42. You Are The Best Brother

328 21 4
                                    

Chapter 42: You Are The Best Brother

Landon

Pilitin ko man ipagpatuloy ang naudlot kong tulog ngunit tila, binalot na ako ng pag-aalala. Hindi ko mapigilan para iwasan iyon. Kilala ko si Kuya Cody, hindi niya gawain ang magnakaw. Sigurado akong pinagbintangan lang siya. Kung nagawa man niya iyon, ano'ng dahilan? Bakit kailangang humantong siya sa ganoong sitwasyon? Naisin ko man puntahan sila para malaman kung ano na ang nangyayari sa kanila ngunit hindi naman pupuwede iyon. Hindi pa rin maawat-awat hanggang ngayon ang bilis ng kabog ng dibdib ko, dulot ng kaba.

4 AM pa lang at tahimik akong nakaupo rito mag-isa sa may lamesa sa may bandang tabihan ng bintana habang taimtim nakasilip doon. Inaabangan ko ang pagdating nila. Samantalang si Zara naman, lumipat siya sa higaan ko para humilata doon. Hindi ko alam kung natutulog na ba siya o nakatulala lamang sa kisame.

Maya-maya pa'y pansin kong biglang bumangon mula sa higaan si Zara ngunit hindi na ako nag-abala pang lumingon pa sa kaniya. Gising pala siya. "Landon?" nagdadalawang-isip niyang tawag sa pangalan ko.

"Uhm?" walang gana kong tugon at nakatulala pa rin sa kawalan. 

"Alam mo, ngayon pa lang pala ako nakapasok dito sa loob ng kuwarto niyo. Sorry pero bakit parang ang kalat? Hindi ba uso sa inyong magkapatid ang salitang paglilinis? Grabe. Hindi ko kakayanin 'yong ganitong kakalat na kuwarto." Maliit akong napangisi. "Gusto mo, imbes na mag-alala ka diyan, bakit hindi mo na lang aliwin muna ang sarili mo sa paglilinis nitong kuwarto niyo? Tutulungan kita. Kaysa naman, magmukmok ka lang diyan, 'di ba?"

Agad akong napatingin sa kaniya, blankong tingin. Kahit madaling araw na ngayon at hindi nakabukas ang mga ilaw, naaninag ko pa rin ang pagngiti niya dahil sa sinag ng buwan na tumatama sa bintana. Napakamot ako ng noo at bahagyang natawa. Ewan ko pero para sa akin, ang lakas talaga ng epekto ng ngiti niya para mapaginhawa ko ang pakiramdam ko at mapangiti rin ako nang kusa. Iba talaga siya. 

"Dali na. Wala ka rin naman magawa, eh."

Sandali akong natahamik at nag-aalinlangan pa. Napabuntong-hininga ako. "Okay. Sige—Ay, saglit!" papayag na sana ako nang bigla akong may naalala. "Tumalikod ka muna, may gagawin lang ako sandali."

"Ha? Bakit naman?"

"Basta! Sumunod ka na lang."

Nang pagtalikod niya, agad kong sinamsam sa sahig 'yong mga brief at boxer namin ni Kuya Cody na nakakalat at mabilis itong inilagay sa taguan na kung saan ay hindi niya makikita. Pabaya kasi kami ni Kuya sa mga sinusuot namin, saan-saan na lamang namin iyon inilalagay pagkatapos. Minsan, si Mama pa ang umaayos no'n kpag bumibisita siya sa kuwarto namin. Aaminin ko, tamad kami ni Kuya. Mabuti't madilim pa ang paligid, kung kaya't mukhang hindi pa yata iyon nakikita ni Zara. Nakakahiya kasi para sa kaniya, lalo na't babae siya. 

"Okay na. Harap ka na," signal ko sa kaniya at sabay binuksan ang switch ng ilaw. Pareho kaming nasilaw roon. "Punta muna ako sa ibaba, kukuha lang ako ng mga panlinis."

Tumango lang siya sa akin. Tinanguan ko rin siya na may kasamang maliit na ngiti bago tuluyang lumabas ng kuwarto at pumuntang kusina. Tama iyon ideya ni Zara. Okay na rin na libangin muna ang aking sarili para mahimasmasan kahit papaano ang pag-aalala ko. 

-

Inabot kami ni Zara ng liwanag sa pag-aayos ng kuwarto namin ni Kuya. At, hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nadating. Ano na kaya nangyari sa kanila?

Pagkatapos namin maglinis, sandali kaming tumambay sa loob ng kuwarto para makapagpaghinga. Pareho kasing sumakit ang mga likuran namin at alak-alakan. Nakahiga lamang kami sa kama at nakatingin sa kisame. Saka, maiksing kuwentuhan lang ng kung anu-anong bagay para makalimutan saglit ang problema. Mabuti na lang nandiyan siya, kung wala, hindi ko kayang kumalma nang ganito.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon