ANG MANLALAKBAY

48 2 0
                                    

Ito po ang pangalawa kong kwento...








***
Isang manlalakbay na lulan ng kanyang kamelyo ang naabutan ng sand storm sa isang desyerto. Dahil mahirap lumakad kapag may sand storm, pansamatala siyang nagpahinga at gumawa ng camp tent para may makublihan siya mula sa hagupit ng bagyo. Maliit lamang ang ginawa niyang tent, pang isang tao lamang kaya naiwan sa labas ang kamelyo niya.

Habang lumalalim ang gabi, palakas naman ng palakas ang sand storm sa desyerto, kulang nalang liparin na yung tent na ginawa ng manlalakbay.

Sa kabilang banda, inggit na inggit ang kamelyo sa kanyang amo. Alam niyang masarap ang tulog nito sa loob ng tent samantalang siya, giniginaw sa labas. Kaya naman gumawa siya ng paraan at ginising niya ito.

"Sir..., maawa naman po kayo sakin, Sir. Papasukin niyo po ako sa tent niyo, nilalamig na po ako dito."

Sumagot naman ang amo niya. " Hindi tayo kasya, diyan ka muna sa labas."

Umisip ng ibang paraan ang kamelyo. Hindi siya papayag na hindi siya makapasok sa tent. Kaya tinawag niya ulit ang amo niya habang nakasilay ang kanyang mga pilyong ngiti.

"Sir, sige na po, kahit yung ilong ko lang, oh. Kahit maliit lang na butas, yung kasya lang sa ilong ko."

Ngunit di siya sinagot ng amo niya marahil masarap ang tulog nito kaya tinawag niya ulit.

"Sir, aray ko yung ilong ko po napasukan ng buhangin, aray, aray! 'Di na po ako makahinga, ugggh!"

Naawa ang amo niya kaya pinagbigyan niya ito. Gumawa ito ng maliit na butas para sa ilong niya. Palihim itong napangiti. Makalipas ang isang oras ay tinawag niya ulit ito...

"Sir, yung mata ko, masakit po mata ko."

"Bakit?"

"Napasukan yata ng buhangin ang mata ko, Sir, hindi ko maidilat. Pwede po bang dagdagan niyo yung butas na ginawa niyo, ipasok ko lang mata ko, Sir."

Bumangon ang amo niya at nilakihan ang butas sa tent. Napailing nalang ito sa kakulitan ng alaga niya.

Pagkalipas ng isang oras ay ginising na naman siya ng kamelyo niya. Masakit daw ang taenga niya.

"Sir, huhuhuhh, yung tenga ko, po, huhuhh..."

"Ano na naman, nakakabwisit kana ha? Di ako makatulog na damuho ka!" naiinis na reklamo ng amo niya.

"Pasensiya na Sir, ang lakas talaga ng hangin sa labas, napasukan po ng buhangin taenga ko, Sir. Maawa po kayo Sir, papasukin niyo na po ako diyan."

"Di nga pwede, eh. Ang kulit mo naman!"

"Oh, sige Sir, dagdagan mo nalang 'tong butas, makapasok lang ulo ko, Sir!"

Naiirita man, walang nagawa ang manlalakbay kundi sundin ang gusto ng alaga niya. Bumangon ulit ito at nilakihan pa ang butas sa tent.

"Oh, ayan ipasok mo na ulo mo, siguro naman wala kanang request sa sakin dahil pag ginising mo ako ulit, katay ka sakin."

Napangiti nalang ang kamelyo sa kanya, wala siya kaalam-alam na inuuto lang siya nito. Mas lalo pa ito napangiti nang masilayan niya ang loob ng tent. Nakita niya ang amo niya, napaka komportable ng tulog nito at nakakumot pa. Naisip niya na kung makakapasok lang sana siya sa tent, makakatulog din siya ng mahimbing katulad niya.

Makalipas ang isang oras ay nagdrama na naman ang kamelyo... Nagpa cute siya sa amo at ginising niya ito na may kasamang lambing...

"Sirrr... Sirrr... Ang sakit ng tiyan ko, kinakabagan po ako."

"Bwisit ka talaga, ano naman kailangan mo?"

"Napuno na po yata ng hangin katawan ko, Sir. Pwede po bang ipasok ko yung pwet ko? Wag po kayong mag alala, last na pong request 'to, after this I won't bother you anymore."

"May pa-english, english ka pang hayop ka!"

Padabog na tinastas ng amo niya ang tent at niluwagan niya ito ng husto para magkasya ang buong katawan niya sa loob.

Nang makapasok ang kamelyo ay kaagad niyang tinadyakan ng ubod lakas ang amo niya, kaya tumalsik ito sa labas ng tent.

"Ayan, makakatulog na rin ako ng mahimbing." wika niya sa sarili sabay ngisi.
-----
WAKAS





GINTONG ARAL:

Minsan may mga panahong mabilis tayong mauto ng mga taong nasa paligid natin. Hindi natin namamalayan nakukuha na pala nila ang gusto nila. Lagi sana tayong mapanuri sa mga taong nakapaligid sa atin, wag kaagad magtitiwala nang hindi tayo naloloko.
Salamat po sa mga bumasa.

-MARWA ANGELA ENRIQUE

BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon