ISANG BASONG GATAS

42 2 0
                                    

Famous na sa social media ang kwentong ito, kahit paulit-ulit ko na 'to nababasa, nagbibigay pa rin siya ng konting sundot sa puso ko...






***
Isang araw sa isang malayong bayan ng San Antonio, meron batang naglalako ng gulay, binibintahan niya ang bawat bahay na madaanan niya. Salat sa buhay ang pamilya niya, kaya naman nagpupursigi siyang mag aral at ang kinikita niya sa pagtitinda ng gulay ay pinandadagdag niya sa baon niya. Pangarap niyang maging isang doktor paglaki niya at ipinangako niya sa lola niyang maysakit na gagamutin niya ito kapag naging doktor na siya.

Isang araw habang nag lalakad siya sa initan, dala-dala ang paninda niya, nakaramdam siya ng gutom ngunit dalawang piso nalang ang pera niya, wala pa kasi siyang benta noon.

"Ahh, sakit na ng tiyan ko. Gusto ko ng kumain." sa isip-isip niya. "Di bale, hihingi nalang ako ng tirang pagkain sa susunod na bahay."

Nahihiya man, nilakasan niya ang loob niya, kumatok siya sa pintuan ng isang bahay na bungalow. Mayamaya, lumabas ang isang magandang dalaga na kahawig ni Kathryn Bernardo.

"Hi, ano kailangan mo, boy?" nakangiting tanong niya.

Gatas sana hihingiin niya pero nahiya siya sa kagandahan nito, kaya isang basong tubig nalang ang naisip niyang hingiin.

"Hello po Ate, pwede po bang makahingi ng isang basong tubig, uhaw na po kasi ako, pasensya na po!"

"Ah, ganun ba, okey. Halika sa loob." sabi nito sa kanya.

Nakita ng dalaga na parang  nagugutom ito, kaya nagtimpla nalang ito ng gatas sa malaking baso at inabot sa bata.

" O, uminom ka ng gatas, para lumakas ka, ha! Ubusin mo yan."

"Maraming salamat po, Ate."

Matapos niyang uminom ay nagtanong siya sa dalaga. "Magkano po yung gatas?"

"Nnginitian siya ng dalaga at ang sabi, "Wala, ano ka ba, libre ko lang yan sayo. Ang turo ng nanay sa amin, tumulong ng walang hinihintay na kapalit."  tapos ginulo niya ang buhok ng bata.

" Kung ganun, maraming salamat po ulit." at ngitian niya rin ito pabalik.

Pagkatapos, naglakad ulit siya sa kalye at itinuloy ang paglalako ng gulay.  Pakiramdam niya nagkaroon ulit siya ng panibagong lakas. Lumipas pa ang mga araw at buwan, hindi na niya ulit nakita ang dalaga hanggang sa mawala ito sa isip niya.

Makaraan ang labinlimang taon, nagkaroon ng kakaibang sakit ang dalaga, hindi matukoy ng mga doktor sa bayang iyon kung ano klaseng sakit at dumapo sa kanya, kaya naman nagpasya silang dalhin ito sa isang  ispesyalista sa Maynila.

Dito ay masusing pinag aralan ng mga doktor ang sakit ng dalaga at pinatawag nila si Dr. Joven Pido ang pinakamagaling na ispesyalista para sa consultation.

Nang marinig ni Doc Joven ang pangalan ng bayan kung saan nagmula ang pasyente ay biglang niyang naalala ang kanyang childhood memories. Ito ang lugar kung saan siya nagsikap mag aral noong maliit pa siya. Kaagad siyang bumaba ng ospital at dumiretso siya sa silid ng pasyente.

Nang makita niya ito ay namukhaan kaagad niya, kaya naman ginawa niya lahat ng kanyang makakaya para iligtas ito. Makaraan ang ilang  masusing gamutan,  napagtagumpayan nito ang sakit niya. Unti-unti na ring  nanumbalik ang lakas niya hanggang ilipat siya sa isang ward.

Subalit habang lumilipas ang mga araw ay kinakabahan naman siya kung paano niya mababayaran ang bill sa ospital, hindi biro ang sakit niya, alam niyang buwis buhay ang ginawa ng mga doktor para lamang masalba ang buhay niya...

Dumating ang araw na kinakatakutan niya nang makita niya ang bill sa gilid ng kama niya, siguro may nag iwan nito habang tulog siya.

Nanginginig ang kamay na dinampot niya iyon, binasa niya ang bill at amabot iyon sa mahigit ₱500,000 pesos kasama doctor's fee. Pero may nakita siyang note sa ibaba ng bill..

"Bayad na po kayo, salamat po sa isang basong gatas."
-Doctor Joven Pido, MD.

Dahil sa note na iyon, bigla niyang naalala ang munting batang pinainom niya ng gatas noon.
-----
WAKAS







GINTONG ARAL:

Sabi sa isang kasabihan  "Kung ano ang itinanim, siyang aanihin."
Kung ano ang kabutihang ginawa mo sa kapwa mo, babalik yun sa iyo.

Thanks for reading, everyone. God bless.

-MARWA ANGELA ENRIQUE

BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon