Hello po mga readers,
Sino po sa inyo ang may alagang aso sa bahay? Sino po sa inyo ang mga pet lovers like me? I'm sure makaka relate na naman ang lahat ng fur parents sa kwentong ibabahagi ko ngayong araw na ito. Don't forget to Vote, Comment and Share!
***
Minsan, isang matandang lalaking naglalakad kasama ng alaga niyang aso. Sa kasawiang nahagip sila ng rumaragasang sasakyan at sila ay tumilapon sa kalsada. Sa maikling salita, pumanaw ito kasama ang alaga niya at di naglaon naglakbay ang kanilang kaluluwa at napunta ito sa ibang dimensiyon. At natagpuan na lamang nila ang kanilang mga sarili na naglalakad sa isang mahamog na lugar. Sa kanilang paglalakad nakarating sila sa isang mabato at maputik na daan ngunit sa kabila nun ay may isang napakagandang parang at berdeng kakahuyan. Isang magandang lugar kung saan gusto-gusto ng mga aso na tumakbo at maglaro.Patuloy pa silang naglakad sa kahabaan ng mabatong daang iyon hanggang marating nila ang isang napakagarang palasyo. Gawa ito sa ginto at ang pasukan nito ay may mga palamuting dyamante at perlas.
Lumabas sa malaking pintuan ang isang lalaking nakasuot ng puting roba at agad silang sinalubong nang may ngiti.
"Maligayang pagdating sa Langit, Ginoo!"
Masayang pumasok ang matanda kasama ng kanyang alagang aso sa malaking pintuang iyon ngunit kaagad siyang sinaway ng lalaking nakaputi.
"Ginoo, paumanhin po pero bawal po ang aso sa loob!" malumanay nitong sabi.
Napahinto sya at lumingon.
"Anong klaseng langit ito, bakit bawal ang aso?" aniya nang may halong pagtataka.
"Kung hindi niyo siya papapasukin hindi na rin ako papasok, dito nalang kami sa labas. Napakabait at napakatapat ng aso kong ito noong nabubuhay pa kami, hindi ko siya pwedeng iwan ng ganun-ganun nalang." sabi ng matanda sabay labas ng pinto.
"Kayo po ang bahala, Ginoo! Pero binabalaan ko po kayo, gumagala ang demonyo sa lugar na ito, sigurado akong hihikayatin kayong sumama sa kaniya. Mas lalo namang hindi tumatanggap ng aso sa impyerno. Kaya kung ako po sa inyo, iwan niyo na ang aso at pumasok na kayo sa loob kung ayaw niyong habang buhay kayong pagala-gala sa mapangit na lugar diyan sa labas. "
"Di bale nalang." tipid niyang sagot at nilisan nila ang lugar na iyon.
Muling nagpatuloy sa paglakad ang dalawa hanggang mapadaan sila sa isang lumang bahay na may sira-sirang bakod. Sa gilid nito ay may malaking punong nagsisilbing silungan ng mga alagang hayop.
Sumilip siya sa butas at may nakita siyang nakaupo doon. Isa itong lalaki, bata pa ang hitsura nito, gwapo at medyo may pagkamestizo."Tao po, pwede bang makisilong? Kanina pq kami naglalakad ng aso ko, pagod na kami pareho. Pwede ba kaming makiupo, gusto lang naming magpahinga kahit sandali lang?"
Napatingin ang lalaki at tumango ito.
"Ay, sige ho, wala pong problema. Halina po kayo sa loob may malamig na tubig po sa tapayan, baka nauuhaw po kayo." nakangiting wika niya.
Biglang naalala ng matanda ang sinabi ng anghel na may gumagalang demonyo sa lugar at hihikayatin siyang sumama at tumuloy sa kanyang pamamahay. Naisip niyang baka demonyo ang lalaki at nagpapanggap lamang itong mabait kaya tinanggihan niya ito.
"Maraming salamat nalang iho, ayos na kami dito, pahinga lang kami ng kaunti, maya-maya lang aalis na rin kami."
Kaagad naglatag ng punit na sapin ang matanda at dahan-dahan itong umupo sa ilalim ng puno. Ang alagang aso naman niya ay humiga na rin sa tabi niya. Nilapitan naman sila ng lalaki na may-ari ng lumang bahay.
"Sigurado po ba kayong ayos lang kayo riyan? Pwede naman po kayong tumuloy muna sa bahay ko para makapagpahinga po kayo ng maayos!"
Sandaling nag isip ang matanda.
"Kung papatuluyin niyo ako, papatuluyin niyo riin ba ang aso ko?"
"Oo naman po, tanggap po dito ang kahit sino." nakangiting sagot naman nito.
"Ang totoo niyan, galing na kami sa Langit, hindi sila tumatanggap ng aso doon kaya umalis nalang kami. Hindi ko matitiis kung mawawalay sakin ang alaga ko. Mas gugustuhin ko pang tumira sa mabatong lugar na 'to kasama ang aso ko, kaysa naman nasa langit ako pero nagdurusa naman siya. Mahal ko ang aso ko, siya nalang ang meron ako ayoko pong magkakahiwalay kami. Gusto ko po, kung nasaan ako, nandun din siya."
Ngumiti sa kanya ang lalaki nang may kasamang paghanga.
"Kung ganun, maligayang pagdating po dito sa Langit! Nakapasa po kayo sa aming pagsubok."
Naguluhan ang matanda sa kanyang narinig at hindi siya makapaniwala. "Anong ibig niyong sabihin?"
"Hindi po langit ang napuntahan niyo kanina, impyerno po iyon. Nililinlang lang kayo. Mga demonyo po ang nakatira roon. Kinukuha nila lahat ng mga kaluluwang gusto ng komportableng buhay. Mga kaluluwang sarili lang ang iniintindi. Mga kaluluwang handang isakripisyo maging ang isang pinakamatapat na kaibagan nila kapalit ng pansariling interes. Kaya ang nangyayari tuloy, aso nalang ang nakakarating sa amin, ngunit ang mga amo nila ay naiiwan sa impyerno... Lahat ng aso ay may puwang sa Kaharian ng Langit. Kailanman hindi sila palalayasin, nilikha sila ng Diyos upang may makasama ang mga tao habang nabubuhay sila sa lupa. Kaya walang dahilan ang Diyos na paghiwalayin sila hanggang kamatayan."
________
WAKASGINTONG ARAL:
Sabi nga hindi lahat ng kumikinang ay ginto. Ito po ay aral sa ating mga tao na sana maging mapagmatyag tayo. Maraming nagbabalatkayo sa mundong ito, katulad nalang sa kwento, ang demonyo ay nagbalatkayong anghel, kaya marami siyang kaluluwang nalinlang.
Kahit pala sa kabilang buhay hindi tumitigil ang demonyo sa panlilinlang sa mga tao, ano pa kaya dito sa lupa!Sana po ay nagustuhan niyo ang aking kwento ngayong araw na ito, at sana ay kinapulutan niyo ito ng aral. Maraming salamat po sa pagbasa.
Have a blessed Ash Wednesday to all!
-MARWA ANGELA ENRIQUE
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
SpiritüelFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na maikling kwento na kapupulutan ninyo ng aral sa buhay. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, kwento...