Natatakot ka ba sa panahon ng kamatayan? Aminin man natin o hindi, lahat tayo ay natatakot mamatay. Natatakot tayo dahil hindi natin alam kung anong mangyayari sa'tin pag lisan natin sa mundong ito. Subalit, dapat ba talaga nating katakutan ang kamatayan? Ang kwento ko po ngayong araw na ito ay magpapaintindi sa'tin na ang panahon ng kamatayan ay hindi dapat katakutan bagkus dapat natin itong tanggapin ng maluwag sa dibdib.
(Story dedicated to SaintTail-Chan/dcmuch
______
***
Minsan merong isang dahon na may pangalang Elmo. Siya ay tumubo isang sanga ng punongkahoy noong kasagsagan ng Tagsibol. Habang lumilipas ang mga araw ay lumalaki siya at nagiging matibay na dahon.
Si Elmo ay napapaligiran ng libu-libong dahon na katulad niya rin. Hindi naglaon, natuklasan niyang hindi sila magkakapareho kahit na iisang puno lang ang pinanggalingan nila.
Si Lucas, siya 'yong dahong katabi ni Elmo, si Lyko naman nasa kaliwa nito. At si Lira naman 'yong nasa tuktok nila, siya ang pinakamagandang dahon sa lahat. Sila ay magkakasabay lumaki. Hindi nagtagal, natutunan nila kung paano sumayaw sa hangin, magbilad sa init at magtampisaw sa ulan.
Si Elmo ay mayroong matalik na kaibigan. Si Dante. Isa rin itong dahon pero nauna itong tumubo sa sanga bago si Elmo. Sa lahat ng dahon sa sangang iyon, si Dante ang pinakamalaki at pinakamatalino. Ito ang nagsabi kay Elmo na lahat sila ay parte ng isang puno at sila ay lumalaki sa pampublikong pasyalan. Ipinaliwanag din nito na ang puno ay merong mga ugat sa ilalim ng lupa na siyang nagpapatibay dito upang manatili itong nakatayo sa gitna ng masungit na panahon. Ipinaliwanag din ni Dante maging ang tungkol sa araw, buwan at mga bituin pati na rin ang pagbabago ng panahon.
Masaya si Elmo sa pagiging dahon niya. Mahal niya ang kanyang sanga at mahal niya ang kanyang mga kaibigang dahon. Mahal niya pati na rin ang bawat hampas ng hangin, ang mainit na sikat ng araw at ang malamlam na sinag ng buwan. Sobrang saya niya at wala na siyang mahihiling pa.
Natutuwa si Elmo kapag nakakakita siya ng mga taong naglalakad sa pasyalan, mga taong nagpi-picnic, mga batang naghahabulan at nagkukulitan. Lahat iyon ay kinaaaliwan niya at iyon ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya.
Ngunit mabilis na lumipas ang panahon ng tag-init at ito'y naglaho nang unang gabi ng Oktubre. Nang gabing iyon, humangin ng malakas at nanginig sa lamig ang mga dahon. Kinabukasan, nakita nalang nila na meron ng maninipis na nyebe sa kanilang mga sanga, subalit unti-unti rin itong natunaw sa init ng araw.
Sabi ni Dante kay Elmo, iyon daw ay senyales na mag-uumpisa na ang panahon ng Taglagas at nalalapit na rin ang panahon ng Taglamig. Hindi nagtagal, ang buong paligid sa pasyalang iyon ay nag-iba ng kulay. Wala nang natirang berdeng dahon ang bawat puno.
Si Lucas ay naging kulay dilaw, si Lyko naman ay naging kulay kahil. Si Lira ay naging kulay pula at si Dante ay naging kulay lila. Pero si Elmo ay naging tatlo ang kulay niya! Siya ay naging kulay pula na may halong asul at ginto. Napakaganda nilang tingnan sa malayo, animo'y kulay bahaghari ang buong puno.
"Bakit hindi pare-parehas ang kulay natin, eh galing lang naman tayo sa iisang puno?" Tanong ni Elmo kay Dante.
"Lahat tayo ay magkakaiba! Magkakaiba rin ang ating mga karanasan, at hindi tayo pare-parehas nasisikatan ng araw," tugon naman nito.
Isang araw merong kakaibang nangyari. Dumating ang napakalakas na hangin at ang buong puno ay nayugyog ng husto. Dahil doon, naputol ang ibang sanga at nalagas ang ibang mga dahon. Ang ilan naman ay bumagsak sa baba at ang iba ay inilipad ng hangin sa malayo. Dahil sa pangyayaring iyon, nahintakutan ang mga dahon!
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
SpiritualFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, mga kwentong tiyak pupukaw sa inyong mga damdamin. Mula sa p...
