Chapter 50

38.9K 1K 160
                                    

Pumasok ako nang school na namumugto ang mga mata. Ang paninikip ng dibdib ko ay hindi nawala simula kanina. Tahimik ding tumutulo ang mga luha ko at tila hindi sila napapagod sa pag-buhos. Kasabay nang lahat ay ang pagkakagulo ng isipan ko. Kung saan saan at kung ano-ano na ang pinag-iisip ko. At natatakot na ako. Sobrang natatakot.

Napansin ni Mang Ado ang pag-iyak ko. Tinanong niya ako kung okay lang ba ako. Sinagot ko naman siya ng maayos. Sinabi ko rin na huwag niya nang ipaalam kay Rocco ang pag-iyak ko.

Wala akong gana sa lahat ng klase ko. Para akong estatwang nakatulala lang sa kawalan. Gumugulo sa isipan ko ang lahat. Pilit sumisiksik ang bawat salita sa utak ko.

May sakit si Sir Alfonso. Napapabayaan ang kompanya. At tanging si Rocco lamang ang makaka-salba nun. Dahil siya ang tagapagmana. Kailangan ko siyang pakawalan para ma-asikaso niya ang problema ng pamilya niya. Kaya ko ba? Kinapa ko ang dibdib ko at pinakiramdaman ang sarili.

Ang sakit. Hindi ko kaya. Isipin ko pa lang parang namamatay na ako. Tumulo na naman ang luha sa kaliwang mata kaya maagap ko itong pinunasan at yumuko para hindi mahalata ng Professor ko.

Alam na ba ito ni Rocco? Kung alam niya, bakit hindi niya nababanggit sakin? Tinatago niya ba ito dahil katulad ko ay ayaw niya ding mag-hiwalay kami? Kilala ko si Rocco. Sa ilang beses na napag-usapan namin ang tungkol sa paghihiwalay ay palagi siyang sumasabog sa galit. Nag-wawala siya. Hindi siya kailanman pumayag. Ayaw na ayaw niya sa usaping iyon. Kaya kung sakaling alam o malaman niya ito, sigurado akong hinding hindi siya papayag.

Pero paano ang mga magulang niya? Ang Daddy niya? Ang kompanya nila? Hahayaan ko na lang ba siyang pabayaan iyon? Itatali ko ba talaga siya sakin at magiging makasarili para sa sariling kaligayahan?

"Kung hindi mo pakakawalan si Rocco, magtatanong sila kung bakit hindi maka-punta si Rocco sa Italy para asikasuhin ang kompanya, at malalaman nilang kaya pala hindi makaalis-alis dahil sayo! And what's next? Made-depress si Alfonso at maaaring lumubha ang kalagayan niya!"

Tumulo na naman ang luha ko nang maalala ang sinabi ni Ma'am Lucille. Kailangan ng mga magulang niya si Rocco. Kailangan siya ng Daddy niya. Bilang panganay at tagapag-mana ng mga del Francia. Sino ako para itali si Rocco sakin at ipag-damot siya sa mga magulang niya? Ako lang naman ang anak ng katulong nila. Ang tagapag-silbi nila. Wala akong karapatan para ipag-damot si Rocco sakanila sa panahon nang kanilang pangangailangan.

Hindi ako kumain ng pananghalian. Wala akong gana. Nanatili lamang ako sa classroom ng pang-ala unang klase ko. Nakatulala sa board at tila pinapanood ko doon ang eksena sa Study Room. Ang galit na mukha ni Ma'am Lucille habang sinasabi niya sakin ang maaaring mangyari kapag naging madamot ako. Kumawala ang hikbi ko at nag-echo iyon sa tahimik na classroom.

Ayokong pakawalan si Rocco dahil mahal ko siya. At dahil natatakot ako. Sobrang natatakot ako na pakawalan siya. Dahil walang kasiguraduhan na babalik siya sakin kapag pinakawalan ko siya. Hindi ko alam kung sa pag-lipas ng panahon ay mananatili ang pagmamahal niya sakin pagkatapos ko siyang iwan. Natatakot akong baka makalimutan niya ang lahat ng pinagsamahan namin. Na makalimutan niya ang baklang minsan niyang minahal. Natatakot ako dahil bihira lang ang katulad ni Rocco. Wala na akong mahahanap na katulad niya, at wala akong balak maghanap ng iba. Tila walang makaka-pantay kay Rocco para sakin. Siya lang ang lalaking minahal ko ng ganito. Kaya paano ko siya magagawang pakawalan kung isipin ko pa lang ay parang kinakatay na ang puso ko?

Bandang alas tres nang maka-tanggap ako ng tawag galing kay Rocco. Pagkakita ko pa lang sa pangalan niya ay umiyak na ako. Jusko po. Bakit ko nararanasan ito? Pinaparusahan niyo ba ako? Ng mundo? Ang sakit sakit po. Hindi ko kaya.

"H-hello?" Pinilit kong tatagan ang boses ko ng sagutin ko ang tawag. Rinig ko ang pag-hinga niya sa kabilang linya.

"Hon.." aniya sa malambing na boses. Nailayo ko ang cellphone at tinakpan ang bibig ko nang mas lalo akong napa-iyak. Ang hikbi ay pilit kong nilalamon at hindi pinapakawalan.

The Jerk and the Transgender (Hot Trans Series #1) [Published under Pop Fiction]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon