***
Noong unang panahon, mayroong dalawampung bilanggong nag tangkang tumakas sa kulungan. Sampu sa kanila ang maswerteng nakatakas ng tuluyan at ang sampu naman ay nahuli ng mga pulis at naibalik sa kanilang selda.Kaagad namang pinatawan ng kaukulang parusa ang mga Jail Guards at pinatalsik sa serbisyo, ngunit hindi lang mga Jail Guards ang pinarusahan ng mga awtoridad, kundi pati na rin ang sampung mga bilanggong nagtangkang tumakas.
"Dahil sa inyong pagtatangkang makatakas, kayong sampu ay haharap sa isang matinding parusa," galit na wika ng Jail Warden.
Bigla naman silang kinabahan at nagkatinginan sa isa't isa, bakas sa mukha nila ang takot. Tiningnan sila ng Jail Warden ng matalim at nagsalita.
"Simula ngayon hindi na kayo makakatikim ng pagkain hanggang sa kayo ay mamatay sa gutom!"
Lahat ay nagulat sa kanilang narinig at nagbulong-bulungan, ang iba ay naiyak nalang sa tabi, at ang iba naman ay nagmura sa sobrang galit. Kapansin-pansin naman ang paglapit ng isang bilanggo sa rehas at pilit na nagmakaawa sa Jail Warden.
"Sir, maawa po kayo sa akin, ayoko pa pong mamatay! Maawa po kayo, maliliit pa po mga anak ko!" pagmamakaawa nya.
"Manahimik ka! Kasalanan mo yan. Kung hindi ka sana sumama sa kanila, eh 'di sana ligtas ka sa parusa ngayon! Pero nagtangka ka ring tumakas tulad nila, kaya marapat lamang na ikaw ay maparusahan!" Ang pagalit na sigaw ng Jail Warden.
"Patawarin niyo po ako, Sir! Alam ko pong nagkamali ako, pero humihingi po ako ng tawad sa inyo! Lahat po ng parusang ibibigay niyo sa'kin tatatnggapin ko po, huwag lang po ang kamatayan. Maawa po kayo! Kailangan pa po ako ng aking pamilya!"
"Wala akong pakialam! Ako ang Jail Warden dito, kaya ako ang siyang masusunod!" galit na sagot nito.
"Nakikiusap po ako, parang awa nyo na! Sirrr! Sirrrr!" Umiyak na napaluhod ang bilanggo ngunit, tinalikuran lang ito ng Jail Warden at nag umpisa na itong humakbang kasama ang lima niyang mga Jail Guards.
Lingid sa kanilang kaalaman, isang bilanggo sa kabilang selda ang tahimik na nakamasid at nakikinig sa pinag-uusapan nila. Nakita nito ang abot langit na pagmamakaawa ng kapwa niya bilanggo, pero hindi man lang pinakinggan. Nakaramdam ito ng awa kaya naman tinawag niya ang Jail Warden na noo'y 'di pa nakakalayo.
"Sir! Sir! Meron po akong mahalagang sasabihin sa inyo! Sir!"
Napalingon naman sa kanya ang Jail Warden at pinuntahan siya nito sa kanyang selda.
"Bakit? Anong kailangan mo?" tanong niya.
"Sir, maawa na po kayo sa kapwa ko bilanggo, huwag niyo nalang po siyang parusahan. Maawa po kayo sa pamilyang maiiwan niya kapag namatay siya!" pakiusap nya, pero nainis lang sa kanya ang Jail Warden.
"Eh, bakit ka ba nangingialam dito, ha? Bilanggo ka lang! Ako ang Jail Warden dito at ang utos ko ang siyang masusunod! Huwag mo akong bwisitin kung ayaw mong isama kita sa paparusahan ko ng gutom! Ano?" galit na salita ng Jail Warden sa kanya, pero seryoso lang itong nakatingin at buong tapang na sumagot.
"Sige po, Sir! Tinatanggap ko po ang hamon niyo. Tatanggapin ko ang parusang gutom, sige ipasok niyo na ako sa seldang iyan, ibigay niyo lang ang hinihiling ng kapwa ko bilanggo!"
Namangha ang Jail Warden sa ipinakitang katapangan niya pati ang ibang mga Jail Guards ay namangha rin. "Sigurado ka ba sa sinasabi mo?" 'di makapaniwalang tanong ng Jail Warden.
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
SpiritualFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na maikling kwento na kapupulutan ninyo ng aral sa buhay. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, kwento...