47: Nakaraan
"Choco, mahulog ka na, please. Wag mo na akong pahirapan."
Kinakausap ko iyong stuffed toy kong aso, alam ko. Pero wala lang akong magawa lalo pa't sumabit iyon sa bakod. Kung medyo mas matangkad lang sana ako.
Kahit ngawit na ngawit na ang kamay ay patuloy pa rin ako sa pag-abot doon sa laruan at tumalon-talon pa ako ngunit bigo pa rin ako, hindi ko pa rin makuha.
Hanggang sa bigla na lang may sumulpot na kamay at walang effort na nakuha 'yung laruan ko. Natigilan ako sa kinatatayuan, ibinaba ko na rin ang kamay. Ang mga mata'y gulat na nakatingin sa bagong dating. Isang lalaki. Mas matanda kesa sa akin.
Medyo maluwag iyong t-shirt niyang suot sa payat niyang katawan. Gayundin ang kupas na maong na pantalon. Pero nang bumaling siya sa akin ay napako ang mga mata ko sa mukha niya. Partikular doon sa pilat sa kaliwa niyang mata. Mahaba kasi iyon na tila sinadyang sugatan ang doong bahagi ng kanyang mukha.
It's rude to stare, especially at strangers.
Sa pagkaalala ng babalang iyong ni Mommy ay iniwas ko na ang tingin doon at saglit na pirming tiningnan 'yung estranghero at ngumiti saka sinabing, "Maraming salamat sa pagkuha kay Choco."
Inilipat ko ang tingin sa stuffed toy ko na ngayon ay inabot na nung lalaki. Agad kong kinuha iyon, may ngiti sa labi.
"Choco pala ang pangalan niya," dinig kong sabi nung lalaki. "Eh ikaw anong pangalan mo?"
Muli akong napatingin sa kanya, handa nang sabihin ang pangalan ko nang makarinig ng pagtawag mula sa di kalayuan. "Reese! Nasaan ka?"
Si Daddy. Napatingin ako sa pinanggagalingan ng boses niya at napangiti nang maluwag nang makitang papalapit na siya sa pwesto ko.
"Narito ka pala," sabi ni Daddy sa akin at agad akong inakbayan. Tumayo siya sa tabi ko saka bumaling doon sa estranghero. "Oh, nakilala mo na pala 'tong si Simon."
Simon? ulit ko sa isipan. Iyon ang pangalan ng estranghero?
"Reese, si Simon, kaibigan siya ni Mother Pilar," pakilala ni Daddy doon sa estranghero. "Doon siya magtatrabaho sa shop at dito muna siya sa bahay pansamantalang tutuloy habang inaayos yung magiging kwarto niya doon sa shop."
"At Simon, ito naman ang nag-iisang anghel ng buhay ko, si—"
"I'm Maria Therese Madrigal," pakilala ko sa aking sarili, putol ko kay Daddy.
Pareho lang natawa si Daddy at yung bisita naming nagngangalang Simon.
Ngumiti lang naman ako sa ginawa nila at hindi na nahihiyang tingnan 'yung estranghero. Alam na namin ang pangalan ng isa't isa ngayon. Okay nang matagal siyang tingnan. Hindi na siya stranger.
Mas lumapad pa ang ngiti ko sa kanya. "Welcome dito sa bahay ng mga Madrigal."
Mahina siyang natawa saka sumagot. "Salamat. At nagagalak akong makilala ka, Maria."
Napakunot ako sa pangalan na tinawag niya sa akin. Hindi iyon ang nickname ko. At itinama ko siya. "Reese ang tawag nila sa akin dito."
"Alam ko," sagot niya. "Pero pwede naman siguro kitang tawaging Maria? Pangalan mo din naman 'yun, diba?"
Nagkibit-balikat ako. Weird marinig 'yung Maria dahil hindi ko naman madalas iyon naririnig pero tama siya, pangalan ko rin naman iyon. Okay na rin.
Kaya't tumango na rin ako sa kanya at muli ay ibinalik ang ngiti, malayo sa kaalaman ko na nang mga oras na iyon may ibang kahulugan na pala ang bawat tingin at ngiti niya.
BINABASA MO ANG
His Other Side (on hold)
Fiksi RemajaJerk, bully, conceited. Para kay Reese, iyon ang mga perpektong salitang maaaring maglarawan kay Dale - ang lalaking pinakamumuhian niya't bestfriend ng kuya niya. Simula ng fourteen years old siya'y tampulan na siya nito ng kalokohan. Wala itong gi...