Hello Readers,
How do you spend your moments, paano mo pinahahalagahan ang bawat minuto ng buhay mo?
Nakakaiyak po ang susunod kong kwento, sa lahat po nang sinulat kong inspirational stories, dito po ako naiyak... Sana maiyak din kayo, I mean sana ma-inspire din kayo tulad ko.
***
Minsan merong isang kaluluwa, nagkaroon ito ng pagkakataon na makausap ang Panginoon. Tawagin nalang natin siyang Daniel.Simula nang pumanaw si Daniel sa isang aksidente, namasyal ang kanyang kaluluwa sa ibang dimension hanggang isang araw nakita niya ang Panginoon, may hila-hila itong bagahe.
"Tayo na anak, panahon na para lisanin mo ang mundong ito." sabi Niya kay Daniel.
"Ang aga naman po, marami pa po sana akong plano sa buhay." reklamo niya.
Kakakasal pa lamang ni Daniel sa kasintahan niyang si Joana, may plano pa sana silang magpatayo ng maliit na negosyo para sa kinabukasan ng magiging anak nila, pero maagang binawian ng buhay si Daniel ng masangkot ito sa malagim na aksidente sa daan. Simula nun, naglaho ang pangarap nilang mag-asawa.
"Pasensiya kana, anak, pero kailangan mo nang umalis sa mundong ito." sagot naman sa kanya ng Panginoon.
"Panginoon, ano po yang dala-dala Niyo?" tanong ni Daniel sabay turo niya sa dala Nitong bagahe.
"Mga gamit mo 'to anak?"
"Mga gamit ko po? Ibig Niyo pong sabihin mga damit ko, pera ko..." tanong ulit ni Daniel.
Sumagot sa kanya ang Panginoon. "Hindi, anak. Ang mga bagay na iyan ay nabibilang sa mundo, lahat iyan ay maiiwan mo sa mundo."
"Eh, ano po yan, yung mga alaala ko noong nabubuhay pa ako?"
Sumagot ulit ang Panginoon. " Hindi, anak. Ang mga bagay na iyan ay nabibilang sa panahon.
Nagtanong ulit siya sa Panginoon.
"Eh, ano po yan, mga kaibigan ko at pamilya ko?"
"Lalong hindi. "Ang mga bagay na iyan ay nabibilang sa landas na tinahak mo noong nabubuhay ka pa, maiiwan sila dun." Aniya.
"Siguro po katawan ko po yung nakalagay diyan sa bagahe, tama po ba ako, Panginoon?"
Sumagot ulit Siya.
"Ang katawan mo ay nabibilang sa alikabok, anak."
"Ah, alam ko na po, panigurado kaluluwa ko yan, hindi po ba?" tanong ulit ni Daniel, mabuti nalang hindi nakukulitan ang Diyos sa dami niyang tanong.
"Hindi, anak. Mali ang nasa isip mo, ang iyong kaluluwa ay nabibilang Sakin." sagot Niya.
"Panginoon, nasabi ko na po yata lahat, ano po talaga laman ng bagaheng iyan?" naiiyak niyang tanong. Pakiramdam niya wala ng natira para sa kanya.
Inabot niya ang bagahe sa kamay ng Panginoon at binuksan niya ito. Nagulat si Daniel, wala palang laman ang bagahe. Napatingin siya sa Panginoon.
"Wala pong laman?"
Napahagulgol nalang si Daniel ng mga oras na iyon, nalaman niyang wala pala talaga siyang pag-aari sa mundo kahit isa. Lahat ng mga bagay sa mundo na meron siya, lahat yun ay hindi niya madadala sa langit.
"Kung ganun po, ano lang po yung meron ako?"
Sumagot naman ang Diyos sa kanya at inakbayan Siya nito.
"Mga sandali. Iyan lang ang meron ka sa mundong ito, anak, maliban diyan ay wala na."
-----
WAKASGINTONG ARAL:
Isinilang tayo sa mundong ito nang hubad, pwes aalis din tayong nakahubad. That's a painful reality. Kahit anong yaman mo, kahit gaano kagara ng kotse mo, kahit humihiga ka pa sa ginto, kapag sinabi ng Diyos, "Tayo na anak, oras na para lisanin mo ang mundong ito." Di naman pwedeng sabihin mo, "Teka ka lang Lord, magbabaon lang ako ng ginto." Kapag tinawag na tayo ng Diyos, lahat ng pag-aari natin sa mundo, lahat yun maiiwan natin.
Kaya habang nabubuhay pa tayo pahalagahan natin ang bawat sandali ng buhay natin, dahil ito lang ang tanging mayroon tayo, "mga sandali", gamitin natin ito para gumawa ng makabuluhang bagay, wag nating sayangin. Maikli lang ang buhay natin, hindi natin alam kung kelan tayo lilisan sa mundo, pwedeng biglaan lang katulad kay Daniel sa kwento, marami pa sana siyang pangarap pero di na niya na natupad.
Ikaw na nagbabasa nito, may pagkakataon ka pa, may pagkakataon pa tayo. I-enjoy natin ang bawat sandali, umiwas na tayo sa stressful environment, gawin na natin ngayon kung ano man yung mga bagay na nagpapasaya satin bago pa mahuli ang lahat.
God bless po...-MARWA ANGELA ENRIQUE
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
EspiritualFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na maikling kwento na kapupulutan ninyo ng aral sa buhay. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, kwento...