Hello Readers,
Para po sa kapistahan ng Linggo ng Palaspas (Palm Sunday) nais ko pong handugan kayo ng isang nakakaantig na kwento na tiyak magpapatindig sa mga balahibo niyo. Dito niyo masasaksihan kung paano kumilos ang Diyos.
Sino po sa inyo ang nalate na ng uwi sa gabi dahil gumimik kasama ng barkada? I'm sure makaka relate kayo dito. Ang kwento pong isi-share ko sa inyo ngayon ay kwento ng kakilala ko. Ito po ay karanasan ng kaibigan niyang si Sol, isang karanasan na hinding-hindi niya malilimutan sa tanang buhay niya...
***
Isang araw nagkayayaan ang limang magkakaibigan na gumimik or or shall I say mag celebrate dahil na-promote ang isa sa kanila bilang assistant supervisor sa kompanyang pinagtatrabahuan. Matapos nilang kumain sa isang high class restaurant, tumuloy agad sila sa isang gig upang manood ng paborito nilang banda... Napaka entertaining ng pinapanood nila at sobra silang nag i-enjoy kaya naman hindi nila namamalayang mag a-alas onse na pala ng gabi.
"Uy mga sis, ano, di pa ba tayo uuwi?" Kinalibit ni Sol ang mga kaibigan niya na kanina pa sayaw ng sayaw habang sinasabayan ang tugtog ng banda. Tila naiinip na ito at gusto nang makauwi.
"Mamaya na, napaka KJ mo talaga Sol, maki-jamming ka naman, minsan lang to, ano ka ba?" sagot naman ni Aileen na kanina pa humahataw.
"Oo nga, halika na girl, sayaw pa tayo, ganda ng tugtog, oh!" aya naman nila Abi at Daisy.
"Malayo pa uuwian ko mga sis, eh. Baka pwedeng bumawi nalang tayo next time maghahatinggabi na rin kasi." sagot naman niya habang panay ang tingin sa relo.
Matapos ang tugtog ay magsibalik na sila sa kani-kanilang upuan at kanya-kanyang silip sa mukha at retouch ng lipstick.
"O, siya tara na nga, basta balik tayo dito sa Sunday ha? Ihatid na natin 'tong si Sol, baka makidnap pa 'to." sabi naman ni Karen habang inaayos ang shoulder bag niya.
Pagkalabas ng venue ng limang magkakaibigan, agad nag-book ng grab ang isa sa kanila, maswerte namang dumating agad yung taxi at nakasakay agad sila. Sa kanilang magkakaibigan si Sol ang pinaka malayo kaya hinatid muna nila ito bago sila nagpahatid sa taxi sa kanila-kanilang bahay.
Alas dose y media na noon at medyo umaambon-ambon pa. Nagmamadali si Sol na makarating sa sakayan ng tricycle, ngunit wala siyang naabutang nakapila roon. Tanging balot vendor lamang at ilang istambay ang naabutan niya. Nasa bandang dulo pa ng looban ang bahay nila at mas delikado kung lalakarin niya ito lalo pa't maraming nag iinuman sa kanto. Para makaiwas sa piligro, wala siya nagawa kundi ang dumaan sa shortcut. Isa itong makipot na iskinita. Medyo madilim kapag dadaan ka dito sa gabi dahil magkabilaan ang mataas na pader. Pero wala siyang choice kundi ang dumaan dito lalo na't wala na siyang masakyan. Habang nasa kalagitnaan siya ng iskinitang iyon, may napansin siyang pigura ng lalaki sa may unahan, naka suot ito ng jacket na may hood at nakasandal sa pader, parang bang meron siyang inaabangan.
Biglang kinabahan si Sol at nangatog ang tuhod niya sa takot. Dahil nung mga oras na iyon, wala man lang siyang kasabay maglakad. Miski sumigaw siya ay walang makakarinig. At kung tatakbo man siya pabalik, tiyak maaabutan pa rin siya nito.
Dahil sa takot ay napapikit na lamang siya.
"Diyos ko, tulungan niyo po ako!" tanging nasambit niya nung mga oras na iyon. Alam niyang hindi siya madasaling tao, hindi rin siya pala simba, ngunit natuto siyang tumawag sa Diyos sa gitna ng nakaambang panganib.
Walang lingon-lingon ay dire-diretso siyang naglakad habang kumakabog ang dibdib niya sa takot. Pagtapat niya sa strangherong lalaki, bigla siyang nakaramdam ng kaginhawaan, nawala bigla ang takot niya, pakiramdam niya may kasabay siyang naglalakad noong mga oras na iyon. Nilingon niya ang lalaking nakasandal sa pader, napansin niyang nakalampas na pala siya, pero hindi man lang ito kumilos ng masama at tiningnan lang siya at dahil dito ligtas siyang nakauwi ng bahay.
Kinabukasan, nabasa niya sa diyaryo na may ginahasa at pinatay na dalaga doon mismo sa iskinitang iyon kung saan siya nagshortcut. Base autopsy ng mga pulis ginahasa daw muna ito saka sinakal ng alambre hanggang sa mamatay. Wala pa ring lead ang mga pulis kung sino ang gumawa ng krimen lalo pa't wala naman CCTV sa lugar na iyon.
Napahagulgol nalang sa iyak si Sol noong mga oras na iyon, sobrang nagpapasalamat siya sa Diyos dahil ipinag_adya siya sa kapahamakan lalo pa't 20 minutes lang ang pagitan bago mangyari ang krimen.
Upang makatulong sa kaso, nagpasiya siyang pumunta sa police station. May pakiramdam siyang makakatulong siya para mahuli ang salarin.
Pagdating sa police station, agad niyang ikwinento na dumaan siya sa iskinita 20 minutes bago mangyari ang krimen at may nakita siyang kahina-hinalang lalaki na nakasandal sa pader noong gabing iyon.
Agad naglabas ang mga pulis ng pictures ng mga lalaking may crime record sa kanila.
"Miss, maituturo niyo ba sa amin ang hitsura ng lalaking nakita niyo noong gabing iyon!" tanong ng pulis na nag-iibistiga.
"Ito po yun, Sir! Di po ako pwedeng magkamali, siya po ang nakita ko sa iskinita." sabi ni Sol sabay turo ng daliri niya sa picture ng lalaki na nakasuot ng jacket na may hood.
"Sige po, maraming salamat sa impormasyon."
Mabilis namang nagsagawa ng manhunt operation ang mga pulis at di kalaunan, nahuli nila ang suspect. Agad namang umamin ito sa ginawa niyang krimen nang makompirma ni Sol na siya nga ang lalaking nakita niya sa iskinita. Napag alaman na ito palang taong ito ay isang drug addict at matagal na nilang pinaghahanap dahil suspect din ito kasong robbery at double murder.
Nang mailagay na sa heightened security ang suspect ay agad na nagpasalamat ang mga pulis kay Sol sa malaking tulong na naiambag niya sa pulisya. Tinanong siya kung meron pa ba siyang ibang tulong na kailangan.
"Ah, Miss, maraming salamat ha? Kung meron ka pang ibang kailangan, sabihin niyo lang sa amin."
"Sir, pwede pong humiling ng isang bagay, pwede po bang pakitanong niyo po sa suspect kung bakit hindi ako ang inatake niya nung gabing iyon, kasi po kung tutuusin, pwedeng ako ang naging biktima niya."
Dahil sa request ni Sol, pinuntahan nila ang suspect sa selda at tinanong nila ito, pati ang pulis ay naguguluhan din kung bakit tila ipinag adya ang dalaga sa tiyak na kapahamakan.
"Boy, halika, may itatanong kami." tawag ng pulis kay Rigor na noo'y nakaupo sa sulok ng selda at naka tungo. Agad naman itong nag-angat ng mukha at nilapitan sila.
"Ano yun?"
"Gusto lang kitang tanungin. Nagtataka lang kami kung bakit hindi mo ginalaw ang babaeng ito," sabi ng pulis sabay turo kay Sol. "...noong gabi na dumaan siya sa iskinita, 20 minutes bago mo isinagawa ang krimen. Kung tutuusin, pwedeng siya ang naging biktima mo dahil nauna siyang dumaan."
" Hindi ko siya pwedeng galawin, Sir. May kasama po siyang dalawang lalaki nang mga oras na iyon, malalaki po ang mga katawan nila."
_____
WAKAS
A/N:
Oh, my God! Goosebumps! Iba talaga ang power ng prayer. On the spot!
GINTONG ARAL:
Kahit pala di ka madasaling tao, kapag tumawag ka sa Diyos, kapag magdasal ka ng taimtim yung talagang galing sa puso, didinggin ka Niya. Hindi mo na kailangan magdasal pa ng napakahabang dasal, hindi mo na kailangan magdasal ng litaniya, kapag nasa bingit ka ng panganib, "Diyos ko, tulungan Niyo po ako." ay sapat na para marinig ka ng Diyos at tiyak ikaw ay makakaligtas basta't buo ang iyong pananalig sa Kanya.
Salamat po sa mga nagbasa, sana nagustuhan niyo, sana mag vote po kayo. Abangan niyo po ang isi-share kong kwento sa inyo para sa Maundy Thursday, pinamagatang, "Bakanteng Upuan". Thank you po.
Have a blessed Palm Sunday to all.
-MARWA ANGELA ENRIQUE
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
SpiritualitéFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, mga kwentong tiyak pupukaw sa inyong mga damdamin. Mula sa p...
