Chapter 10

44.6K 1.4K 96
                                    

Lulan na kami ng tricycle ngayon. Katabi ko ang driver. Si Rocco naman ang malapit sa pintuan ng tricycle. Papunta na kasi kaming tiangge, natatawa nga ako kasi parang nahihirapan si Rocco sa posisyon niya. Bahagya siyang nakayuko dahil nga maliit lang naman ang tricycle at matangkad siya. Naaawa ako na natutuwa. Ginusto niya ito, eh. Bahala siya riyan.

Pagkatapos ko siyang paulit-ulit na tanungin kung nag-cutting ba talaga siya, ay nanahimik na lang ako. Ayaw niya talagang umamin kahit halata naman na. Sabi niya huwag ko na raw sirain ang lakad namin dahil naghanda siya para rito. Ewan ko nga at biglang may kiliti akong naramdaman sa tiyan ko at mga tuhod dahil doon.

"Malayo pa ba tayo?" Bulong niya. Napatingin ako sakaniya. Nakangiwi siya habang nakayuko. Tumutulo ang pawis sa noo niya. Namumula rin ang pisngi niya dahil sa init. Gusto ko tuloy matawa. Ang cute.

"Oo. Mga limang minuto." Sabi ko at itinuon na ang atensyon sa tinatahak naming daan. Nakakakita na ako ng mga tao at mga tindahan. Konti na lang at aabot na kami sa sentro. Kung saan naroroon ang tiangge.

"Sabi ng sa mall na lang, eh." Bulong niya pero rinig ko pa rin. Tinaasan ko siya ng kilay.

"Malayo nga. 'Tsaka, ayaw mo non? Mas mura rito." Sabi ko. Sumimangot naman siya.

"Don't mind the price! Sagot ko naman, eh." Aniya at pinahid ang pawis sa noo niya gamit ang likod ng kaniyang palad. Ngumisi ako.

"Dami mong reklamo. Maghintay ka na lang, makikita mo. Ang saya kaya sa tiangge."

Hindi niya na ako sinagot pa pero naririnig ko siyang bumubulong-bulong. Sinamaan ko siya ng tingin. Inirapan niya lang ako at kumapit nang maayos sa bakal.

Maya-maya lang ay huminto na rin ang tricycle. Nag-abot si Rocco ng isang daan at nagmamadaling lumabas. Nag-inat agad siya nang makatayo na. Kumunot naman ang noo niya nang makitang hindi pa rin ako bumababa.

"Baba ka na!" Inip niyang sabi at nameywang. Nginisihan ko lang siya.

"May sukli pa." Tipid kong sagot. Umawang naman ang bibig niya, tila hindi makapaniwala.

Inabot sa 'kin ng driver ang sukli at nagpa-salamat na ako. Bumaba ako at agad namang kumaripas ng takbo ang tricycle. Sinundan ni Rocco ng tingin iyon. Natawa ako. Parang tanga.

"Hoy!" Sinundot ko ang braso niya. Tumingin naman siya sa 'kin nang nakakunot ang noo.

"May sukli pa iyon? Bakit?" Tanong niya, na para bang ang laking problema noon at hindi kayang solusyonan ng 'oo' at 'hindi'. Inikutan ko siya ng mga mata. Palibhasa kasi!

"Syempre! Eh, syete lang naman ang pamasaje dun. Eh, 'di may sukli pa!" Paliwanag ko at binigay sakaniya ang sukli, tinanggap niya naman. Kita kong namangha talaga siya.

"Wow... That's so cheap! Sasakay ulit ako don!" Parang batang sabi niya. Nakaka-panibago siya tingnan ngayon talaga. Kasi bukod sa parang masaya siya, eh, ang aliwalas din ng mukha niya ngayon. Hindi katulad ng palaging madilim niyang awra.

"Halika na nga! Rumarami na ang tao. Magkaka-siksikan na." Hinawakan ko ang kaliwang palapulsuhan niya at sinimulan na siyang hilahin. Ang bigat naman nitong lalaking ito. Ano kayang kinakakain nito?

Tumitingin tingin ako sa mga tindahan. Maraming magagandang damit, gamit sa paaralan, laruan, sapatos, tsinelas, bag at kung ano ano pa. Nalilibang ako sa kakatingin ng mga paninda. Nang nilingon ko si Rocco na hila-hila ko pa rin para sana alamin kung nalilibang din ba siya pero iba ang naabutan ko— Mataman siyang nakatingin sa kamay kong nakahawak sa bisig niya. Titig na titig siya na hindi niya alintana na medyo masikip na dahil rumarami na ang tao. Bahagya kong kinurot ang bisig niya gamit ang kamay kong nakahawak dito. Napangiwi naman siya.

"Tulala ka riyan! Tumingin-tingin ka naman. Ayan na, oh!" Nginuso ko ang mga paninda. 'Tsaka naman siya kumurap-kurap at bumaling sa mga iyon. Nilibot ng kaniyang mga mata ang buong lugar. Halatang naninibago siya. Alam ko naman iyon, eh. Alam kong sa mga malls siya sanay at hindi rito. Pero sabi niya ibibili niya ako ng peace offering. Eh, nandito 'yung mga gusto ko. Ayaw ko naman dun sa mahal. Nakakahiya kaya.

"There! Let's go there." May tinuro siya pero hindi ako roon napatingin. Kung hindi sa kamay niyang nakahawak naman ngayon sa kanang bisig ko. Siya na naman ang humila sa 'kin papunta sa kung saang tindahan. Bahagya akong napangiwi dahil masyadong mahigpit ang pagkaka-hawak niya sa bisig ko. Ang laki pa naman ng kamay niya.

Hinila niya ako papunta roon sa tindahan ng mga school supplies. Maraming gamit pang-eskwela at iba pa. Napatingala ako sakaniya.

"M-may bibilhin ka?" Litong tanong ko. Umiling siya at inayos ang pagkakasabit ng bag niya sakaniyang likod.

"Eh, bakit tayo nandito?" Pumalibot ulit ang mga mata ko sa buong tindahan. Maraming magagandang gamit at nakaka-engganyo ang mga iyon.

"Para bumili ng mga gamit mo?" Patanong din niyang sagot. Napasinghap ako.

"Eh, may mga gamit naman na ako!" Ani ko. Umirap naman siya at nilahad ang kamay sa mga paninda.

"Basta bumili ka ng kung anong wala ka." Sabi niya. Napatingin ako sa isang batang babae na nasa loob. Katabi ng isang may edad nang babae. Siguro anak nito. Nakatingin siya kay Rocco at may matamis na ngiti sa mga labi. Tumingin ulit ako kay Rocco at nakitang parang hindi niya naman napapansin iyong ka-edaran naming babae. At dahil din siguro hindi pa rin ako gumagalaw, eh, siya na mismo ang nagtingin-tingin doon.

Lumapit na rin ako sa mga paninda. Dun ako sa mga papel dumiretso. Naisip kong paubos na ang one half paper ko. Kumuha ako ng isa. Nakakita rin ako ng mga ballpen. Kumuha ako ng isang red ballpen dahil gamit iyon lalo na sa checking.

Sumulyap ulit ako sa babae at nanlaki ang mga mata ko nang nasa gilid na ito ni Rocco. May tinitingnan si Rocco at nasa gilid niya ang babae na parang isang tinderang naghihintay kung anong bibilhin ng customer. Hindi naman siya pinapansin ni Rocco pero nainis ako sa nakita. Sus! Kahit kailan at kahit saan talaga. Alindog ng lalaking ito! Inirapan ko nang patago ang babae at nagpatuloy na lang sa pagtingin-tingin.

Inis kong kinuha ang isang balot ng construction paper. Marami pa naman ako nito pero iyong kay Rocco paubos na. Para ito sakaniya para maidagdag ko sa mga gamit niya sa study table niya.

Hindi naman siguro siya magagalit kung hahaluan ko ng mumurahing gamit ang mga gamit niya, 'di ba? 'Tsaka, hindi niya rin iyon mahahalata kasi ako naman lagi gumagawa ng mga projects at portfolio niya. Tss.

"Dwayne!" Tawag ni Rocco. Napalingon ako sakaniya. Humahakbang na siya palapit sa 'kin ngayon, tiningnan ko naman ang kaniyang likod at nandoon pa rin ang babae. Naiwan sa pwesto nila kanina. Buti nga!

Nang nakalapit ay napansin kong may hawak pala siyang kulay pink na bagay. Gusto kong matawa dahil hindi bagay sakaniya ang magbitbit ng pang-babaeng kulay. Inilahad niya sa 'kin iyon.

"Here." Aniya. Isa pala iyong pencil case na may Barbie logo at pink feathers na disenyo . Parang nag-ningning naman ang mga mata ko sa nakita. Kinuha ko iyon sa mga kamay niya at hinaplos-haplos.

"Ang ganda..." Sabi ko.

"Yeah." Sang-ayon niya. Tumingala ako sakaniya at naabutang mataman siyang nakatitig sa mukha ko. Bigla akong nakaramdam ng kaba na naman. Naiilang ako sa titig niyang iyan talaga. Napaiwas ako ng tingin at tumikhim.

"Use that one instead of Nielo's gift to you." Mariing sabi niya. Agad naman akong napa-balik sa wisyo. Ano raw?!

"Hah?"

"Huwag mo na iyong gamitin." Dagdag niya pa. Napakunot na ang noo ko.

"Eh, anong gagawin ko roon? Maganda naman iyon, ah?" Naguguluhang tanong ko sakaniya. Hindi mo rin talaga maintindihan 'to minsan, eh.

"Itapon mo! 'Tsaka mas maganda iyan, 'di ba?"

"Grabe ka naman! Itapon agad? Sige, hindi ko na lang gagamitin pero hindi ko rin itatapon." Suko ko. Hindi na rin siya pumalag pa.

"Tapos ka na pumili?"

Tumango ako. Iminuwestra niya ang kahera.

"Halika na." Tinalikuran niya na ako at nagsimulang maglakad papunta sa kahera. Susunod na sana ako nang matigilan dahil sa nakita. Iyong babaeng bata ang nasa kahera at malisyosa ulit itong nakangiti sa papalapit na si Rocco.


The Jerk and the Transgender (Hot Trans Series #1) [Published under Pop Fiction]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon