BARBERO

61 2 0
                                    





***
Isang araw may isang matandang nagpagupit sa barber shop. Bukod sa pagpagupit niya sa buhok niya, pinaahit niya rin ang balbas niya at pinatrim ang bigote. Regular customer na siya sa barber shop at kabiruan niya na rin ang mga barbero doon.

Habang ginugupitan siya ng buhok, nakipag kwentuhan siya sa barbero, marami silang naging topic katulad ng pandemya, climate change, trapik sa Pilipinas, tungkol sa politika at mga artista at kung anu-ano pa, hanggang naging topic nila ang Diyos.

Sabi ni Joey, "Tata Epi, hindi po ako naniniwala na May Diyos?"

"Bakit naman?" sagot naman ng matanda.

Sumagot naman si Joey habang sinusuklay niya ang buhok nito, "Kasi kung may Diyos, bakit maraming naghihirap na tao, bakit maraming taong may sakit, bakit maraming delubyong dumadating, bakit maraming sakuna di ba? Kung may Diyos, bakit tayo nakakaranas ng mga paghihirap sa buhay. Kung may Diyos 'di sana tayo dumadanas ng kahirapan. Hindi ko lubos maisip kung bakit Niya hinahayaan mangyari ang lahat."

Tahimik lang si Tata Epi at hindi siya sumagot, alam niya kasing may pagkapilosopo ang barbero at hindi ito nagpapatalo sa mga diskusyon. Matapos magpagupit ay agad itong lumabas ng barber shop at naglakad sa kalye.

Di pa man siya nakakalayo ay may napansin siyang pulubi na nakaupo sa gilid ng kalsada. Mahaba ang buhok nito pati ang balbas ay mahaba na rin. Para bang hindi nagupitan ng isang taon.

Saglit na nag-isip si Tata Epi habang pinagmamasdan niya ang pulubi. Mayamaya nagpasya siyang bumalik sa barber shop na pinagupitan niya.

Pagbukas niya ng pinto, sabi agad niya, "Joey, hindi ako naniniwalang may mga Barbero."

"Eh, ano pong tawag niyo sakin, di ba kakagupit ko lang sa inyo?"

Sumagot ang matanda, "wala, walang barbero. Kung may barbero, bakit may mga taong mahaba ang buhok, mahaba ang balbas?"

Napalingon siya sa labas, sakto namang dumadaan ang pulubing nakita niya kanina.

"Tingnan mo yang pulubi, ang haba ng buhok di ba? Halatang hindi nakakatikim ng gupit, oh. Kung barbero, bakit hindi siya nagugupitan?"

Mabilis namang sumagot si Joey, syempre ayaw niyang magpatalo.

"Tata Epi, paano ko magugupitan yung mga taong hindi naman lumalapit sakin? Aber?"

"Kaya nga, eh. Wag mong isipin na walang Diyos dahil lamang nakikita mong maraming tao ang dumaranas ng paghihirap. Joey, mayroong Diyos ang problema kaya nahihirapan sila sa buhay, hindi sila lumalapit sa Kanya."
---
WAKAS






GINTONG ARAL:

Kapag dumadanas tayo ng matitinding problema sa buhay at wala na tayong maisip na solusyon, wag tayong magbigti agad. Kalma. Wala tayong ibang gagawin kundi huminahon magpakumbaba, at tumawag sa Diyos. Lumapit tayo sa Kanya. I-surrender natin ang sarili natin sa kanya pati na rin ang mga paghihirap natin. Siya lang ang makakatulong upang malampasan natin lahat ng pagsubok sa buhay. Kapag hinayaan lang nating igupo ng kahirapan, matutulad lang tayo sa pulubi sa kwento na hindi nagugupitan.

-MARWA ANGELA ENRIQUE



BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon