25. Deep Talks With You

460 30 10
                                    

Chapter 25: Deep Talks With You

Landon

Hawak-hawak ko ngayon 'yong push handle ng wheel chair ni Yala at marahang siyang itinutulak. Patungo kami ngayon sa maliit na garden ng Hospital, sa may bandang likuran nito. Katulad ng hinihiling niya sa akin, hindi ako nagdalawang-isip para samahan siya sapagkat alam kong pagsisisihan ko 'yon kapag tumanggi ako. Baka madismaya at malungkot kasi siya para doon, 'yon ang ayaw kong maramdaman niya.

"Ayos lang ba talaga sa iyo na samahan mo ako, Landon? Ngayon ko lang napagtanto na medyo nakakahiya pala 'yong pag-alok ko sa iyo, kasi... 'di ba, kanina mo lang naman ako nakilala at parang ang kapal na agad ng mukha ko sa 'yo?" Nakatingala ang ulo nito para matingnan ako.

"Ayos lang talaga," nakangiti kong sagot.

"Sigurado ka ba? Baka mamaya, magalit Mama mo sa akin kasi sabi mo, kukuha ka lang naman ng tubig at napadaan ka lang sa may chapel pero ngayon, sasamahan mo ako hanggang umaga."

Bahagya akong natawa sa sinabi niya.

Sa katunayan niyan, hindi na nga ako nakapagpaalam kina Mama tungkol dito. Hindi ko alam kung napansin na nila akong wala na ako sa higaan ko o nakausap na ba nila si Nurse Jenny. Sa kanya lang kasi nakapagpaalam at nakiusap kami sa kanya na siya na lang ang bahalang magpaliwanag sa mga magulang namin tungkol dito, kung sakaling hanapin nila kami. Sigurado kasing mag-aalala 'yong mga 'yon. Mabuti 'yong alam na nila na may pupuntahan lang kami ni Yala.

Subalit bago namin napapayag si Nurse Jenny kanina, kinulit at ipinaliwang ni Yala 'yong rason namin. At noong nalaman niya, tila lumambot bigla ang puso nito dahilan para payagan na rin kami sa wakas na pumunta rito sa hardin. Pero sabi niya sa amin, maya't maya raw niya kami sisilipin para mabantayan pa rin kami. Saka, paliwanag din niya, may mga naglilibot naman na mga security guard sa buong Hospital, at kapag may nangyaring hindi maganda sa amin ni Yala, puwedeng sa kanila kami unang humingi ng tulong.

"Si Nurse Jenny na nga raw bahala sa mga pamilya natin. Saka, sa simpleng ganito lang, magagalit na agad si Mama sa iyo?" natatawa kong usad. "Hindi iyon. Nasa Hospital pa rin naman tayo, eh."

"Salamat talaga," nakangiting sambit niya.

Nakangiti lang akong tumango sa kanya at saka, idiretso na muli ang tingin sa daan patungong hardin.

Pagkarating namin, wala nang katao-tao rito dahil gabi na. Madilim na ang paligid at ang sarap ng pagdampi ng hangin sa mga balat ko dahil sa lamig nitong dala.

Agad kong inaayos ang wheel chair ni Yala at umupo sa isang bench na sa may bandang tabihan lang niya. Sandali kaming natahimik pareho. Taimtim ko siyang pinagmamasdan, diretso lamang ang mga mata nito sa kanang binti niya at pagkatapos, huminga siya nang malalim. Ngayon ko lang napansin na may bukol pala siya doon.

"Nalulungkot ka ba?" tanong ko sa kanya.

Lumingon siya sa akin na may kasamang ngiti subalit pansin kong hindi umaabot ang ngiti niyang iyon sa kanyang mga mata. "Bakit naman ako malulungkot?"

"Nalulungkot ka ba para bukas?"

Umiwas siya ng tingin sa akin at unti-unting naglaho ang ngiti niya sa kaniyang labi. "Siyempre naman pero 'yong lungkot na iyon, may kapalit din naman na saya. Nalulungkot akong isipin na kapag naputol na itong binti ko bukas, habang buhay na akong nakaupo rito sa wheel chair ko at hindi na kayang maglakad pa. Magiging lumpo na ako at hindi na magagawang pumunta sa iba't ibang lugar. Lalo na sa Korea. Pangarap kong makapunta doon, eh. Mahihirapan na kasi ako. Lalo na ang mga magulang ko. Pero ayos lang iyon, kasi alam kong kapag naputol naman ito, kapalit naman no'n ay ang paggaling ko. At saka, marami pa naman na magagandang lugar dito sa Pilipinas."

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon