44 : Goodbye

1K 35 2
                                    

Chapter 44

"Isa lang ang solusyon para tuluyang maglaho ang demonyo... at yun ay ang patayin mismo ang sarili sa araw kung saan bilog ang buwan. Kapag tumigil ang pagtibok ng puso, maglalaho na ang demonyo kasabayan ng pagtigil ng pintig ng puso."

Yan ang nakasulat sa huling pahina ng itim na notebook.

"Y-Yuri,"

Dumilat ako at tinignan sila. Nakita ko ang tuwa sa mga mukha nila habang nakatingin sa akin.

"N-Nagawa mo, nalabanan mo siya..." Nakangiting sabi ni Edward. Nakahiga siya sa lupa at nakapalibot sa kanya sina Alyssa, Yuna at Lio. Patuloy pa rin sa pagdurugo ang sugat niya pero mukhang hindi niya ito iniinda. Sinubukan niyang tumayo para lapitan ako pero ako na mismo ang lumapit.

"Wag kang masyadong gumalaw." Pigil ko sakanya pagkalapit ko. Lumuhod ako at hinawakan ang sugat niya para patigilin sa pagdurugo.

Binalingan ko ng tingin sina Alyssa. "Iuwi niyo na siya at gamutin."

"I-Ikaw na ang gumamot sa akin,"

Kung pwede lang sana...

"Wag nang matigas ang ulo mo. Gusto mo bang mamatay?"

Umiling siya at nginitian ako. "A-Ayaw ko, papakasalan pa kita."

Naramdaman kong kumirot ang dibdib ko. Umiwas ako ng tingin at itinuon nalang ang pansin sa sugat niya.

"Guys! Nakuha na namin!"

Sabay sabay kaming napalingon sa dumating. Nakita ko sina Eric at Lucas na tumatakbo papunta sa direksyon namin. Nakataas ang kamay ni Lucas at nakita ko ang kuwintas.

"Hayy salamat." Rinig kong sabi ni Jessica sa tabi ko.

Iiwas ko sana ang tingin ko pero kumunot ang noo ko nang may mapansin ako. Napatayo agad ako nang makita ko kung sino ang nasa likuran nila. Kumislap ang kutsilyong hawak ni Alexander at handang isaksak sa likuran ni Eric.

"Sa likod niyo!" Sigaw ko pero huli na, biglang natumba si Eric. Napatakbo ako sa kanila at agad dinaluhan si Eric na umuubo ng dugo. Mabilis kong pinulot ang kutsilyo at hinarap ang kambal.

"Ilayo mo siya dito, bilis!" Utos ko kay Lucas na agad naman niyang sinunod. Ngayon, kaming tatlo nalang ang magkakaharap.

"Nababaliw na kayo." Sabi ko sa kanila habang nakahanda ang kutsilyo na hawak ko. Nakita ko ang mahabang itak na hawak hawak nila.

"Ang tibay mo rin, eh noh?" Nakangising giit ni Alexander. "Pero sisiguraduhin naming makukuha niya ang katawan mo."

Natawa ako ng mahina at napailing. "Pasensya na pero hinding hindi ako papayag na magtagumpay kayo."

"Wag kang maging kampante. Hindi kami titigil hangga't hindi kami nagtatagumpay."

"Ganun ba? Siguro oras na para tumigil na kayo." Nakangising sabi ko.

"A-Anong ibig mong sabihin?"

"Tatapusin ko na ang kahibangan niyo." Nagsimula akong maglakad papalapit sa kanila. Nakita kong napaatras sila kaya muli akong natawa. "Sigurado akong alam niyo ang tinutukoy ko."

"H-Hindi mo kayang gawin yun." Nauutal na sabi ni Alexandra.

"At bakit hindi?"

"Hindi mo kayang patayin ang sarili mo."

"Kaya ko." Ngumisi ako at pinaglaruan ang kutsilyong hawak ko. "Kaya kong kitilin ang sarili kong buhay alang-alang sa kanila at sa mga mahal ko sa buhay."

Mysterious Girl | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon