***
Minsan merong isang binatang malapit ng magtapos sa kanyang kursong Abogasya. Si Angelo, isang matalino at masunuring anak. Ni minsan hindi ito naging sakit ng ulo sa kanyang ama. Nagsumikap ito sa kanyang pag-aaral at ginawa nito ang lahat para matuwa ang kanyang ama. At dahil sa kanyang pagsusumikap, si Angelo ay nangarap na sana regaluhan siya ng kanyang ama kahit man lamang isang brand new Sports Car.Isang araw magkasamang naglalakad ang mag-ama sa may Ortigas Center...
"Pa, nakikita niyo po ba yung pulang sports car na iyon, ayun, po!"
"Saan?"
"Ayun po sa loob ng Show Room." Sagot ni Angelo sabay turo ng kamay niya doon sa nakasalamin na bilihan ng mga kotse.
"Naku, mahal ang ganyang kotse, anak!" Sagot naman ng ama niya na parang hindi interesado.
"Alam ko po pero gusto ko ng ganyan, eh. Tingnan niyo, balang araw mapapasa akin din yan!" nakangiting sabi ni Angelo, para bang nagpapahiwatig siya sa kanyang ama na yun ang gusto niyang matanggap sa araw ng kanyang pagtatapos.
Makalipas ang ilang buwan...
Dumating na ang besperas ng pagtatapos ni Angelo at masayang masaya siya. Umaga palang, ipinatawag na siya ng kanyang ama sa pribadong silid nito.
"Congratulations, son, I'm so proud of you!" masayang sabi nito sabay tapik sa kanyang balikat.
"Salamat po, Papa. Ginawa ko po lahat ng aking makakaya dahil gusto ko po maging pround kayo sa akin!" sagot naman ni Angelo, bakas sa mukha niya ang kasiyahan sa nakamit niyang tagumpay.
"Tomorrow is your graduation day, I want you to look great, son! Mag-enjoy ka, magpakasaya ka! Aba, minsan lang yan mangyari sa buhay mo."
"Opo, Papa."
"At dahil hindi mo ako binigo at talagang nagsumikap ka ng iyong pag-aaral, may regalo ako sa'yo!" Nakangiting sabi ng kanyang ama sabay abot sa kanya ng isang maliit na pulang kahon.
Y
May palamuting laso ang kahon at sa ibabaw nito, may nakasulat na: "Happy Graduation Day, son, I'm so proud of you! Love, Papa."Nadismaya man, binuksan pa rin ni Angelo ang kahon, tumambad sa kanya ang isang maliit na Bibliya. Bigla itong nagalit sa kanyang ama at nagtaas ng boses.
"Bad trip! Ang dami-dami niyong pera tapos bibliya lang ang ireregalo niyo sa akin? Aanhin ko naman yan?"
Padabog na lumabas ng pinto si Angelo at iniwan niya ang bibliyang regalo ng kanyang ama sa ibabaw ng mesa nito.
Lumipas pa ang maraming taon. Naging matagumpay na Abogado si Angelo. Naging Bar Topnotcher siya at dahil dun, naging tanyag siyang Abogado ng mga kilalang opisyal ng pamahalaan. Nagkaroon siya ng sariling pamilya, nakapag pondar ng malaking bahay sa isang sundibisyon at nakabili ng mga mamahaling sasakyan.
Sa ginta ng tinatamasa niyang karangyaan, bigla niyang naalala ang kanyang ama at nagpasya siyang dalawin ito sa kanilang lumang bahay. Subalit hindi pa man siya nakakaalis ng bahay, biglang may dumating na telegrama para sa kanya. Patay na raw ang kanyang ama at lahat ng ari-arian nito ay ipinamana sa kanya.
"Kailangan kong makauwi agad sa amin!" sa isip-isip niya.
Pagdating niya sa luma nilang bahay, agad niyang nakita ang lumang larawan ng kanyang ama. Napuno ng kalungkutan ang kanyang puso at naalala niya ang masayang alaala nito nung ito'y nabubuhay pa. Kaagad niyang pinuntahan ang dating pribadong silid nito, nagbaka-sakali siyang may makikita siyang mga importanteng papeles doon.
Habang isa-isa niyang hinahalungkat ang laman ng cabinet, bigla niyang nakita ang bibliya na regalo noon ng kanyang ama. Kahit ilang taon na ang nakalipas, bago pa rin ito kung iyong titingnan, halatang hindi pa nagamit. Dahan-dahan niyang binuklat ang bawat pahina nito nang biglang malaglag sa paanan niya ang isang susi ng kotse. Nakalagay ito sa loob ng maliit na sobre na naka-tape sa huling pahina ng bibliya. Nakalagay pa rin sa tag nito ang pangalan ng car dealer, kapangalan iyon ng dealer ng sports car na nakita niya noon sa Ortigas Center. Nakalagay din sa tag ang petsa noon ng kanyang Graduation Day at may nakasulat na "PAID IN FULL".
Dahan dahang tumulo ang luha niya at naalala niya kung paano niya sumbatan ang ama niya nung umagang iyon nang di nito mabigay ang regalong gusto niya. Ganun pa man, kahit humagulgol pa siya ng iyak ngayon at magsisi, hindi niya maibabalik pa ang kahapon.
____WAKAS
A/N:
Thank you po sa lahat ng nagbasa... Sana po ay nagustuhan niyo ang kwentong ito.
GINTONG ARAL:
Ilang beses po nating hindi natatanggap ang mga regalo satin ng Diyos dahil hindi ito nakabalot kagaya ng ini-expect natin? Yun bang humiling tayo kay Lord na sana makaahon tayo sa mga problema bagkus dagdagan pa niya ng mas matindi pang problema. Ang hindi natin alam... "PROBLEMS ARE JUST BLESSING IN DISGUISE FROM GOD." Ang maganda po nating gawin kapag nakakaranas tayo ng mga matinding problema sa buhay, gamitin natin itong stepping stone upang makuha natin ang solusyon.
-MARWA ANGELA ENRIQUE
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
SpiritualitéFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na maikling kwento na kapupulutan ninyo ng aral sa buhay. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, kwento...