29. See You Again, Soon!

434 28 5
                                    

Chapter 29: See You Again, Soon

Landon

"Yie, excited na siyang umuwi," panunukso sa akin ni Kuya Cody habang pinapanood nila akong inaasikaso ni Nurse Jenny.

Tatanggalin na ngayon 'yong destrose na nakakabit sa akin dahil mamayang hapon na siguro kami makakauwi at siyempre, hindi ko na maitatago ang pagkasabik ko sa sarili sapagkat makikita ko na ulit ang babaeng natiisan kong hindi makita sa loob ng halos isang buwan. Hindi na kasi talaga ako makapaghintay pa.

Ano na kayang nangyari sa kanya? Maganda pa rin ba siya? Nakakangiti na kaya siya? Sana.

Hindi ko na mapigilan na ngumiti nang malawak kay Kuya. "Siyempre naman!" masigla kong tugon.

Tanghalian pa lang ngayon pero lahat ng mga gamit namin ay nakasaayos o nakalagay na sa mga tamang lalagyan nito. Handang-handa na talaga kaming umuwi. Maliban kay Zara, miss na rin kasi namin ang bahay namin. Nakaligo na ako at katatapos ko lang din kumain ng tanghalian. Sadyang inaabangan na lang namin 'yong hudyat no'ng doktor ngayon para kami'y pauwiin na.

"Palibhasa, gusto mo nang makita si Zara, 'no? Halos isang buwan mo rin siyang hindi nakikita," sabi naman ni Tito Ferdy.

"Kaya nga po, eh. Kaya sana, pagkatapos nito, dumating na agad si Dra. Medina para makauwi na agad tayo, 'di ba? Gustong ko na talaga siyang makasama ulit. Kailangan kong bumawi sa kanya. Sa tingin niyo po, miss din kaya ako no'n?"

"Oo naman, anak," sagot sa akin ni Mama. 

"Sus." Napatingin ako kay Nurse Jenny nang bigla itong nagsalita. Bigla tuloy ako nakaramdam ng hiya. Oo nga pala, nandiyan pala siya. Sabagay, sa halos isang buwan kong pananatili rito sa Hospital, sanay na siguro si Nurse Jenny na palagi kong bukam-bibig si Zara sa kanya. Sapagkat, ikinukuwento ko rin kasi siya sa kanya kapag ginagamot niya ako araw-araw. "Game na. Huminga ka na nang malalim, huhugutin ko na 'yong nakatusok sa iyong karayom, okay?"

Ginawa ko ang utos niya at huminga nga ako nang malalim. Sunod, may kaunting kirot akong nararamdaman nang magsimula na siyang hugutin iyong karayom ng dextrose mula sa ugat ko kaya mariing akong napapikit. Sandaling tumahimik ang paligid at lahat ng atensiyon nila ay nakapako na lamang sa akin.

"Ayan, tapos na."

Nakahinga ako nang maluwag. Napangiti ako kay Nurse Jenny habang may ipinapahid na lang siya sa may bandang likuran ng palad ko para maawat ang pagdugo nito bago niya ito nilagyan ng pantapal. Sa katunayan niyan, ang dami nang sinalpak na kung anu-anong karayom sa likuran ng palad kong iyon dahil sa walong araw kong chemotherapy, kung kaya't namamaga na ito at pulang-pula na. Minsan nga, nahihirapan si Dra. Medina at Nurse Jenny hanapin 'yong ugat ko sa kamay at lagyan ng injection. Pero sanayan na lang naman kaya parang wala na rin sa akin 'yong hapdi.

"Pakiabangan na lang po si Dra. Medina mamaya para makauwi na po kayo," sabi ni Nurse Jenny habang palabas na ito ng pintuan. Napatingin siya sa akin. "Magkita ulit tayo sa isang buwan, Landon. Bye." Ngumiti lang ako sa kanya, at tuluyan na siyang lumabas ng kuwarto.

"Ayan. Tuloy na talaga ang pag-uwi natin," sambit ni Tito Ferdy at tumayo sa kinauupuan nito para mag-unat ng buto.

"Magluluto ako ng masarap na ulam mamayang gabi para sa iyo, Landon. At siyempre, para na rin kay Zara. Halos isang buwan din no'ng hindi na niya natitikman ang luto ko."

"Yown!" nakangiti kong tugon.

"Kaselos naman, Mama. Paano naman kami ni Tito Ferdy? Hindi rin 'yon para sa amin?" hirit ni Kuya Cody.

Bahagyang natawa kaming lahat. "Aba, pati ba naman doon magseselos ka pa? Malamang, kasama na rin kayo doon. Ito talagang anak kong 'to, napakaseloso."

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon