50. Mrs. Guerrero

440 17 3
                                    

Chapter 50: Mrs. Guerrero

Landon

Halos dalawang linggo pa ulit akong nanatili sa loob ng Hospital. Hindi ko alam pero parang pakiramdam ko, biglang nagkaroon ng kakaibang mahika ang buong katawan ko dahilan para unti-unting bumalik ang lakas ko at bumuti na rin ang pakiramdam ko.

Sa katunayan, nakakatayo na ako nang tuwid ngunit sadiyang minsan, hindi lang maiwasang magpakasuray-suray sa paglalakad. Patuloy ko naman sinasanay itong mga binti't paa ko. Tuwing umaga kasi, tumatambay kami ni Mama sa Garden para maglakad-lakad kahit sandali lang.

Mas maraming gamot na ang iniinom ko kumpara sa mga nakasanayan ko at maraming test na rin ang isinasagawa sa katawan ko pero hindi ko ninanais na malaman pa ang mga resulta ng mga iyon. Sapagkat, ang mahalaga sa akin ngayon ay tuluyang maging maginhawa ang kalagayan ko. Doon lamang ako tumututok. Sa mga gamot na iniinom ko, tama ang hinala kong may mali nga talaga sa katawan ko. Hindi ko man alam kung ano iyon, nakikita ko naman ang improvement. Pati sa mga mukha ng pamilya ko kung gaano sila kasaya sa bilis na pagiging maayos ng katawan ko.

Dalawa lang naman ang rason kung bakit mabilis akong gumagaling, maliban sa pamilya, kay Zara. Kanino pa ba? Siyempre? Siya ang inilalagay kong sentro sa inspirasyon ko. Mula kasi no'ng nalaman ko na masaya na siya kasama ang Mama niya, wala nang ibang bagay para problemahin pa ng utak ko. Sobrang naging magaan ang loob ko dahil kampante na ako kung nasaan man siya ngayon. Alam kong maayos na siya.

Hindi rin akong makapaghintay na makita siya ulit. Siguro, mas dodoble ang saya niya kapag nakita niya ako kumpara noon. Mas lalong mag-iiba ang awra niya. Marami siyang dapat ikuwento sa akin tungkol sa bonding nilang dalawa ng nanay niya. Siguradong sobrang saya niyon pag-usapan. Masaya akong masaya na siya ngayon.

"Uuwi ka na bukas, excited?" nakangiting tanong sa akin ni Mama.

Nakahiga ako ngayon sa kama.

"Siyempre po!"

"Kaso isang linggo ka lang pala puwede sa bahay kasi babalik din tayo agad para sa next treatment mo."

"Ayos lang po iyon. Gusto ko lang pong makita si Zara at makilala ang Mama niya."

Tumango-tango siya sa akin at agad din umiwas ng tingin. Hindi na siya sumabat pa. Rinig kong napabuntong-hininga siya.

-

Kinabukasan, halos abutin na kami ng gabi nang pinayagan na kami sa wakas ni Dra. Medina para umuwi. Hindi masukat-sukat ang pagkasabik sa aking mukha habang nasa sasakyan pa lamang kami. Kulang na lang, paliparin na ang aming sinasakyan para makauwi na agad at makita ko na si Zara. Taxi lang kasi ang ginamit namin pauwi dahil wala nang sasakyan si Tito, tanda kong ibinenta na niya iyon bilang dagdag sa pampagamot ko.

"Nandiyan na kaya sila Zara sa bahay nila?" sambit ko nang unang pagbaba ko pa lamang sa tapat ng bahay namin. Ngunit sa bahay naman agad ni Zara unang dumako ang mga paningin ko. Sabi kasi ni Tito no'ng isang linggo, nag-bonding daw sina Zara at ng nanay nito sa ibang lugar. Malay ko bang nakauwi na rin sila diyan.

Nahagip ng paningin ko na biglang natigilan silang tatlo sa pagkuha ng mga gamit sa likuran ng taxi dahil sa itinanong ko. Nagkatinginan silang lahat. Nag-uusap ang kanilang mga mata.

Napalingon ako sa kanila, nakakunot ang noo. "Bakit? Ano pong problema?"

Inilapag at ibinalik ni Tito Ferdy ang kaniyang hawak sa likuran ng taxi para lumapit sa akin. Marahan niyang hinawakan ang kanang balikat ko. Sandali niya akong tiningnan nang maiigi. "Kung ano man ang malalaman mo, isipin mo na lang na mahal ka namin kaya nagawa namin 'yon sa iyo."

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon