Perspektibo ni S/Insp. Lim
_________________________Habang nasa byahe ay kitang-kita ko ang pag-aalala ni Mr. Gomez sa kanyang anak. Sa buong byahe namin patungong Caragao ay tahimik lamang ito. Sa katunayan nga, mula pa noong nakita niya ang translation ay ganoon na lang ang kanyang biglaang pananamlay na para bang tinanggaan siya ng katinuan sa mismong oras ding yun. Kung sa bagay, naranasan ko rin yan noon. At walang araw o gabi na hindi ko hiniling na maibalik ko ang oras para mapigilan ang pangyayaring bumabagabag pa rin sa akin maging hanggang sa ngayon.
"Malapit na po ba tayo, Sir?" Tanong pa ni Zach sa akin na siyang tinanguan ko lang.
Hawak-hawak ko ang pinakaunang baril na hinawakan ko. Naninigas ang aking panga habang iniisip ang pangyayaring yon, sampung taon na ang nakalipas. Sa isip-isip ko pa ay hindi ko hahayaan na maranasan pa yun muli ng kahit na sinuman. Dahil alam ko kung gaano ka-bigat ang magiging pasan-pasan mo para sa mga susunod pang taon hanggang sa kamatayan.
"Nandito na tayo." Ang sabi ko pa sa kanila noong makarating na kami sa Joaquin Robles Street—kung saan namin nahanap ang sasakyan ni Teresita Gomez.
"Sir! Mabuti po at nakarating na kayo." Binati ako ni PO3 Hernandez, isa sa mga pinadala ko para maimbestigahan ang natagpuang putol na kamay—na siyang malaki ang posibilidad na may koneksyon sa kaso.
"Oo. Nasaan na pala ang narecover niyong kamay?"
"Yun nga po ang problema nga lang Sir, eh. Kinuha ng Caragao Police ang ebidensya dahil ang katuwiran nila ay under umano sa ilalim jurisdiction nila ang pag-iimbestiga roon." Noong marinig ay medyo ikinainis ko naman yun dahil ako ang may hawak sa imbestigasyon ni Gomez.
"Ano?!" Naging reaksyon ko sa binalita ni Hernandez.
"Putang ina..." Pabulong ko pang sabi.
"P--pero, maaari ko po bang makita yung kamay? Gusto ko lang pong malaman kung kamay po ba yun ng anak ko." Pakikiusap ni Mr. Gomez sa amin.
Noong narinig ko yun mula kay Mr. Gomez ay nalungkot ako para sa kanya. Bilang isa ring ama ay napakasakit isipin na may nangyaring hindi maganda sa aming mga anak. Ito yung mga katanungan na mahirap tanggapin dahil hindi natin inaasahan na bukas-makalawa ay posibleng bangkay na lamang nila ang ating mahahawakan.
Itinuon ko ang aking mga mata sa direksyon ng kagubatan sa kalsadang yon. Hindi ko alam, pero parang may nagsasabi na kailangan kong pumunta roon. Parang pilit akong hinihila ng aking pandama na baka sakali ay may mahahanap pa kami roon. Kaya walang anu-ano ay kusang naglakad ang sarili kong mga paa patungo sa kagubatan.
"Saan po kayo pupunta, Sir?" Tanong pa ni Zach sa akin. Hindi ko siya nilingunan pero sumagot ako sa kanya.
"Dalhin mo ang baril mo at samahan ako rito. Baka may makikita pa tayo." Utos ko sa kanya na agad naman siyang sumunod sa akin sa likuran.
"Teka, sasama ako sa inyo." Sabi pa ni Mr. Gomez.
"Sige po, basta dumikit lang po kayo sa amin." Sagot ko sa kanya.
BINABASA MO ANG
Ang Pagkawala Ni Teresita Gomez
Misteri / ThrillerSi Teresita Gomez ay ipinanganak sa isang simple ngunit marangyang pamilya. Bagama't maayos ang kanyang pamumuhay ay may mga patong-patong na problemang dumating sa kanya. Dahil dito, napagpasyahan niya na munang umalis upang nang sa ganoon ay makap...