10. Suddenly Lost My Confidence

581 42 17
                                    

Chapter 10: Suddenly Lost My Confidence

Landon

Sa wakas, natapos ko na rin 'yong kantang ipapapasa ko at napag-aralan ko na rin kung paano ito tugtugin. Isa na lamang ang hindi ko pa nagagawa, iyon ang pagkuha ng video sa sarili habang kinakanta ito. Sabi ko kagabi, kapag napag-aralan o nai-finalize ko ito ngayong umaga, agad na ako mag-vi-video ng sarili ngayong hapon pero hindi ko alam kung anong nangyari, dahil natagpuan ko na lamang ang sarili ko na nakatayo, nakaporma, at naghihintay sa tabi ng front door ng bahay ni Zara.

Nang bumukas ang pinto, nagtatakang mukha ni Zara ang sumalubong sa akin. Bahagya kong inayos ang beanie ko at humarap sa kanya. Nakasuot siya ng unipormeng pangtrabaho at kasalukuyang sinusuklayan ang basa niyang buhok, halatang katatapos niya pa lang maligo.

"Anong ginagawa mo rito?" nagtataka niyang tanong sa akin habang isinasarado ang pinto.

Isinilid ko ang isang kamay ko sa loob ng bulsa ng pantalon ko at ningitian siya nang malapad. "Naisip ko kasi na parang ang boring ng pagpasok mo sa trabaho mo kung walang naghahatid sa iyo, 'di ba?"

Napatigil ito sa pagsusuklay. "So?"

"Kaya ihahatid na kita, araw-araw."

Nawindang ang mukha nito at napakunot ng noo. "May sakit ka ba? Anong nakain mo? Bakit naisipan mong ihatid ako?"

"Wala lang. Gusto ko lang."

"Pwes, ayaw ko," matigas niyang pagkakasabi.

Napasimangot ako. "Bakit ayaw mo?"

"Sigurado ka ba talaga? Huwag mong aksayin ang oras mo para sa akin. Sanay na naman ako pumasok nang mag-isa, eh. Saka, baka may importanteng bagay ka pang gagawin ngayon? Mas mabuting unahin mo iyon kaysa ihatid mo ako."

Tama siya, may gagawin pa ako ngayong hapon pero ayaw ko munang gawin iyon kasi mahaba pa naman ang oras. Gagawin ko na lang iyon kapag nakauwi na ako.

Napakamot ako ng sintido. "Ayos lang sa akin. Ako na nga 'yong nag-o-offer sa iyo na ihahatid ka, tatanggihan mo pa. Kung may gagawin man ako ngayong hapon, e di sana wala ako ngayon sa harapan mo."

"Ganito na lang. Landon, kung may sasakyan ka naman para ihatid ako, papayag ako. Meron ba?"

"Wala."

Napangisi ito. "Iyon naman pala, eh. Naglalakad lang ako, Landon. Kaya mo bang maglakad, simula rito hanggang Mall? Baka mapagod ka lang. Malayo-layo rin iyon."

Napasinghap ako at agad hinawakan ang kamay niya. Tila, parang hindi na narinig ang sinabi niya. "Ang dami mong palusot. Tara na. Baka ma-late ka pa sa trabaho mo. Ihahatid na kita. Huwag ka nang magreklamo. Ako na nga 'yong nagmamalasakit."

Hindi na siya nakapalag pa at hindi na umimik nang higitin ko ang kamay nito para magsimulang maglakad. Binuksan ko ang bag ko at kumuha ng payong. 1 PM na ngayon at masakit sa balat ang pagtama ng sinag ng araw.

Hindi pa kami nakakalayo sa subdivision namin, unti-unti na akong nakakaramdam ng pagod. Huminga ako nang malalim. Nakalimutan kong isa ito sa puwede kong maramdaman dahil sa Leukemia ko. Hindi pa ako magaling kaya mabilis akong mapagod at manghina ang katawan.

"Ayos ka lang?" tanong sa akin ni Zara.

"Oo," sagot ko habang bahagyang pinupunasan ang pagpatak ng pawis sa noo ko. Nagsisimula na rin umikot ang paningin ko. Delikado ito. "Zara, puwedeng sakay na lang tayo ng jeep?"

"Ayaw ko. Nagtitipid kasi ako. Sabi ko naman sa iyo, huwag mo na akong ihatid kasi mapapagod ka lang. Ang kulit mo."

"Ako na ang magbabayad. Ililibre kita." Hindi na siya sumabat pa dahil agad na akong pumara ng jeep. Mabuti na lang, binigyan ako ng pera ni Tito Ferdy no'ng pinagawa ko 'yong gitara ko kaya may pampamasahe pa ako.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon