Chapter 3

46.5K 1.6K 173
                                    

Humihingos akong pumasok ng kwarto. Hindi ko makalimutan ang mukha ni Rocco kanina. Bakit ba siya galit na galit sa 'kin? Masungit ba talaga siya? Suplado? Matapobre? O baka naman ayaw niya lang sa bakla? Siguro lahat.

Napapunas ako ng pawis sa noo. Pagkakalas ni Nielo mula sa yakapan namin kanina ay nagpaalam na ako. Umalis ako nang hindi tumitingin sa mukha ng Kuya niyang suplado. Ayaw niyang makipag kaibigan sa 'kin ang kapatid niya dahil bakla ako. O baka rin naman iniisip niya pa ring magnanakaw ako.

Nagpalit ako ng damit dahil medyo nabasa ako gawa ng paglalaro namin kanina ni Nielo. Napangiti ako nang maalala ulit ang kakulitan niya. Cute talaga siya at mabait. Hindi imposibleng magugustuhan ko siya bilang kaibigan.

Pagkatapos kong mag bihis ay lumabas na ulit ako. Mag memeryenda muna ako dahil narinig kong nagluto raw ang mga kasambahay ng turon kanina. Pagkarating ko sa kusina ay walang ibang tao. Nakita ko naman agad ang malaking pinggan na may mga turon kaya lumapit na ako roon. Akmang kukuha na ako nang biglang may nag salita.

"Anong ginagawa mo?" Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Andiyan na naman siya! Bakit ba ayaw niya akong tantanan? Namumutla akong lumingon sakaniya.

"Uhmm... M–mag memeryenda." Hindi ako makatingin sakaniya. Nakatingin lang ako sa t shirt niyang may tribal na disenyo. Hapit ito sa katawan niya kaya medyo bumabakat ang mga tila papatubong muscles niya.

"Meryenda? 'Di ba dapat naglilinis ka?" Tinaasan niya ako ng kilay. Hindi ko maiwasang punahin ang makakapal niyang mga kilay. Ang sungit talaga.

"Pagkatapos kong kumain ay maglilinis ako." Mabilis kong sabi sabay talikod. Akmang kukuha ulit ako nang mag salita na naman ulit siya.

"Bilisan mo. Pagkatapos ng tatlong minuto umakyat ka na sa itaas." Parang hari niyang sabi. Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Nilingon ko ulit siya.

"A–anong gagawin ko roon?" Naguguluhan kong tanong. Umismid siya at humilig sa kitchen counter.

"Linisin mo kwarto ko." Maangas niyang sabi. Napamaang ako.

"P–po? Pero hindi ko iyon kaya. Pagdidilig at pagpupunas lang ng mga mwebles ang kaya kong gawin." Paliwanag ko. Hindi ako pwedeng sumabak sa ganung klaseng  trabaho, hindi kakayanin ng maliit kong katawan! Sina Ate Pasing ang gumagawa noon.

"Aba'y dapat matuto ka na. Abala ang ibang mga kasambahay kaya ikaw ang maglilinis." Mariing pilit niya at pagkatapos ay umalis na.

Naiwan akong tulala at kinakabahan. Pinaparusahan niya ba ako? At sa lahat ng pwedeng linisin, kwarto niya pa? Sana lang ay wala siyang masamang gagawin sa 'kin doon!

Pagkalipas ng tatlong minuto ay umakyat na nga ako. Tingnan mo itong lalaking ito, pinapa-akyat ako sa kwarto niya nang hindi man lang sinasabi sa 'kin kung alin dito sa maraming pinto ang kwarto niya. Limang pinto ang nakikita ko. May isang kasambahay akong nakita sa unahan pero nang akmang lalapitan ko na ay bigla itong pumasok sa isang pinto na hula ko'y isang maliit na bodega.

Lumapit na lamang ako sa pinaka-unang pinto at akmang kakatok na nang biglang bumukas ang pinto sa pinaka gitna. Napa baling ako roon at nakita si Rocco na lumabas at sumilip. Nakita niya agad ako at napakunot noo.

"Anong ginagawa mo riyan? Dito!" Masungit niyang sita. Parang tuta naman akong sumunod. Nang nasa harap niya na ako ay tiningala ko siya. Masyado siyang matangkad para sa edad niya.

"Linisin mo lahat. Mula sa kama hanggang sa banyo ko. 'Pag may nakita akong dumi, humanda ka sa 'kin." Banta niya. Tumango na lang ako. Tumabi naman siya at sumenyas na pumasok na ako sa loob.

Isang oras na at hindi pa rin ako tapos mag linis. Ang bigat ng comforter at ang kalat kalat ng mga toy collection niya! Mga damit niyang nasa ilalim ng kama pa. Sobrang kalat talaga. Iniisip ko tuloy kung sinadya niya ba ito. May nakita rin kasi akong mga malilinis na damit na nakakalat at mga gamit pang-iskwela na tila sinadyang guluhin sa study table.

Nang malinis ko na ang kwarto niya ay pumasok na ako ng banyo. Pagkabukas ko pa lang ng pinto ay para agad akong tinakasan ng dugo nang makitang may nakasabit na ahas sa towel rack.

"Aaaaaaahhhhh!!!!!" Napatili ako at nagmamadaling tumakbo sa pinto ng kwarto niya. Nang pihitin ko ang seradura ay hindi ito mabuksan. Naka lock! Napalingon ako sa may banyo sa ka-isipang baka gumagapang na ang ahas patungo sa 'kin.

"Tulong! Buksan niyo ang pinto! May ahas!" Pinaghahampas ko ang pinto pero tila walang nakaka rinig sa mga hiyaw ko.

"Rocco! Tulungan mo 'ko! May ahas sa banyo mo!" Halos mabaliw na ako sa kakasigaw pero hindi pa rin ako pinagbubuksan. Naiyak na ako at nanginig sa takot nang biglang may narinig akong hagikhik sa labas lamang ng pinto. Napatigil ako sa pagsigaw at paghampas at pinakinggan ang ingay sa labas ng pinto.

Narinig ko ulit ang hagikhik ng isang lalaki at umusbong agad ang galit ko nang mapagtanto kong si Rocco iyon.

"Rocco! Buksan mo 'to! Ang sama sama mo!" Hinampas kong muli ang pinto at mangiyak-ngiyak na sumigaw.

"Hindi ito nakakatuwa! Ano bang kasalanan ko sa'yo at ginagawa mo ito sa 'kin?" Pumiyok na ang boses ko kasabay nang pagbagsak ng panibagong mga luha. Narinig kong tumigil na siya sa pag tawa at maya maya lang ay bumukas bigla ang pinto. Bumungad sa 'kin ang nakangising mukha ni Rocco ngunit agad din iyong napawi nang makita ang itsura ko.

Nakita kong natigilan siya at nanlaki ang mga mata. Tinitigan ko lang siya ng masama habang pinapahid ko ang mga luha sa mga pisngi ko. Walang sabi-sabing nilagpasan ko siya at mabilis na bumaba ng hagdanan. Narinig kong sumusunod siya sa 'kin dahil sakaniyang mga yapak.

"H–hoy! 'Di ka pa tapos, ah! Bumalik ka." Tawag niya. Binalewala ko siya at patuloy lang sa pagbaba sa hagdanan.

"Psst! Sabi nang bumalik ka rito, eh. Isa!" Pinilit niyang tigasan ang boses niya pero naririnig ko pa rin ang kaba rito. Hah! May gana pa siyang kabahan!

Hinila niya ang braso ko kaya napaharap ako sakaniya at bumungad sa 'kin ang namumutla niyang mukha. Hah! Ang lakas gumawa ng kalokohan eh matatakot naman pala! Akala ko ba tigasin siya? Masungit at walang takot kasi panganay ng mga Del Francia?

Tinitigan ko lang siya nang malamig habang marahang sumisinghot pa rin. Pinasadahan ng kanang kamay niya ang kaniyang buhok pagkatapos ay nameywang.

"Huwag na huwag kang magsusumbong. Naiintindihan mo ba?" Mariin at dahan dahan niyang sabi. Tila hinihingal pa. Inirapan ko naman siya na nagpakunot ng noo niya.

"Nagkaka intindihan ba tayo, Dwayne?" Tanong niya ulit. Nabigla ako sa pagbanggit niya ng pangalan ko. Unang beses niya iyong binanggit at hindi ko alam kung bakit parang may kung ano sa tiyan ko. Pero iwinaksi ko agad iyon at humalukipkip din.

"Bakit mo ba ginawa iyon? Iyan ba ang pagpapa-salamat mo dahil nilinis ko ang kwarto mo?" Sinalubong ko ang tingin niya kahit nanginginig pa rin ako.

"Ginawa ko iyon dahil gusto ko. Hindi dahil sa nilinis mo ang kwarto ko dahil gawain mo naman talaga iyon!" Bumalik ang pagiging arogante niya.

"Hindi ko iyon gawain! At simula ngayon hindi na ako maglilinis ng kwarto mo!" Asik ko. Tumigas ang mukha niya at mas lumapit sa 'kin. Gusto kong umatras pero hindi ko ginawa. Ayokong magpakita ng takot ngayon.

"Katulong ka at gawain mo iyon. Ngayon, kung may reklamo ka pwede ka nang lumayas." Bulong niya at mas lumapit pa. Nararamdaman ko na ang hininga niya sa pisngi ko at hindi ko maiwasang mapuna ang mabango niyang hininga.

"Hindi ikaw ang magpapasya niyan. Ang mga magulang mo! At isa pa, wala kaming ginagawang masama ng Nanay ko para lumayas dito." May diin kong sabi. Ngumisi siya.

"Ang Nanay mo, amo niya ang mga magulang ko. But you? You're my slave. Ako ang amo mo." Mayabang niyang bulong. Akmang susumbatan ko na ulit siya nang putulin niya agad ako.

"Ngayon, bumalik ka na sa kwarto ko at tapusin ang trabaho mo." Ngumisi siya nang nakakaloko.

The Jerk and the Transgender (Hot Trans Series #1) [Published under Pop Fiction]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon