Prologue

3.8K 179 57
                                    

Wish I Could See Your Smile

"Aayusin ko muna ang sandata ko. Aayusin ko muna ang ngiti mo dahil 'yon ang magiging sandata ko sa laban ko." - Landon

-

Prologue

Hindi ko na inalis ang paningin ko sa pintuan simula no'ng umalis si Mama, naghihintay akong bumalik siya agad. Ewan ko pero malakas ang kutob ko na parang bang may kakaibang mangyayari? Na parang may itinatago sila sa akin kasi lahat sila ay lumabas at parang sinadyang iwanan akong mag-isa dito sa loob ng kuwarto. Kaso hindi ko magawang tukuyin kung ano nga iyon at ayaw ko ring paasahin pa ang sarili ko.

Bahagyang napaayos ako ng higa nang mapansin kong sa wakas ay bumukas na ang pintuan.

"'Ma, ba't ang taga-" Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil sa pagkabigla. Imbes na si Mama ang pumasok, hindi ko inaasahan na tumambad sa akin si Tito Ferdy nang walang buhok. Kung meron man, sobrang ikli na lamang nito. Semi-kalbo iyon, kumbaga. Ang lawak din ng ngiti niya sa akin.

Pagkatapos umawang ng labi ko, agad akong natawa nang mariin. "Ano iyan, Tito? Bakit mo naisipang magpakalbo?"

Inilagay niya ang isa niyang daliri sa labi habang naglalakad ito palapit sa akin. "Shh. Mamaya ka muna mag-react."

Pagkasabi niya niyon, saktong pumasok naman si Kuya Cody. Kagaya ni Tito, kalbo rin ito.

Napahilot ako ng noo habang binabalik-balik ang tingin ko sa kanilang dalawa. "Ano bang trip ninyo?" Pagkatapos, hindi ko na mapigilan humagalpak dahil sa mga hitsura nila. Magkakamukha na kaming tatlo. Tatlong mukhang itlog.

"'Di ba, guwapo pa rin ako, kapatid?"

"Ulol! Siyempre, mas pogi pa rin ako sa iyo," sagot ko habang hindi pa rin nauubusan ng tawa.

"Pero siya, maganda pa rin ba?" tanong niya at bumaling sa pintuan.

Sinong siya ang tinutukoy niya?

Teka . . .

Sa isang iglap, awtomatiko akong napatigil sa pagtawa at napakunot bigla ang noo ko. Nagsimulang balutin ang buong mukha ko ng kakaibang ekspresyon at tumindi ang kabog ng dibdib ko, dulot ng kaba. "Ha? A-Anong ibig mong sabihin?" Nagkibit-balikat lang siya.

Iwasan ko man isipin iyon pero . . .posible bang nagpakalbo rin si Zara?

Umiling-iling ako. Hindi. Imposible iyon.

Pagkaraan ng ilang sandali, nagkaroon bigla ng milagro ang buong paligid ko nang makita kong pumasok na rin ang babaeng gumugulo ngayon sa takbo ng isipan ko. Mas lalong pang nalaglag ang aking panga dahil sa hindi ako makapaniwala sa hitsura niya.

Nanigas ang buong katawan ko at kusang nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan habang diretso lamang siyang sinisilayan. Natulala na lamang ako. Hindi ko alam kung paano ko siya babatiin. Tulad ng kagustuhan ko, baun-baon niya pa rin ang malawak na ngiti sa kaniyang mala-rosas na labi na nakapgbabagal ng lahat sa paligid ko subalit bagit ganoon?

Kahit katulad ko siyang walang buhok . . .

Ngumiti lang siya, lumalabas pa rin ang ganda niya? Malakas pa rin ang epekto niyon sa akin. Nahuhumaling pa rin ako.

Napalunok ako ng laway. Iba na talaga 'tong tama ko sa kaniya.

Niminsan, hindi ko pa nasusubukang kumain ng paru-paro ngunit bakit tila, maraming nagwawala sa sikmura ko? Ang sarap sa pakiramdam. Kasabay rin niyon ay ang mas lalong pagbilis ng pintig ng puso ko, sobrang bilis na aakalaing gusting kumawala. Para sa ika-dalawang pagkakataon, pakiramdam ko, humihinto ulit ang oras ko at hindi pinapansin ng mga mata ko ang nangyayari sa paligid, tanging sa kaniya lamang ako nakatuktok. Sa maaliwalas niyang mukha.

Pareho na kaming kalbo ngayon, paano niya iyon nagawa para sa lang isang taong katulad ko? Grabe.

"Ano iyan?" medyo nagbabasag-basag na boses na tanong ko sa kaniya. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit kanina pa umiinit ang gilid ng mga mata ko, hindi ko napapansin na tumutubig na pala ito. Unti-unti akong bumibigay.

"Surprise!"

Biglang pumatak ang luha ko. Saka ko napagtanto kung para saan iyon. Hindi dahil nalulungkot ako, dahil umaapaw ang saya sa puso ko. "Hindi mo kailangan gawin iyan. Puro ka kalokohan."

"Pero gusto kong gawin. Ang cool nga, eh." Humakbang siya palapit sa akin at dahan-dahan pinahid ang luha kong tumulo gamit ang hinlalaki niya. Ramdam ko ang pagbuntong-hininga niya. "Ano nga ulit 'yong mga bawal na pagkain sa iyo? Kasi gusto kong simula ngayon, bawal na rin iyon sa akin. Gusto kong maramdaman mo na iisa lang tayo. Pareho na tayo ngayon. Wala man akong katulad ng sakit mo pero ang mahalaga, maramdaman mo na ang laban mo, laban na rin namin. Suportado kita. Dito lang ako. Hindi ako aalis."

Napalunok ako. "Ang kulit mo, Zara. Ayos na ako sa ngiti mo lang. Kapag nakikita ko 'yon, nabubuhayan palagi ang dugo ko. Alam mo naman 'yon, 'di ba? Matagal tumubo ulit ang buhok, babae ka pa man din."

"Anong pakialam ko roon? Walang pagdadalawang-isip at pagsisising ginawa ko 'to, 'no! Eh, sa ganoon kita . . ." Natigilan siya bigla.

"Kita?" naghihintay kong tanong.

". . . ganoon kita . . . ano." Napahawak siya ng batok. "Basta, naging mabuti kang kaibigan sa akin kaya ngayon, ako naman ang tutulong sa iyo." Pansin ko ang pag-iwas niya bigla ng tingin sa akin pero pilit ko naman 'yon hinuhuli.

"Nakukumpirma ko na," nakangiting bulong ko sa sarili pero alam kong rinig niya iyon. Hanggang ngayon, hindi pa rin maalis-alis ang paningin ko sa kaniya.

Nanatili akong tinititigan siya.

"Ang alin?"

"Kahit na kalbo ka, parang mas lalo pang dumoble ang . . . nararamdaman ko sa iyo," sagot ko pero pahina nang pahina ang huli kong sinabi.

"Ha?"

"Wala. Sabi ko, ang ganda mo pa rin. Sobra-sobra mo akong pinapasaya ngayon. Sana hindi lang sa una ganito."

"Hanggang sa paggaling mo."

Nabura ang ngiti ko. "Ano? Hindi, ah. Hanggang sa may hininga pa akong naibubuga. Tama 'yong sinabi mong mag-enjoy lang tayo ngayon at huwag isipin ang bukas, lalo na't walang kasiguraduhan. Pero ang paggaling ko, doon dapat tayo ay sigurado."

-------

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon