35. Finally, I Saw Your Smile

443 34 5
                                    

Chapter 35: Finally, I Saw Your Smile

Landon

Pagsapit ng umaga, alam kong gising na ang diwa ko ngunit hindi ko pa rin magawang idilat ang mga mata ko, dala pa ng antok. Tila, gusto pang ipagpatuloy ang tulog. Ramdam kong nakabalot pa rin ang buong katawan ko sa kumot at alam kong tulog pa rin si Zara dahil rinig ko ang lakas ng kaniyang paghilik.

"Gising na ba sila?"

"'Hindi pa po pero 'Ma, tingnan mo si Zara, nakayakap kay Landon. Mukhang pinalasap na ni Landon ang tamis ng kaniyang regalo para sa kaarawan ni Zara ngayon."

Maya-maya pa'y saka ko lang tuluyang binuksan ang mga mata ko nang makarinig ako ng mga boses mula sa labas ng tent. Nagulat ako bigla. Mukha kasi nina Mama at Kuya Cody ang unang sumalubong sa akin habang nakadungaw sila. Sinadya kasi namin ni Zara na iwanang bukas ang siper ng tent para manlang pasukan kami ng kauting init na mula sa campfire na ngayon ay lusaw na. Kaya ayun, kitang-kita nila kami dito sa loob.

"Tumigil ka nga diyan, Cody. Gising na si Landon, oh," sambit ni Mama at mahinang hinampas si Kuya sa braso.

Kumurba ang mapanuksong ngiti ni Kuya sa akin. "Oy, magandang umaga sa aking minamahal na kapatid! Kumusta ang gabi niyo? Masarap ba-este, masaya ba?"

"Gag* ka! Akala mo, hindi ko narinig 'yong mga sinabi mo? Wala kaming milagrong ginawa kagabi, ah."

"Weh? Tingnan mo nga iyan si Zara. Bakit yakap na yakap iyan sa iyo?"

Nanglaki ang mga mata ko nang gumapang ang mga paningin ko kay Zara na halos idikit na ang buong katawan niya sa akin. Ngayon ko lang napansin na nakayakap pala siya akin. No'ng natulog naman kami kagabi, malaking espasyo ang ginawa namin para walang awkwardness ang pumagitan pero bakit dikit na dikit kami ngayon sa isa't isa? Nilalamig ba siya? Kinabahan at nahiya ako bigla. Nararamdaman ko rin kasi 'yong Mt. Everest niya na halos nakadikit na sa may bandang likuran ko. Nakatalikod kasi ako sa kanya habang nakapulupot ang isang kamay niya sa akin at nakadantay rin naman ang isa niyang binti sa akin.

Ramdam kong unti-unting tumataas ang dugo ko sa buong katawan papunta sa pisngi ko kung kaya't parang umiinit na ito ngayon. Pinagpapawisan ako bigla.

Mahabag ka sa akin, Zara.

"Biglang pula si Landon, oh," natatawang puna ni Kuya sa akin pero hindi ko siya pinansin.

"U-uy, ano ba? G-gising na." Maliit akong gumalaw at dalawang beses na tinapik ang braso ni Zara para mahimasmasan ito.

Agad din itong tumigil sa paghilik. "Ha? Mamaya na lang." Halos hindi ko na maintindihan ang mga sinabi niya dahil sa inaantok niyang boses pero napapitlag ako nang mas lalo niya pang idikit ang buong katawan niya sa akin. Ano ba ang akala niya? Unan ako?

Napatingin ako kay Kuya Cody na hindi na mapipigilan sa pagtawa. Napasinghap ako at napangiwi rin nang tumingin ako kay Mama.

"'Ma, tulong naman po."

Ngumiti muna si Mama sa akin bago niya mariing tapikin ang binti ni Zara. "Zara, umaga na. Kailangan niyo nang kumain ng almusal sa bahay. Tara na."

Nakahinga ako nang maluwag nang sa wakas ay unti-unti nang inilayo ni Zara 'yong katawan niya sa akin. Pagkatapos, nag-unat siya ng mga braso't binti at kasabay rin no'n ay ang paghikab niya. Bagamat man maikli ang mga hibla ng buhok niya, magulo pa rin itong tingnan ngayon.

Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata at bumangon para umupo. "Nandiyan na po pala kayo, Tita," sambit niya habang bahagyang kinukusot-kusot ang mga mata. Tumulad ako sa kanya at nakiupo na rin sa tabihan niya.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon