43. Where Is She Heading To?

335 18 4
                                    

Chapter 43: Where Is She Heading To?

Landon

Bagaman nag-uusap na sina Mama at Kuya, pansin ko pa rin ang kaunting ilangan sa pagitan nilang dalawa. Mas lalo ko pa itong nahalata no'ng bandang hapunan. Hindi sila gaya dati kung mag-usap. Ngayon kasi ay hindi sila naghuhulihan ng tingin. Ganoon naman siguro iyon, may kaunting awkward muna sa simula pagkatapos magkaroon ng tensiyon sa kanila pero sa hindi namamalayan na oras, unti-unti rin naman silang magkakabutihan. Baka nga bukas, mangyari na agad 'yon.

Kinaumagahan, kasalukuyan akong nakatambay mag-isa rito sa loob ng kuwarto namin, nakahiga sa kama. Katatapos lang namin kumain ng almusal at sadiyang hinihintay ko lang ngayon si Zara na puntahan ako rito. Sabi niya kasi sa akin, maliligo lang daw muna siya saglit bago kami pumuntang Hanging Bridge para tumambay hanggang tanghalian. Ang init daw kasi ngayon. 

Dahil nakabukas ang pintuan ng kuwarto, nahagip ng paningin ko si Mama na lumagpas sa harap no'n. Pansin ko ang pagmamadali niya sa paglalakad habang nakasakbit sa balikat nito ang kaniyang bag. 

Napakunot ako ng noo. 

Saan siya pupunta?

Agad akong bumangon mula sa pagkakahiga para sundan siya at nang pagkababa ko sa hagdan, bigo naman akong naabutan pa siya dahil tuluyang nakalabas na ito ng bahay.

Ang bilis naman. Nais ko lang naman magtanong kung saan siya pupunta kaya sumunod ako. Sapagkat, hindi ko kasi manlang alam na aalis pala siya ngayong araw. Saka, ang nakakapagtaka rin, bakit hindi muna siya nagpaalam sa akin? Ganoon naman 'yong kadalasan niyang ginagawa kapag aalis silang dalawa ni Tito.

"Tito Ferdy?" nagtataka kong tawag kay Tito nang makita kong lumabas ito ng banyo. Akala ko, kasama niya si Mama na umalis pero bakit nandito siya sa loob ng bahay? Ibig sabihin, mag-isa lang umalis si Mama? "Bakit umalis si Mama mag-isa? Saan po siya pupunta?"

Napakamot siya ng ulo. Natagalan pa siya bago nakasagot. "S-Sa . . . Ano . . . Basta, diyan lang sa labas ng subdivision . . . M-May bibilhin lang. Gagawa raw kasi siyang sopas mamaya." Sa kung paano siya tumugon, halata kong parang may itinatago.

Napangiwi ako ng bibig. "Bakit hindi mo manlang siya sinamahan?"

"Kaya na raw niyang umalis mag-isa. Saka, malapit lang naman. Walang mangyayaring masama sa kaniya. Maya-maya nandiyan na rin iyon."

"Sigurado ka?" agad kong tanong.

"O-Oo."

Nang-liit ang mga mata ko sa kaniya. Hindi talaga ako kumbisido. Kapag talaga may itinatago ang isang tao, halata sa kung paano siya magsalita at nababasa naman sa ekspresyon ng mukha niya.

Nagsisinungaling siya.

Bahagya akong napailing-iling ng ulo. 

Palihim akong napabuntong-hininga. "Sige, alis na rin po ako," paalam ko at agad naglakad palayo.

"Oh? Saan ka pupunta?! Dito ka lang, Landon!" Rinig ko ang mga naghihisterikong sigaw niya sa may likuran ko bago ako makarating ng pintuan. 

Agad akong napalingon sa kaniya. "'Yong mga ganitong oras, natambay lang naman kami ni Zara sa Hanging bridge, 'di po ba? Kaya, bakit niyo po ako pinipiglan? Wala na naman akong ibang pupuntahan, eh."

Huling-huli na siya.

"W-Wala." Hindi siya makatingin sa akin nang maayos. "Sige, umalis ka na."

Sandali ko siyang tinitigan para suriin muli ang mukha niya bago ako tuluyang mawala sa harapan niya. Pagkalabas ko ng bahay, agad na akong kumaripas ng takbo papunta sa bahay ni Zara. Hindi na ako nag-abala pa para kumatok dahil ako na ang kusang nagbukas ng pintuan papasok. Tulad ng inaasahan, sobrang tahimik sa loob. Dumaretso agad ako sa kuwarto niya at doon na ako nagpaulan ng katok. Mahirap na. Hindi ko puwedeng buksan ito nang basta-basta na lang dahil baka mamaya, hindi ko alam na nagbibihis na siya. May makita pa ang mga mata ko na hindi ko pa dapat ngayong makita. Sa susunod na, kapag kasal na kami at gagawa na ng obra. 

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon