Mga ginigiliw kong mambabasa,
Gaano niyo ba pinagkakatiwalaan ang inyong mga kaibigan? Kaya niyo bang ipagkatiwala ang inyong mga sarili dahil mayroon kayong pinanghahawakang pangako sa isa't isa? Paano kung buhay niyo na ang nakasalalay dito, isusugal niyo pa rin ba ang buhay niyo dahil lamang sa isang pangako?
______________
***
Minsan mayroong dalawang batang magkaibigan. Si Simon at si Alfred. Sila ay magkaibigan simula noong mga musmos pa lamang sila. Kalimitan makikita ang dalawang batang ito sa may dalampasigan, namumulot ng mga kabebe o 'di kaya naman nagtitinda ng isda sa palengke. Kapag walang pasok sa eskuwela, madalas silang naliligo sa tabi ng dagat at kung minsan naman nagpapalipad ng saranggola sa may dalampasigan. Kahit saan nila maisipang magpunta, palagi silang magkasama at nagtutulungan din sila kapag mayroon silang mga gawaing-bahay.Hanggang sa sila ay lumaki, hindi pa rin nagbabago ang kanilang pagkakaibigan kahit na mayroon pa silang nakikilalang ibang kaibigan. Palagi silang nagdadamayan kapag may problema. Para kina Simon at Alfred, magbago man ang lahat pero hindi ang kanilang pagkakaibigan, walang iwanan walang mang-iiwan hanggang sa pagtanda nila. Nangako sila sa isa't isa na walang magbabago sa kanila kahit ano man ang mangyari.
Ngunit isang pangyayari ang sumubok sa kanilang pagkakaibigan. 'Di inaasahang na-frame up si Simon sa isang krimeng hindi naman niya ginawa. Inakusahan siya na siya raw ang pumaslang sa kasintahan niyang si Thyra, sa kadahilanang siya ang nakita ng mga pulis nang dumating ang mga ito sa Crime Scene. Nang araw kasi na iyon, dumalaw si Simon sa kasintahan niya, ngunit pagdating niya sa bahay nito, nadatnan niya nalang itong nakahandusay sa sahig at wala ng buhay. Punong-puno ito ng saksak sa katawan na para bang walang awa itong pinatay! Naging emosyonal si Simon at agad niya itong niyakap at napahagulgol siya sa sobrang galit at habag. Hinaplos-haplos pa niya ang mukha nito at hinalikan. Dahil sa tindi ng kanyang paghihinagpis, hindi niya namalayang nalagyan na pala ng dugo ang kamay niya at pati ang damit niya ay nabahiran na rin. Pupunta sana siya sa kusina upang hugasan ang sarili nang biglang dumating ang mga pulis! Ang akala ng mga pulis, siya ang salarin kaya agad siyang pinosasan. Kahit anong paliwanag ang gawin niya ay hindi siya pinaniwalaan ng mga ito dahil matibay ang kanilang ebidensya.
Dahil sa pangyayaring iyon, nakulong si Simon sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Walang nagawa ang kanyang mga magulang upang siya ay tulungan dahil mahirap lang ang mga ito. Tuluyang naging mesirable ang buhay ni Simon sa loob ng bilangguan at ang tanging kaibigang dumamay sa kanya ay si Alfred lamang. Simula kasi ng makulong ito, iniwasan na ito ng iba niyang mga kaibigan. Si Alfred lang ang bukod tanging naniniwalang inosente siya dahil kilala niya ito mula pagkabata at batid niyang hindi nito magagawa ang karumaldumal na krimeng iyon.
Kahit nasa kulungan si Simon, hindi pa rin nagbabago si Alfred sa kanya. Lagi niya itong dinadalaw. Araw-araw pagkagaling sa eskuwela, lagi niya itong pinupuntahan at sinasamahan, dinadalhan niya ito ng pagkain at kinukwentuhan ng mga nagaganap sa labas ng bilangguan.
"Alfred, makakalaya pa kaya ako?" Malungkot na tanong ni Simon.
"Makalalaya ka, huwag kang mag-alala, basta manalig kalang sa Kanya. Batid ng Diyos na wala kang kasalanan, " positibo namang tugon ni Alfred.
"Pero paano kung hindi?"
"Huwag ka ngang mag-isip ng ganyan, be positive okey?"
Napatingin nalang si Simon sa taas upang pigilan ang mga luhang malapit ng lumandas sa pisngi niya. Pakiramdam niya wala na siyang pag-asang makalaya. Wala na siyang pagkakataong mabuhay ng normal.
Tinapik-tapik naman siya ni Alfred nang mapansin niya itong malayo ang tingin.
"O, kain na tayo. Marami akong dalang pagkain para sa'yo. O, ito paborito mo, Jollibee Chickenjoy," nakangiting wika ni Alfred sabay labas niya ng isang supot na Jollibee sa bag niya.
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
SpiritualFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na maikling kwento na kapupulutan ninyo ng aral sa buhay. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, kwento...