PULANG ROSAS

666 7 0
                                    

Ang panghuli ko pong kwento ngayong Semana Santa ay tungkol po sa sakripisyo ng isang kaibigan. Sana po ay kapulutan niyo ito ng inspirasyon sa buhay.
---










***
Noong unang panahon sa isang malayong Nayon, may isang gwapong binatang nagngangalang Xyro. Si Xyro ay mayroong matalik na kaibigan, si Pingris, isa itong matalinong ibon. Kahit saan siya magpunta, palagi niya itong kasama at nakapatong ito lagi sa kanyang balikat. Sa tagal ng kanilang pagsasama, alam na ng ibon kapag may dinaramdam si Xyro. Kapag nakikita niya itong malungkot, dinadamayan niya kaagad ito at gumagawa ng paraan para pasayahin siya. Para kay Pingris, handa niyang ibigay ang lahat wag lang malungkot ang kaibigan niya.

Isang araw nagpunta si Xyro sa katabing Nayon para dalawin ang kanyang iniirog na dalaga...

"Helena, kailan mo ba ako sasagutin?"

Ngumiti ito sa kanya at ang sabi...

"Sige, sasagutin na kita, basta dalhan mo ako ng pulang rosas sa susunod mong dalaw rito, ha?"

Subalit nagkataon namang walang tumutubong pulang rosas noon sa lugar na iyon kundi pawang mga puting rosas lamang. Labis na nalungkot si Xyro, pakiramdam niya wala na siyang pag-asang mapasagot si Helena.

Habang naglalakad sila pauwi, naramdaman ni Pingris na nalulungkot ang kaibigan niya. Awang-awang siya dito at halos hindi niya ito matingnan ng deretso. Agad siyang na nag-isip ng paraan para tulungan ito.

Noon ay hindi napansin ni Xyro na lumipad pala ang kanyang kaibigang ibon patungo sa mababang kalupaan at huminto ito sa hardin ng mga bulaklak. Hinanap nito ang mga bulaklak ng puting rosas at dumapo ito sa sanga. Pagkatapos ay matapang nitong inilapit ang dibdib niya sa tinik at tinusok ang kanyang sarili. Umagos ang masaganang dugo at pumatak iyon sa puting rosas at dahil sa dugo nito nagkulay pula ang rosas na iyon.

Isang umaga, nagpasya si Xyro na pumunta sa mababang kalupaan, nagbabaka-sakali itong merong pulang rosas na naliligaw doon at yun nga ang ginawa niya.

Nang mapadaan ito sa hardin ng mga bulaklak, naagaw ng kanyang pansin ang nag-iisang pulang rosas sa gitna ng hardin. Labis ang kasiyahan niya at napatalon siya sa tuwa dahil sa wakas mapapasagot niya na si Helena.

Ngunit biglang napalitan ng ibayong kalungkutan ang kasiyahan niya nang makita niya si Pingris sa ilalim ng puno, naliligo ito ng sariling dugo at wala ng buhay.

"Pingris, bakit mo ito ginawa sa sarili mo? Bakit?"

Napahagulgol si Xyro at naantig ang puso niya sa sakripisyong ginawa ng kaibigan, dinampot niya ito, dinala sa mga bisig niya at niyakap. Pero kahit anong gawin niya, hindi niya na maibabalik pa ang buhay nito. Labag man sa kalooban niya ay tinanggap na lamang niya ang mapait na katotohanang hindi na niya makakasama ang kaibigan niya.

Kinabukasan, maaga palang ay dinalaw niyang muli si Helena sa bahay nito.

"Helena, dala ko na ang hinihiling mong pulang rosas. Ito, oh, sariwang-sariwa pa!"

Nakangiting inabot ni Xyro ang bulaklak kasama ang pag-asang sasagutin na siya.

Tinanggap naman iyon ng dalaga at pinagmasdan niya ito ng mabuti.

"Sigurado ka? Paano ka nakakuha ng ganitong bulaklak, gayong wala namang tumutubong pulang rosas dito sa lugar natin?"

"Syempre gumawa ako ng paraan, nilakbay ko ang pitong bundok para lamang makahanap ng pulang rosas. Helena, ganyan kita kamahal, lahat gagawin ko mapasaya lamang kita. Ngayon...sasagutin mo na ba ako?" nakangiti nitong tanong sa kanya.

"Patawad Xyro, binabawi ko na ang sinabi ko. Peke naman yang bulaklak mo, eh!"

" Pero, nangako ka sakin, hindi ba?"

"Xyro, lahat ng pangako, napapako, pasensya kana, hindi ko matatanggap ang pulang rosa na iyan."

Hinagis ni Helena ang bulaklak sa basurahan at hindi niya ito binigyan ng halaga. Kung alam lang sana nito kung gaano kalaki ang sakripisyong ginawa ng ibon para lang maibigay ni Xyro ang hinihiling niya.
---

Wakas...










GINTONG ARAL:

Wala ng mas hihigit pa sa ganitong klaseng sakripisyo... ang ialay ng isang kaibigan ang buhay niya para sa kanyang kaibigan.

Ang ibon sa kwento ay sumisimbolo sa isang tunay na kaibigan, lahat ibibigay niya sa kaibigan kahit ang kanyang huling hininga masulosyunan lamang niya ang problema nito.

Sa kabilang banda, ang ibon sa kwento ay kahalintulad rin sa ating Panginoon. Inalay Niya ang sarili Niyang buhay para sa ating kaligtasan, pero tayong mga tao, karamihan sa atin walang pakialam sa sakripisyong ginawa Niya. Para tayong si Helena sa kwento walang pagpapahalaga. Tama po ba ako? Sa halip na tayo ay magbalik-loob sa Diyos, anong gingawa natin, nagpapakalunod tayo sa kasalanan, paulit-ulit tayong gumagawa ng kasalanan, paulit-ulit nating sinasaktan ang Diyos.

Sana po ngayong panahon ng Kwaresma, magnilay-nilay po tayo kahit isang minuto lang, humingi tayo ng tawad sa Diyos at sana umiwas na po tayo sa mga bagay na pinagmumulan ng kasalanan.

Maraming salamat po sa lahat ng nagbasa, sana ay na -inspire kayo sa aking kwento. Mapagpalang araw po ng Biyernes Santo sa ating lahat.

Abangan niyo po ang tatlong kwentong hinanda ko sa inyo ngayong kapistahan ng Linggo ng Pagkabuhay. Mga kwentong kakapulutan niyo ng gintong aral at pag-asa sa buhay.


-MARWA ANGELA ENRIQUE

BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon