Ito po ay naiibang kwento ng paglalakbay ng ating Panginoon kasama ng Kanya mga Apostoles patungong Lupang Pangako(Promised Land). Ang mga nilalaman po sa maikling kwentong ito ay bunga lamang po ng aking malawak na imahinasyon, wala pong ganitong istorya sa Bibliya. Ganun pa man, kahit ako lang po ang gumawa nito, mayroon po kayong matututunang aral dito at pwede niyo po itong magamit sa pang araw-araw niyong buhay.
-Marwa
________***
Isang araw, sinabi ni Hesus sa Kanyang mga Apostoles..."Sino man sa inyo ang nais makarating sa Lupang Pangako ay marapat lamang na pasanin ang kanyang krus at sumunod sa Akin."
"Opo Panginoon," sabay-sabay nilang tugon. Noon di'y kaagad nilang pinasan ang kanilang mga krus at sila'y nag umpisa nang maglakad.
Si Hesus ay mayroon ding pasang Krus at ito'y dalawang beses ang laki kumpara sa kanilang dala. Ang sa mga Apostoles naman ay pangkaraniwan lamang ang laki.
Subalit lingid sa kaalaman ng lahat, hindi ganun kadali ang daan patungo sa Lupang Pangako. Mayroon itong mga matatarik na bangin, baku-bakong kalsada, matitinik na daan, makipot na lagusan, may mga ilog pa silang tatawirin, at mayroon ding mga mababatong bundok na aakyatin! At hindi lang 'yon, apatnapung araw ang kanilang gugugulin upang marating ang lupang iyon.
Noo'y malayu-layo na rin ang kanilang nararating at ramdam na ng mga Apostoles ang gutom, pagod at uhaw. Ang iba sa kanila ay naliligo na sa sariling pawis at sugat-sugat na rin ang mga paa. Hanggang sa marating nila ang daang napakakipot at matinik.
Sa Labindalawang Apostoles, si Hudas lamang ang bukod tanging iritable at mareklamo.
"Anak naman ng tokwa, oo! Bakit kasi dito pa naisipan ng Panginoon na dumaan! Ang dami-dami namang puwedeng daanan na hindi ganito kahirap, eh," inis na sabi ni Hudas sabay balibag ng krus niyang dala.
"Ang dami mo namang reklamo! Magtiis tayo, ganito talaga ang daan papunta sa Lupang Pangako, pasasaan ba't makakarating din tayo doon," bara naman sa kanya ni Bartolome at nagpatiuna na ito sa kanya. Lumingon siya ulit, ngunit napansin niyang hindi pa rin kumikilos si Hudas upang tumapak sa matitinik na damo.
"Hoy, Hudas, walang mangyayari sa'yo kung tutunganga kalang diyan. Tara na!" Ani Bartolome!
"Bakit? Bawal bang magpahinga? Mauna kana kung nagmamadali ka!" Inis naman sagot nito.
Nakita ni Hudas ang paghihirap ng kanyang mga kasama habang pinagkakasya nila ang kanilang mga katawan upang makadaan sa makipot na daanang iyon. Bigla siyang nakaisip ng paraan. Agad niyang kinuha ang kanyang itak, at binawasan niya ng kaunti ang kanyang krus.
"Ang bobobo niyo talaga! Masyado niyong pinahihirapan ang mga sarili niyo! 'Di kayo nag iisip. Bobo!" bulong niya sa sarili habang walang kahirap-hirap na naglalakad sa makipot na daanang iyon.
Nagpatuloy ulit sila sa paglakad habang pasan-pasan pa rin ang kanilang mga krus, hanggang makarating sila sa paanan ng mataas na burol.
Habang nagpapakahirap sila Hesus na akyatin ang mataas na burol na iyon, nakaisip na naman ng paraan si Hudas. Kaagad niyang kinuha ang itak niya at binawasan niya ulit ang krus niya. Subalit napalaki ang pagbawas niya nito at nangalahati iyon.
Ngayon, wala na siyang kahirap-hirap sa pag akyat sa burol habang pasan-pasan niya ang maliit niyang krus at pasipol-sipol pa ito. Madali nang dalhin ngayon ang krus niya dahil hindi na ito sumasayad sa lupa.
Nagpatuloy pa sila Hesus sa kanilang paglalakbay. Ngayon ay halatang nanghihina na ang mga ito at lupaypay na dahil sa matinding gutom, uhaw at pagod.
"Pagod na ako, hindi ko na kaya! Mahigit dalawampung araw na tayong naglalakad! Napakalayo na ng nilakbay natin, ngunit wala man lang tayong masilungan para makapagpahinga," nanghihinang sabi ni Pedro! Halata sa hitsura nito ang panglalambot ng katawan.

BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
SpiritualFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na maikling kwento na kapupulutan ninyo ng aral sa buhay. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, kwento...