26. Good Luck!

396 32 3
                                    

Chapter 26: Good Luck!

Landon

Naalipungatan ako nang maramdaman kong may mahinang sumasampal sa kaliwang pisngi ko. Dulot ng antok, bahagya kong kinusot-kusot ang aking mga mata, sapagkat hindi ko pa gustong magising dahil gusto ko pang ituloy ang aking pagtulog.

"Huy, Landon, gising na," mahinang bulong sa akin ni Yala.

"Bakit?" humihikab kong tanong habang nanatiling nakapikit.

"Umaga na."

Pagkamulat ko ng aking mga mata, nagulat at tila, nawala bigla ang antok ko nang makitang maliwanag na ang paligid at unti-unti nang lumilitaw ang araw. Mahamog at malamig pa rin ang simoy ng hangin dahil sa nagpaiwanan ng gabi. May mga iilan na ring mga pasyente rito sa maliit na hardin na iginagala ng kanilang mga bantay. Umaga na pala.

Pagkakaalam ko, inabot kami ng madaling araw sa pagkukuwentuhan ni Yala hanggang makaramdam ako ng kaunting antok. Ngunit hindi ko inaasahan na sa simpleng antok ko na iyon, tuluyan ko na pala siya natulugan. Hindi ko natupad 'yong hinihiling niya na samahan siya hanggang magliwanag.

"Nakatulog ba ako?" gulat na tanong ko sa kanya. Nakangiti siyang tumango. "Hala, sorry," paumanhin ko at napasapo pa sa aking noo.

"Ayos lang, nakatulog din naman ako. Saka, sinamahan mo pa rin naman ako hanggang ngayon." Hindi maalis-alis ang nakaukit na ngiti sa kanyang labi. "Tara na sa loob. Maghahanda pa ako para mamaya."

"Pero sorry pa rin," napanguso ako. "Dapat hindi ako nakatulog para inabot tayo ng umaga sa pagkukuwentuhan, 'di ba? Kasi ayun 'yong gusto mo, eh. Sayang, ang sarap mo pa man din kakuwentuhan. Hindi ka kasi nauubusan ng topic. Saka, maglalakad pa ulit tayo, eh."

"Ayos nga lang. Ang kulit nito," natatawa niyang saad. "Ang dami mo pang satsat diyan, eh kailangan ko na ngang pumasok sa loob kasi maghahanda pa ako para mamaya. Saka, kapupunta lang ni Nurse Jenny dito kanina at ginising niya ako para sabihan na kailangan na natin bumalik sa loob dahil naghihintay na 'yong mga magulang natin doon. Kaya ginising na rin kita agad. Landon, tara na."

"Ah, sige..." Agad akong tumayo sa kinauupun ko at humarap sa kanya. Ngayon ko lang napansin na nakaupo pa rin pala siya sa bench at hindi pa lumilipat sa sariling wheel chair niya. "Kaya mong tumayo mag-isa papunta sa wheel chair mo?"

Bahagya siyang umiling. "Aalayan mo pa rin ako."

"Sige."

Inilahad ko ang kamay ko sa harapan niya upang kapitan niya iyon para matulungan at maalalayan ko siyang makatayo. Nang makatayo na ito, agad ko siyang dinahan-dahan iniupo sa upuan niyang de gulong.

-

Habang tinatahak namin ngayon ang Hallway papunta sa mga kuwarto namin, ewan ko pero nakakaramdam ako ng kakaibang kaba para makarating kila Mama. Siguro, hindi ko lang mailarawan kung ano ang magiging reaksyon nila kapag nakita nilang may kasama akong ibang babae. Lalo na't hindi pa nila ito nakikilala. Ngunit maliban diyan, nakakatuwa lang isipin na hindi nila ako pinuntahan sa hardin at parang hindi sila nag-alala kanina, siguro kasi tinupad ni Nurse Jenny 'yong pakiusap namin sa kanya na siya na lang 'yong bahala sa mga magulang namin tungkol doon.

Nagulat ako nang matanaw ko sina Mama at Tito Ferdy sa may bandang pintuan ng kuwarto namin, nakatayo sila doon habang nakikipag-usap sa dalawang matandang babae at lalaki na hindi pamilyar sa akin. Nasa may bandang likuran kami ng dalawang natanda. Hindi ko nababasa kina Mama at Tito Ferdy sa kanilang mga mata ang pag-aalala para sa akin dahil sa malalawak nilang ngiti habang nakikipag-usap sa dalawang matanda.

"Mga magulang mo ba iyon? Mommy at Daddy ko kasi 'yong dalawa," tanong sa akin ni Yala. Nakatingala ang ulo nito para makita ako. Ibig sabihin, mga magulang niya pala 'yong dalawang matandang kausap nila Mama.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon