28. Broken Cup

398 27 5
                                    

Chapter 28: Broken Cup

Landon

Sa loob ng walong araw habang isinasagawa sa akin ang Cytarabine Chemotherpy ko, muli akong nakaramdam ng pagkahina ng buong katawan at iba pang kakaibang pakiramdam na dulot ng side effect nito. Alam kong mabilis lang din naman itong mawawala pagdaan ng mga ilang araw dahil sa mga medication na nireseta sa akin ng doktor.

Nakakatuwa lang isipin na hindi ako masyadong nakaramdam ng pagkainip hanggang matapos ang huling araw ng Chemotherapy ko, sapagka't palagi ko kasing nakakakuwentuhan si Yala kapag mayroong siyang mga libreng oras. Sakay sa wheelchair niya, palagi niya akong binibisita sa kuwarto ko at minsan, dinadalhan pa ako ng meryenda.

Mas lalo akong nasisiyahan dahil si Zara palagi ang laman ng kuwentuhan namin. Palagi niya akong tinatanong tungkol kay Zara dahil ang sabi niya sa akin, interesado raw siya sa kanya at gusto niya raw itong makita balang araw. Kaya heto naman ako, hindi mapigilan ang bibig upang ipagmalaki si Zara sa kanya at tila ba, hindi maubus-ubusan ng mga sasabihin at halos hingalin na. Wala, eh. Ganoon talaga. Pagdating kay Zara, hindi ko kontrolado ang sarili ko para hindi maging madaldal dahil may kasama iyon na libo-libong kilig at kaunting pagmamayabang. Crush na crush ko talaga siya, eh.

Nasa recovery stage na ako at maaaring dalawa o tatlong linggo pa akong mananatili rito sa ospital bago kaming puwedeng payagan umuwi. Kailangan pa rin kasing i-check o i-monitor ang buong katawan at meron pa akong biopsy para malaman kung tumatalab pa nang todo-todo 'yong chemotherapy ko. Sana nga, mabawasan na 'yong mga active na cancer cells sa katawan para tuluyan na kong gumaling. Imposible man sa ngayon 'yong hinihiling ko pero sana, maging himala.

Hanggang ngayon, wala pa akong balita tungkol sa bone marrow tranplant ko. Tuwing nakakausap ko si Dra. Medina, palagi kong nakakalimutan na tanungin iyon sa kanya at wala pa rin siyang binabanggit sa akin. Isa pa iyon sa nagiging dahilan ng kaba ko.

"Landon, labas lang kami ni Tito Ferdy mo, ah." Rinig kong pamamaalam ni Mama habang inaayos ang sarili mula sa pagkakaupo sa sopa.

Kasalukuyan kasi kaming nanood ng TV at napabaling sa kanilang dalawa ang paningin ko.

"Saan po kayo pupunta?"

"Kukuha lang ng tubig sa may nurse station," agad na sagot ni Tito at kinuha 'yong isang malaking bote na wala nang laman mula sa ibabaw ng lamesa.

Napakunot ako ng noo. "Huh? Pero, Tito, meron pa naman tayong mga stock diyan sa refrigerator, ah?"

"Ang ibig kong sabihin, mainit na tubig ang kukunin ko."

"Ah."

"Saka, ibibili na rin kami ng iba pang mga gamot mo," sabat naman ni Mama. "Sige na. Alis na kami."

Hindi na ako nakapagtanong pa dahil agad na silang nakalabas mula sa pintuan ng kuwarto. Naiwan akong mag-isa. Wala kasi si Kuya Cody dito ngayon dahil nalaman kong pinaghahanap na naman siya ni Mama ng trabaho. Sa katunayan niyan, graduated siya ng college at halos isang taon na 'yong nakalilipas no'ng nakapagtapos siya ngunit hanggang ngayon, wala pa rin siyang nahahanap na matinong trabaho at umaasa lang sa paraket-raket.

Unti-unting kumunot ang noo ko nang mapansing hindi naisarado nang maigi ni Tito Ferdy 'yong pintuan kung kaya't umawang ito nang kaunti.

Napahimutok ako. "Ano ba iyan? Isasarado na lamang."

Mabuti na lang, dextrose na lang 'yong tanging nakakabit na apparatus sa ugat ko kaya nakakayanan ko nang maglakad mag-isa kahit papaano. Agad akong bumangon mula sa pagkakahiga at pinilit ang sarili na makatayo kahit hindi ko ganoon makuha ang balanse ko. Nagtungo ako sa pintuan, dala-dala ang dextrose ko para maisarado ito nang tuluyan.

Pagkahawak ko sa door knob, awtomatiko akong natigilan dahil sa mga biglang pumasok na boses sa tainga ko. Dulot ng kuryosidad, nanatiling akong nakatayo at mas lalo pang pinakinggan kung anong pinag-uusapan ng dalawang tao mula sa likuran ng pinto. Akala ko ba, aalis sila at ibibili ako ng gamot? Pero bakit parang kina Mama at Tito Ferdy nanggagaling 'yong mga boses na iyon?

"Nakausap ko si Dra. Medina kagabi, sinabi niya sa akin 'yong naging resulta ng test ni Landon para sa bone marrow transplant. Thank's God, malaki raw 'yong tsansa na hindi na siya sumailalim sa ganoong paraan para gumaling siya agad dahil nakakayanan daw ng katawan niya na mawala na 'yong cancer cells niya sa pamamagitan ng chemo kaso..." boses ni Mama ito.

"Kaso?.." tanong naman ni Tito.

"Kaso.. Ferdy, pang-isang chemotheraphy na lang 'yong perang natitira sa akin. Hindi naman kasi ganoon kalakihan 'yong halaga ng pinagbentahan namin ng bahay, eh. Pagkatapos, marami pa siyang mga gamot na kailangan naming bilhin. Ferdy, wala na akong mapipigang pera. 'Yong mga utang ko, tambak na tambak na rin. Kaya nga, pinaghahanap ko ng trabaho ngayon si Cody para manlang may maibigay siya, eh. Saan na ako kukuha ng pera para sa panggastos ngayon?"

Naririnig ko siyang humihikbi. Napayuko ako ng ulo. Umiiyak ba si Mama?

"Huwag kang mag-alala, hahanap pa ako ng iba pang paraan. Titingnan kong manghiram sa mga katrabaho kong seaman din, malalaki 'yong mga pera ng mga iyon at siguro naman, mapapahiram nila ako. Magtutulungan tayo. Makakayanan natin ito."

"Salamat talaga, Ferdy."

Hindi ko alam kung tinapos na ba nila 'yong pag-uusap nila pero alam kong natigilan sila nang bigla kong isinarado 'yong pintuan ng kuwarto at nakapagbasak ang balikat na bumalik sa higaan ko. Ayaw ko talaga alamin kung ano man ang pinoproblema nila sa pagpapagamot ko pero wala na akong magagawa, narinig ko na kahit sandaling pag-uusap lang nila iyon. Alam ko kung bakit nila ginusto isekreto ito sa akin dahil para hindi ko maisip iyon at para hindi ako mag-alala para doon. Ganoon din naman ako, ayaw ko talagang malaman 'yong problemang iyon dahil pinanghihinaan lang ako ng loob at bumabagabag lang sa isipan ko kung saan at paano sila huhugot ng pera para sa akin.

Akala ko, sapat na 'yong perang napagbentahan ng bahay pero hindi pa rin pala. Parang mas lalo akong nagiging pabigat sa kanila. Pareho-pareho lang naman 'yong hinahangad namin, kun'di ang paggaling ko. 'Yon lang malaking bagay na kaya kong isukli sa kanila.

-

Mabilis umusad ang araw at ngayon, isang araw na lang ay malapit na akong makalabas ng Hospital. Mas pinili kong hindi ipahalata sa pamilya ko na hindi ko alam ang problemang meron kami at ganoon din naman sila sa akin dahil kapag kasama ko sila, umaakto silang parang wala silang sikretong itinatago sa akin.

"Tito, si Zara? Ano na pong balita? Kumusta na po siya?" sunod-sunod kong tanong kay Tito Ferdy habang nagtitimpla siya ng kape. "Hindi na ako makapaghintay na makita siya ulit," nakangiti kong dagdag pa.

"Sorry, Landon. Hindi ko alam. Hindi na kasi ako nakakauwi sa atin kasi busy pa ako ngayon. May mga inaasikaso kasi akong mga bagay-bagay."

"Ano pong inaasikaso niyo po?"

"Basta. Para sa iyo rin 'yon."

"Okay."

"Ready ka na ba Landon na malaman ni Zara na nambababae ka rito sa Ospital?" Napukaw ang atensiyon ko kay Kuya Cody nang bigla itong sumabat.

Sinamaan ko siya ng tingin. "Sira-ulo ka talaga. Subukan mo talagang gawin iyan, malala—"

Napatigil ako dahil sa umalingangaw na tunog mula sa nahulog na isang bagay sa sahig. Napatingin kaming lahat kay Tito Ferdy at natagpuan namin na may mga basag na piraso ng baso ang nasa sahig at ang natapon na kapeng tinitimpla niya. Mukhang nabitawan ito ni Tito kaya nabasag ito.

"Ayos ka lang ba, Ferdy? Napaso ka ba?" nag-aalalang tanong ni Mama sa kanya.

"Hindi. Ayos lang ako. Ako na ang bahalang ligpitin itong mga kalat ko."

Nanatili akong nakatulala at hindi na maalis ang astensiyon ko sa basag na baso na paisa-isang dinadampot ni Tito Ferdy. Ewan ko pero sa hindi malaman na rason, bigla akong kinabahan at malamig na pinagpawisan ang buong mukha ko. Ang bilis din ng tibok ng puso ko at tila, malakas ang kutob ko na may masamang nangyayari ngayong mga oras na ito.

--------

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon