48. She Didn't Come Back Yet

368 20 4
                                    

Chapter 48: She Didn't Come Back Yet

Landon

Simula nang umalis si Zara, sa pintuan na lamang ako nakatingin upang hintayin siya. Hindi pa rin maawat-awat ang bilis ng kabog ng dibdib ko. Ngunit lumipas ang halos bente minuto, unti-unting bumibigay ang mga mata ko. Senyales na dinadalaw na muli ako ng antok kung kaya't hindi ko namamalayang nakatulog ako bigla. Kasabay rin niyon, tuluyan na rin humupa sa wakas ang kaba ko.

Pagkagising ko, nagtataka ako nang maabutan kong walang tao sa buong silid pero bukas naman ang T.V..

Napakunot ako ng noo.

Asaan kaya sila Mama? Si Zara?

Teka . . . bumalik na ba siya? Kung gayon, saan sila nagpunta naman ngayon?

Tiningnan ko ang orasan na nasa may bandang itaas ng T.V., pasado alas syete na pala ng gabi. May hapunan na rin palang naidala sa kuwarto ko at naroon iyon sa ibabaw ng lamesa. Hindi pa naman ako ganoon gutom kaya hindi ko ito pinagtuunan pa ng pansin.

Ibinaba ko ang oxygen mask ko, nagbabaka sakaling may tumugon kapag tinawag ko ang mga pangalan nila ngunit ilan beses kong ginawa iyon, walang ni-isang lumapit sa akin. Inaakala ko kasing baka nasa loob lang ng banyo ang isa sa kanila. Ngayon, sigurado na kong nasa labas silang lahat.

. . . Pero bakit?

Anong ginagawa nila doon?

Ba't walang nagbabantay sa akin ngayon?

Ihing-ihi pa man din ako, hindi ko naman kayang umihi nang mag-isa lang sa botehan na kung saan doon ako karaniwang pinaiihi. Nasa may loob din kasi ito ng banyo nakalagay. Mas lalong hindi ko naman kayang tumayo at pumunta roon para kuhanin iyon o sa inidoro na lang, hindi-hindi kakayanin ng balanse ng binti ko iyon. Si Tito Ferdy palagi ang tumutulong sa akin para umihi.

Hindi matahimik ang buong kalamnan ko.

Hindi ko alam pero medyo bumabalik na ulit ang kaba ko na akala ko'y naiwan ko na sa pagtulog kanina.

Maya-maya pa'y biglang bumukas ang pintuan. Akala ko, makakahinga na ako nang maluwag ngunit hindi pala. Dahil hindi sila Mama ang pumasok, kung 'di si Nurse Jenny.

"Gising ka na pala, kanina pa kita sinisilip-silip, eh. Good evening," nakangiting bati niya sa akin at sinuklian ko naman iyon ng isang pilit na ngiti. Pansin kong wala pala siyang dalang kahit anong gamit. Ba't siya naparito? "Siguro, nagtataka ka kung bakit wala kang kasama? Nasa ibaba ang Mama mo at Tito mo dahil may inaasikaso lang sila saglit. Inihabilin lang muna nila ikaw sa akin para pakainin ngayong hapunan at para makainom ka ng gamot sa tamang oras," paliwanag niya habang hinihila ang overbed table palapit sa akin.

"Zara po?"

Pagkaupo niya sa silya, kunot-noo niya akong tiningnan. "Hindi ko alam. Pero siguro, kasama rin nila? Ewan. Hindi ako sigurado. Huwag kang mag-alala. Ang mahalaga, kailangan mo munang kumain ngayon."

Hindi na ako nagsalita pa dahil nagsimula na siyang subuan ako. 'Yong pagkain, hindi na mainit. Mukhang kanina pa ito nakabalandra sa lamesa.

Ngunit, sa isang sulok ng isip ko, gusto ko sanang mag-request sa kaniya na tulungan akong umihi pero may parte sa akin na hindi maiwasan mahiya para roon. Babae si Nurse Jenny, hindi ko kayang lunukin ang hiya ko. Kumpara kay Tito Ferdy na lalaki siya, hindi ganoon masyadong nakakailang dahil pareho kaming may ganoon. At, kahit alalayan pa ako ni Nurse Jenny para pumuntang banyo, hindi pa rin kakayanin iyon ng malalambot kong binti ngayon. Mas mahihirapan pa siya lalo. Siguro, kaya ko pa naman yata pigilan ito hanggang dumating si Tito.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon