Chapter 59- Gasera at Anino

133 4 0
                                    

"Hangga't maaari ay wag natin silang babarilin, mga sibilyan pa rin sila. Ngunit pag nanganganib na ang buhay at kaligtasan niyo, doon, magpaputok na kayo. Lagi nating isipin na sa gabing ito, ang tanging misyon natin ay masagip sina Mr. Gomez at ang pamilya nito—yun lang at wala nang iba." Ito ang naging bilin ni Lopez bago silang sumugod sa sentro.

Biglang nagkagulo noong dumating sina Lim sa kanilang kinaroroonan. May mga nagsipag-takbuhan, at may ilan ding mga miyembro ang nakipagpalitan sa kanila ng putok at sumugod dala-dala ang mga itak—at iba pang pwedeng gamiting armas para sila ay labanan.

Dali-daling hinila ni Erwin si Teresita na noo'y nakatulala pa rin habang sina Macario naman ay dahan-dahang inalayan nina Lopez at ng ilang mga tauhan nito papalayo.

Sa kalagitnaan ng kaguluhan ding yon ay sinamantala na rin ni Andre na hilain si Xandra  para sumama sa kanila.

"Andre...bitawan mo na ako! Wala akong mukha na maihaharap sa inyo!" Pagpupumiglas pa ng dalaga.

"Hindi! Ginagamit ka lang nila! Kaya sumama ka na sa amin hangga't may panahon pa!" Pagpupumilit pa ni Andre sakanya.

Wala nang nagawa si Xandra. Hindi na rin siya makawala dahil hinawakan na rin siya ng mga Pulis para mailayo sila sa kapahamakan.

"TERESITA! TERESITA!! BITAWAN NIYO 'KO, KAILANGAN KONG SAGIPIN ANG ANAK KO!" Sigaw pa ni Macario habang papalayo sila nang papalayo patungo sa kagubatan.

"PUNYETA, MAG-ISIP KA NGA! Ikaw ang tinatarget ng mga yon. Si Teresita lang ang ginamit nila bilang kasangkapan para makuha ka. Tapos susugod ka doon nang walang pag-aalinlangan?!" Pagsaway ni Lopez kay Macario.

"Wag kayong mag-alala, nandoon na sina Lim at iba ko pang mga tauhan. Ililigtas nila ang anak niyo." Sambit pa ni Lopez sa kanila habang pinapakawalan sila mula sa pagkakagapos.

"Dumikit lang kayo saakin at may alam ako na pwede niyong pagtaguan habang ginagawa namin ang rescue operation--" Dagdag pa niya nang bigla na lamang tumakbo si Macario pabalik sa kinaroroonan ng sentro.

"HOY, BUMALIK KA RITO!" Sigaw pa ni Lopez.

Sinundan naman nila ito nang agaran ngunit hindi nila alam kung saang direksyon ito tumakbo. Dala-dala pa rin ng mga Pulis ang mag-ina dahil hindi nila maiwan ang mga ito sa gitna ng kagubatan.

"Dalhin niyo na sila sa bahay ko. Tapos bantayan niyo sila nang maigi. Malamang, punterya din sila." Utos pa ni Lopez sa tatlo ng kanyang mga tauhan-habang apat naman sa mga ito ang sumama sa kanya.

Tinakbo ni Macario ang napakadilim na kagubatan nang walang dalang ilaw, kaya maya't maya ang kanyang pagbagsak dahil sa mga nagsi-lakihang mga ugat ng mga puno roon.

"Sagipin mo si Teresita bago pang mahuli ang lahat. Sagipin mo siya kina Erwin. Dahil siya ang kabayaran sa napakalaking kasalanan na ginawa mo bilang isang sinag."

Ito ang tanging mga salita na nagsilbing liwanag na gumagabay sa kanya maliban sa hangaring mailigtas ang kanyang anak mula sa kapahamakang dulot ng kanyang dating pamilya kung maituturing. Sinisisi rin ni Macario ang kanyang sarili dahil sa naging kahinatnan ng kanyang anak—dahil sa kasalanang kanyang ginawa noong nakaraan.

Ang Pagkawala Ni Teresita GomezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon