Naniniwala ako na kahit anong sama ng isang tao, may natatago pa rin itong katiting na kabutihan sa kanyang puso ....
***
Isang araw, naglakbay sa lupa ang anghel ng kamatayan at naatasan itong kunin ang kaluluwa ng isang batang babae.Nang kakalawitin niya na ito, biglang nasira ang karit niya. Naramdaman siya ng bata kaya lumingon ito sa kaniya.
"Ginoo, bakit may dala po kayong karit, para saan po iyan?" inosente niyang tanong, wala siyang kaalam-alam na kukunin na pala ang buhay niya. "Ang ganda naman po ng karit niyo, pwede pong pahawak?" sabi ng bata.
"Hindi pwede, bawal 'tong hawakan ng mga mortal." sagot ng anghel, " Ginagamit lamang 'to pangkuha ng kaluluwa ng mga tao."
Umupo siya sa bato at inayos ang karit, ngunit may pagka pakialamera ang bata kaya palihim niya itong hinawakan. Dahil dun bigla itong naging abo. Galit na galit sa kanya ang anghel at sinisisi siya nito.
"Anong ginawa mo? Napaka-pakialamera mo kasi! 'Di ba sabi ko sayo, wag mong hahawakan? Ano nang gagamitin ko ngayon?"
Yumuko ang bata at humingi ng tawad, nagsisi ito sa ginawa niya.
"Pasensya na po hindi ko po sinasadya."
Dahil sa nangyari iyon, iniwan siya ng anghel at naglakad ito palayo. Di naglaon, nalaman ng bata na parang nawalan na ito ng sigla, madalang nalang niya itong makita at hindi na lumalabas kapag gabi.
Umisip ng paraan ang bata para tulungan ang anghel ng kamatayan. Bigla niyang naalala ang isang abandonadong kastilyo. May nakapag kwento sa kanya na meron daw ditong istatuwa na may hawak na karit. Agad niyang hinanap ang anghel at kinausap niya ito.
Nahanap niya ito sa gilid ng kweba, nakaupo sa bato at malungkot ang mukha.
"Ginoo, alam ko pong galit kayo sakin, gusto ko po kayong tulungan para naman mabayaran ko ang kasalanan ko sa inyo." sabi ng bata.
"Ano namang maitutulong mo? At pwede ba lumayu-layo ka sakin, malas ka, eh." inis namang sabi ng anghel.
"May ibibigay po ako sa inyong karit."
Nagliwanag ang mukha ng anghel sa narinig niya at bahagya itong napangiti.
"Saan?"
"Meron po akong alam na abandonadong kastilyo, meron daw pong nakatayong istatuwa sa pasukan nito, may hawak daw itong karit. Kaya lang po ipinagbabawal pong puntahan ang lugar na ito kasi lahat po ng taong nagpupunta rito, di na raw nakakabalik ng buhay."
"Sige, ituro mo sakin, akong bahala." walang pag-aalinlangang sagot ng anghel.
Magkasamang umalis ang bata at ang anghel ng kamatayan para puntahan ang lugar na iyon. Habang nasa daan sila ay kwinikwentuhan siya ng bata. Nalaman niya na ulila na pala ito sa magulang at sa bahay ampunan ito nakatira. Napakagiliw nitong kasama, kaya naman unti-unti na siyang nagugustuhan ng anghel.
Nang marating nila ang abandonadong kastilyo, sinalubong agad sila ng nakakabinging katahimikan. Nakakatakot ang lugar na iyon, malamig ang simoy ng hangin, napakatahimik at para bang may nakamasid na mga mata saiyo. Pagdating nila sa bukana, nakita agad ng anghel ang sinasabing istatuwa ng bata. Totoo ngang may istatuwa sa pasukan ng kastilyo. Kahawig niya pa ito at may hawak na karit. Ngunit napansin niyang lumang-luma na ang karit at nilulumot na pati ang talim niyon ay kinakalawang na rin.
"Luma na ang karit na iyan, wala ng talim. Hindi na iyan magagamit." sabi ng anghel sa bata na siya namang nagpalungkot dito sa kadahilanang nasayang lang ang punta nila.
Ngunit sinubukan pa rin ng anghel na kunin ito... Nilapitan niya ang istatuwa at tinitigan niya ito sa mga mata, mamaya pa'y gumalaw ang kamay nito at niluwagan ang pagkakahawak sa karit. Inabot naman ito ng anghel, para bang pinakakatiwala ng misteryosong istatuwang yun ang karit niya sa anghel ng kamatayan. Agad niya itong tinaktak sa lupa at himalang nagtanggalan ang makapal na lumot nito ang sa isang iglap, tumambad sa anghel ang isang bagong karit, makintab ito at nangingislap ang talim.
Sa gitna ng katahimikan biglang nakarinig ang bata ng isang tunog ng kampana sa labas ng kastilyo kaya napalingon ito.
Kakalawitin na sana siya ng anghel para kunin ang kaluluwa niya , pero naalala nito ang kabutihan ng bata.
"Ginoo, umalis na po tayo dito nakakatakot ang lugar na ito, ihatid niyo po ako sa bahay ampunan, baka po hinahanap na nila ako doon." pakiusap ng bata subalit tinanggihan siya ng anghel.
"Pasensya na, di na kita masasamahan, marami pa akong gagawin." tugon naman ng anghel.
"Ganun po ba?" malungkot na sabi nito." Sige po, aalis na po ako, maiwan ko na kayo, ha?"
Ngunit di pa man siya nakakalayo, bigla siyang bumalik at niyakap niya ng mahigpit ang anghel. "Ingat po kayo, Ginóo, baka kung mapaano kayo dito."
Napangiti nalang ang anghel sa kainosentihan ng bata.
Nang makalabas na siya sa misteryosong lugar na iyon, tinahak niya ang isang mahahabang daan. Ngunit sa di inaasahang pagkakataon, bigla siyang nasagasaan ng isang rumaragasang sasakyan at sa kasawiaang palad ay binawian siya ng buhay, pero hindi dahil kinuha siya ng anghel ng kamatayan kundi sa isang aksidente.
Sa kabilang buhay ay nagkita ulit sila ng anghel, ngayon ay wala na siyang dahilan para bumalik pa sa bahay ampunan at makakasama na niya ito kahit saan magpunta. Pakiramdam niya mas masaya siya kasama ang anghel ng kamatayan kaysa maging ulila sa magulang.
---
WAKASGINTONG ARAL:
Daig ng kabutihan ang kasamaan. Kapag ang isang masamang tao pinakitaan mo ng kabutihang loob, at ipinadama mo sa kanya ang isang wagas na pagkalinga at pagmamahal, maniwala ka sakin lalambot ang puso niyan. Naniniwala ako na kahit anong sama ng tao, sa sulok ng kanyang puso, may katiting na kabutihan paring nakatago.
Salamat po sa mga bumasa. Vote, Comment and Share. Sana nagustuhan niyo ang kwento ito. God bless.
-MARWA ANGELA ENRIQUE
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
SpiritüelFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na maikling kwento na kapupulutan ninyo ng aral sa buhay. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, kwento...