21. To Make Her Happy Again

488 29 7
                                    

Chapter 21: To Make Her Happy Again

Landon

Puno ng tawanan ang nangingibabaw ngayong gabi sa hapag kainan namin dahil sa mga nakakatuwang kuwento ni Kuya Cody tungkol sa akin. Oo, tungkol sa akin kasi ikukuwento niya kay Zara 'yong mga nakakahiyang pangyayari sa akin no'ng bata pa lang ako. Pati rin sina Tito Ferdy at Mama, nakikisakay sa trip ni Kuya Cody. Nakakainis.

Ngayon lang 'yong unang beses na nakumpleto kaming lahat na kasama si Zara para kumain. Kaninang umaga at tanghalian kasi ay hindi kami sumabay kina Mama na kumain, sapagkat sa ayon sa kagustuhan ni Zara, nagpahuli kami dahil medyo nahihiya pa raw siya sa kanila.

"Huwag kang mahiya, Zara. Kunin mo lahat 'yong gusto mong kainin. Kain ka lang," nakangiting sambit ni Mama kay Zara.

Napatingin ako sa plato niya at pansin kong paubos na ang kinakain niya. At wari ko'y kakarampot lang na ang pagkain ang kinuha niya kanina. Napangisi ako. Ibang-iba siya no'ng dinalhan ko siya ng almusal noon sa bahay niya, sobrang baboy niyang kumain noon pero ngayon naman ay ubod ng hinhin. Palibhasa, nahihiya.

"Oo nga, Zara. Marami pang kanin, oh. Magpakabusog ka lang," sabi naman ni Tito Ferdy.

Bahagyang umiling si Zara at nag-hand gesture na parang tumatanggi. "Hindi na po. Ayos na po ako."

"Hindi puwede. Dapat kumain ka lang nang kumain, hanggang tumaba ka. Alam kong nahihiya ka lang." Kinuha ko 'yong sandok ng kanin at nilagyan pa ng dalawang sandok 'yong plato niya.

"Busog na nga ako," reklamo niya sa akin habang nakahawak sa t'yan niya.

"Weh? Sa ganyan kapayat mong katawan, nabubusog ka? Hindi ako naniniwala. Subo lang nang subo. Dali na. Sayang 'yong pagkain, oh kapag hindi mo kinain. Magagalit si Mama sa sa 'yo."

Nilagyan ko rin ng menudo ang plato niya bilang ulam. Sinamaan niya lang ako ng tingin at wala rin nagawa, kun'di kainin 'yong pagkain na inilagay ko sa plato niya. Alam kong dahil sa hiya iyon kila Mama kaya wala siyang naging choice kun'di sundin ako.

Bahagya akong napatawa habang pinapanood siyang kumain. Halatang napipilitan.

"May kuwento pa pala ako, Zara. Gusto mo bang malaman 'yong sikreto ni Landon?" nakangising tanong ni Kuya Cody kay Zara kahit nasa akin talaga nakatingin 'yong mga mata niya.

Sinamaan ko siya ng tingin. Sa hitsura ng mukha niya, kahina-hinala na. Buwiset 'to, ipapahamak pa yata ako.

"Ano iyon?"

"Loko! Huwag mong sasabihin!" bulyaw ko kay Kuya at binato siya ng isang butil ng kanin sa mukha.

"Landon, huwag mong aksayahin ang kanin. Isipin mo naman 'yong mga batang hindi nakakain ng kanin sa kalye, tapos ikaw ibinabato mo lang sa Kuya mo? Huwag kang ganyan. Huwag kang suwail," suway sa akin ni Mama. Natahimik tuloy ako.

"OA nito. Relax ka lang," natatawang sabi ni Kuya sa akin bago siyang tumingin kay Zara. "Alam mo ba no'ng bata pa si Landon? Naiwala niya 'yong binalutan niya sa school. 'Yong kulay blue niyang tupperware at alam mo ba kung ano'ng ginawa niya? Bumili siya ng panibagong tupperware na katulad no'ng naiwala niya para lang hindi siya pagalitan ni Mama. Takot na takot iyan si Landon pero sinumbong ko pa rin siya kay Mama para mapagalitan pa rin. Ang tino kong kuya, 'no?"

"Sobrang tino," sarkastiko kong kumento. At nagtawanan silang lahat puwere lang kay Zara na tahimik lang nakikinig kahit walang bahid ng kakaibang ekspresyon ang mukha niya. Ramdam ko talaga 'yong pagiging mahiyain niya.

Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko, kung anong klaseng sikreto ang sasabihin ni Kuya kay Zara, 'yon lang pala. Kinabahan tuloy ako do'n.

Lumipas ang ilan minuto at hindi maubos-ubusan ng kuwento si Kuya Cody tungkol sa mga childhood memories ko. Aaminin ko, nahihiya ako para doon kaso hinayaan ko na lang siya. Naiintindihan ko naman kung bakit. At least, sa ganoong simpleng paraan, maiiwasan ni Zara maalala 'yong mga problema niya at alam ko rin na sinusubukan ni Kuya Cody na mapasaya lang din siya. At saka, mabuti na iyon kaysa asarin nila na may gusto raw ako kay Zara.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon