Ikaw, gaano mo kamahal ang taong minamahal mo? Kayang mo bang magsakripisyo para sa ikaliligaya niya? Ang kwento pong isi-share ko sa inyo ngayong araw ay tungkol sa isang wagas na pag-ibig. Sana po magustuhan niyo.
***
Minsan merong isang gwapong lalaki, siya ay may napakagandang asawa. May magandang mukha, porselanang kutis, mapupulang labi at balingkinitan ang hubog na katawan... Siguro lahat ng lalaking titingin sa kanya ay mabibighani sa taglay niyang ganda. Bukod sa natatangi niyang kagandahan, siya ay napaka loyal na asawa, magsipag, maalalahanin at mapagmahal.
Subalit isang araw sinubok ng Diyos ang tibay ng kanilang pagmamahalan. Nagkaroon ng sakit sa balat ang babae, dahil dito nagsimulang pumangit ang mukha niya at ang buong katawan niya nagkaroon ng sugat-sugat. Sakto namang nag out of town ang asawa niya para magtrabaho kaya naiwan siyang mag-isa sa bahay.
Noong pauwi na sana ang asawa niya galing sa malayong trabaho ay naaksidente ito at nabulag ang dalawang mata. Ganun pa man kahit nadagdagan ang kanilang problema, ni minsan ay hindi yun nakaapekto sa kanilang pagmamahalan. Lumipas pa ang ilang buwan, lalong pumangit ng husto ang babae. Nangulubot ang balat niya at nag iwan ito ng malalaking sugat at dumating sa punto na pati ang internal organs niya ay naaapektuhan na rin.
Walang kaalam-alam ang lalaking ito sa totoong kalagayan ng asawa niya dahil nawalan nga ito ng paningin. Mahal na mahal pa rin niya ito gaya ng dati at ganun din ang asawa niya. Walang nagbago sa pagmamahalan nila sa kabila ng kanilang kalagayan, mas lalo pa ngang minahal nila ang isa't-isa.
Isang araw pumanaw ang asawa niya at hindi niya na nakayanan ang sakit niya. Sobrang nagdalamhati ang lalaki sa pagkawala ng asawa niya kaya nagpasya siyang lisanin nalang ang lugar na iyon at magsimulang muli.
Sa gitna ng kanyang pag-iisa, isang kaibigan ang lumapit sa kanya.
" Pre, paano kana niyan, paano ka lalakad nang mag isa, wala na ang asawa mong tagaakay sayo?"
Sumagot ito sa kanyang kaibigan...
"Hindi ako bulag, Pre, nakikita ko ang lahat. Nagkunwari lang akong bulag para isipin ng asawa ko na hindi ko nakikita ang hitsura niya. Alam kong mas masasaktan siya ng husto kapag makita ko siya sa ganyang kalagayan. Doble ang sakit na mararamdaman niya, Pre. Minahal ko ang asawa ko hindi dahil sa ganda niya, kundi dahil sa pagmamahal at pag-aaruga niya sakin. Gusto ko lang na maging masaya siya sa huling sandali ng buhay niya."
GINTONG ARAL:
Kapag mahal mo ang isang tao, wala kang iisipin kundi kaligayahan niya. Nakahanda kang damayan siya anumang pagsubok ang pinagdadaanan niya. Nakahanda kang intindihin at unawain lahat ng pagkukulang niya.
Sana po nagustuhan niyo ang kwentong ito. Maraming salamat po sa lahat ng bumasa. God Bless.
-MARWA ANGELA ENRIQUE
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
SpiritualFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, mga kwentong tiyak pupukaw sa inyong mga damdamin. Mula sa p...
