46. She Got A Bald Head

374 20 6
                                    

Chapter 46: She Got A Bald Head

Landon

Hindi ko namamalayan na sa simpleng pagtalukbong ko lang ng kumot sa buong katawan ko, tuluyan na pala ako makakatulog doon. Nagising lang ako nang may marinig akong nag-uusap sa may bandang tabihan ko. Mulat man ang aking mga mata subalit nanatili akong tahimik na nagtatago sa loob ng kumot at pinakinggan kung anuman ang mga sinasabi nila, iniiwasan ko rin gumawa ng maliit na kilos para hindi nila mapansin na gising na ako.

"Tabi na lang kaming tatlong nila Ferdy sa lapag," sambit ni Mama. Wari ko'y pinoproblema nila kung saan sila matutulog. "Doon ka na lang sa sopa matulog, Zara."

"Mukhang hindi naman po kayo kasya sa kutson na nasa sahig. Ganito na lang po, doon pa rin po kayo sa sopa at doon na lang po ako matutulog sa silya."

"Nakaupo ka lang?" agad na tanong ni Tito Ferdy.

"Opo. Wala naman pong problema sa akin iyon."

"Pero mahihirapan kang matulog diyan," agap naman ni Mama.

"Hindi po iyan. Natitiyak ko pong makakatulog ako nang maayos. Ayos lang po talaga ako rito."

Napakagat ako ng ibabang labi.

Nang marinig ko ang pinag-uusapan nila, awtomatiko akong umisod sa hinihigaan ko. Hindi naman kaliitan itong Hospital bed at hindi rin kalakihan, kumbaga, sakto lang. At hindi naman mataba si Zara. Siguradong kasya naman kami ritong dalawa. Kahit may kaunting tampo ako sa kaniya, hindi pa rin mawawala sa akin ang pagiging concerned ko. Hinding-hindi.

"Sa tabi kita matutulog," malamig kong sambit nang nasa loob pa rin ng kumot. Kahit hindi ko sila nakikita, alam kong nakuha ko ang kanilang mga atensiyon.

Natagalan pang tumugon sa akin si Zara. "H-Hindi na, Landon. Okay lang talaga ako rito sa silya." Sa tono ng pananalita niya, alam kong nauutal pa siya na may kasamang pagkabigla. Hindi niya yata inaasahan na sasabihin ko iyon.

"Sige ka. Mas lalo akong magtatampo sa iyo niyan. Bahala ka."

"Sige na, Zara. Doon ka na," utos ni Mama sa kaniya.

Maya-maya, naramdaman ko ang paglubog ng higaan ko dahil pansin kong umupo na siya sa may tabihan ko. Alam kong nag-aalilangan pa siyang tumabi sa akin pero wala siyang magagawa dahil iyon ang kagustuhan ko at ayaw kong mahirapan siyang matulog sa matigas na silya roon. Nakatalikod ako sa kaniya. Sunod, doon niya dinahan-dahan ihimlay ang kaniyang sarili. May sarili itong unan at kumot na mukhang dala rin nila Mama.

Pagkatapos niyang humiga, pinatay na nila ang ilaw.

Ngunit, narinig kong biglang bumukas ang pintuan.

"Ay, sorry po. Patulog na po pala kayo. Pero gusto ko pong malaman na nagising na po ba si Landon?" Boses iyon ni Nurse Jenny. "Kukumustahin ko lang po sana siya."

"Oo, nagising na siya kaso mukhang natutulog na ulit, eh." Boses naman iyon ni Mama. Gsing pa ako pero wala akong gana para tingnan pa sila. At, alam ko na alam din iyon ni Mama pero hindi niya lang inamin.

"Ah, sige po, hindi ko na lang muna iistorbuhin. Pero mamaya, babalik po ulit ako para i-check ang kaniyang Blood Pressure. At sa madaling araw naman po, kukuhanan po namin siya ng dugo."

-

Pagkaraan ng ilang minuto, tila ba'y nawala na ako ng antok. Hindi na ako makatulog. Hindi dahil naibuhos ko na ito kanina, kun'di dahil hindi ako kumportable sa katabi ko, kay Zara. Alam kong hindi ito 'yong una't dalawang beses ko siyang nakatabi matutulog ngunit hindi kagaya noon na malayo ang agwat namin sa isa't isa. Ngayon kasi, nagdidikit at nagtatama ang mga balat namin kahit malilit na galaw lamang. Sanayan na lang ito siguro, magiging kumportable rin ako sa kaniya kapag nagtagal. Siguradong halos tatlong linggo ulit ako rito sa Hospital, eh. At tatlong linggo ko rin siya makakatabing matulog.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon