ikinatigas niyang ulo mo! Damn." Bulong niya pero rinig na rinig ko iyon sa katahimikan ng kusina. Biglang lumakas ulit ang kabog ng dibdib ko sa hindi malamang kadahilanan. Awang-bibig akong napalingon sakaniya. Naabutan ko siyang kalmado na at namumungay ang mga matang nakatingin sa 'kin.
Para akong tinakasan ng ulirat nang may nakita ako sa mga mata niya. Paanong tinitingnan niya ako ng ganito ngayon? Paghanga. Iyon ang nakikita ko sa mga mata niya. Pero may iba pa na hindi na kayang intindihin pa ng isip ko.
Lumapit siya sa 'kin at inilagay ang isang kamay sa ref, ibabaw lamang ng ulo ko. Nakasandal ako sa ref kaya para niya na akong ikinukulong ngayon. Para akong nauubusan ng hininga sa sobrang lapit niya sa 'kin.
"Stop being stubborn and do as I say... Please..." Tila nagmamakaawang aniya. May kumirot sa puso ko. Ang marinig siyang magsalita nang ganito sa 'kin ay nakakapanibago.
"Ayoko nang maulit ang nangyari." Nababasag ang boses kong sabi. Tumingin ako ng diretso sa mga mata niya. Ipinilig niya ang kaniyang ulo pa-kaliwa. Tila tinatantiya ang aking ekspresyon.
"Ayoko nang masigawan mo... Ayokong naririnig kang nagmumura dahil sa 'kin... Ayokong..." Hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko dahil tumulo na nang tuluyan ang mga luha ko. Na trauma na yata ako nangg halos magwala siya dahil sa nangyari kagabi. Iyong tipong halos magwala siya dahil lang sa ginawa ko. At takot na akong mangyari pa ulit iyon.
"Sshhh... Hindi na mauulit iyon." Bulong niya. Pinunasan ko ang mga luhang lumandas. Bakit ba ang iyakin ko?
"T-talaga? Pumapayag ka na sa gusto ko?" Lumiwanag naman bahagya ang mukha ko. Biglang tumigas ang mukha niya at nagsalubong ang kilay.
"No. I mean, hindi na mauulit iyong paninigaw ko at pagmumura." Klaro niya. Hindi ako nakasagot. Akala ko pa naman pumapayag na siya. Kung makatawag siya sa 'kin ng matigas ang ulo, eh, siya rin naman, sobrang tigas. Tsk.
"Pipilitin ko. Basta 'wag mo lang akong gagalitin." Dagdag niya at umayos na ng tayo. Kumunot ang noo ko roon.
"Hindi naman kita ginagalit, ah?" Tanong ko. Umiwas siya ng tingin tila may gustong sabihin pero hindi masabi. Bumuntong hininga siya sabay balik ng tingin sa 'kin.
"Bukas, pupuntahan kita sa school mo. Hintayin mo ako." Aniya. Nanlaki ang mga mata ko at napaayos ng tayo.
"Huh? Bakit? Anong gagawin mo dun?" Tanong ko at nameywang. Nginisihan niya lang ako ng tipid.
"Ibibili kita ng manika. Peace offering." Sabi niya. Uminit agad ang mga pisngi ko sa sinabi niya. Ayan! Nang-aasar na naman.
"Loko ka!"
Humalakhak siya at kinamot ang kilay. Napatitig na naman ako dun. Ugali niya na talaga siguro iyan, eh.
"'Di. Seryoso. Ibibili kita ng kahit anong gusto mo." Sabi niya at ngumiti. Kung kanina, halos hindi ako makahinga. Ngayon, parang hihimatayin na yata ako. Ano ba talaga itong nararamdaman ko?
"Kahit huwag na. Basta huwag mo na lang ulitin iyong kagabi." Sabi ko at ngumiti rin. Kita kong bumaba ang tingin niya sa labi ko at nagtagal doon ang mga mata niya.
"No. Ibibili kita. 'Wag nang matigas ang ulo, okay?" Sabi niya na para bang nakikipag-usap siya sa isang bata. Inosente na lang akong napatango. Napangisi siya at tumango rin.
"Good girl." Sabi niya at tumawa nang malakas. Sumimangot ako sa pang-aasar niya.
"Ewan ko sayo."
Sumapit ang hapunan at kumakain kaming lahat dito sa malaking lamesa sa Maid's Quarters. May sarili kasing kainan ang mga kasambahay dito. Tapos nang kumain ang mag-kapatid. Hindi ako lumabas habang kumakain sila. Ayokong makita si Rocco, nahihiya kasi ako. Isipin ko pa lang na pupuntahan niya ako bukas sa school ay parang kinukuryente na ako. Ngayon pa kaya na sariwa pa ang mga nangyari kanina?
"Naku! Parang himala talaga." Namamanghang sabi ni Ana tungkol sa anumang pinag-uusapan nila ni Ate Pasing.
"Talaga ba? Himala nga kung ganoon." Ngisi ni Ate Pasing.
"Kanina nga nung inutusan ako, ang kalmado ng boses! Nakangiti pa." Natatawang sabi ni Ana. Kumunot ang noo ko sa pinag-uusapan nila.
"Kanina rin! Hindi niya ako sinungitan. Ano kayang nakain ng batang iyon at biglang bumait?" Sabi ng isa pang medyo may katandaang kasambahay.
"Sino ba iyan, Juleng?" Kuryusong tanong ni Nanay Mercy.
"Si Rocco!" Sabay-sabay na sabi ng tatlo. Namilog ang mga mata ko. Siya pala?
"Oh, eh, edi dapat matuwa kayo! Hindi iyang pinagtatakhan niyo pa." Umiling si Nanay Mercy.
"Oo nga. Baka bukas makalawa, bugnutin na naman iyon." Tumawa ang isang kasambahay.
Siniko ako bigla ni Mama na katabi ko. "Ikaw ba? Inaaway ka pa rin non?" Tanong niya. Umiling naman ako at yumuko.
"Huwag kang maglalapit don." Aniya.
Hindi na lang ako sumagot. Gustuhin ko man ngunit parang may pwersang pilit pinaglalapit kaming dalawa. Lalo pa't ayaw nun pumayag sa gusto kong tumigil na sa paglilinis ng kwarto niya. Kaya, Nay, paano ko iiwasan ang mokong na iyon?
BINABASA MO ANG
The Jerk and the Transgender (Hot Trans Series #1) [Published under Pop Fiction]
General FictionSimula pagkabata ay naninilbihan na si Dwayne Castillo sa pamilya Del Francia, kasama ng kaniyang ina. Itinaguyod mag-isa ng ulirang ina kaya napa-subong mag-banat ng buto sa murang edad. Ngunit hindi naging madali sa kaniya ang lahat dahil sa arog...