24. Can You?

419 31 6
                                    

Chapter 24: Can You?

Landon

"Kumusta na po si Zara, Tito?" tanong ko kay Tito Ferdy. Siya kasi 'yong palaging umuuwi sa lugar namin araw-araw para bisitahin si Zara doon.

Gabi na ngayon. Nakabalik na ako sa loob ng totoo kong kuwarto at kasalukuyang pinagpapahinga ang katawan. Nakakain na rin ako. Kumpleto na rin kami rito ng pamilya ko para bantayan at samahan ako. Sina Mama at Kuya Cody ay nakatutok lamang ang mga mata sa pinapanood nilang movie sa TV, puwera lang kay Tito Ferdy na ngayon ay nagtitimpla muna ng kaniyang kape.

"Ayos naman. Kaso nangungulit sa akin kung kailan ka raw uuwi. Nagkikibit-balikat lang ako kahit alam kong aabutin ka ng halos isang buwan dito sa loob ng Hospital. Pero hindi ko inamin sa kanya na nandito ka nga. Ang sinabi ko sa kanya, dumadalaw ka lang sa Lola mo ngayon."

Mariing akong napangiti. "Salamat po sa palusot." Subalit, mas lumawak pa ang ngiti ko nang may sumagi sa isipan ko. "Pero Tito, ibig sabihin po ba no'n, miss niya na po ako agad, kasi tinatanong niya po sa inyo kung kailan ako uuwi, 'di po ba?"

Kumurba ang pilyong ngiti ni Tito sa akin at tinitigan ako. "Assumero talaga nito..." sambit niya at bahagyang umiiling-iling no'ng ipinagpatuloy niya muli ang paghahalo sa kapeng tinitimpla niya."... Pero hindi rin naman kita kokontrahin diyan kasi totoo naman 'yan."

"Weh? Seryoso po? Wala pong halong biro?" hindi makapaniwala kong tanong.

"Hindi pa ba halata sa palagi ka niyang hinahanap sa akin? Sinanay mo kasi siya na palagi ka niyang kasama, ayan tuloy, nalulungkot dahil bigla kang nawala."

Napangiwi ako at napakamot ng sintido. "Ayos lang po iyon. Uuwi pa rin naman po ako. Magkikita pa rin naman po kami. Pero... Tito, pareho po kami.. Miss ko na rin po siya," halos pabulong ko na lamang nasabi 'yong huli kong binanggit, dulot ng hiya.

Nagulat ako nang may maramdaman akong tumamang malambot na bagay sa may gitna ng noo ko. Napatingin ako kay Kuya Cody dahil alam kong sa kanya lamang nanggaling itong bimpong ibinato niya sa akin. Hindi ko alam na nakikinig na pala silang dalawa ni Mama sa usapan namin ni Tito.

"Ano ba?!"

"Sus, kinikilig ka lang diyan, eh. Aminin mo na kasi sa amin na crush mo talaga si Zara."

"Eh, ano naman sa 'yo?"

"Crush mo talaga, 'no?"

"Ha? Ano? Ewan ko sa iyo. Matutulog na ako." Tumagilid ako ng puwesto para talikuran sila.

Nakakahiya talaga sa pakiramdam kapag kasama ko ang pamilya ko habang pinag-uusapan namin 'yong babaeng gusto ko. Namumutawi talaga 'yong awkwardness. Lalo na kapag inaasar nila ako sa kanya. Kaya mas pinili kong umiwas na lang kahit may naririnig pa akong mga huling hirit ni Kuya Cody ngunit pinipili ko na lamang itong huwag na lang pansinin. Halata naman na gusto ko si Zara, pero bakit kailangan pa nila akong kulitin para umamin?

-

Pagpatak ng alas-onse y media ng gabi, sa hindi malaman na dahilan ay bigla akong nagising. Iniba ko ang puwesto ko ng pagkakahiga, kung saan ako kumportable ngunit nadismaya naman ako nang tuluyan na akong nawalan ng antok. Subukan ko man ipikit ang mga mata ko subalit gusto na lamang ng mga ito na dumilat.

Tinakpan ko ang bibig ko para humikab at bahagyang nag-unat ng mga buto. Pagkatapos, inilibot ko ang paningin ko para sulyapan ang mga kasamahan ko, lahat sila ay mahimbing nang natutulog. Siguro, dahil sa maaga akong nakatulog, maaga rin silang nakitulog. Si Mama ay nakahiga sa may sopa, habang sina Tito Ferdy at Kuya Cody naman ay mga nasa sahig, kung saan may latag silang manipis na kutson.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon