23. New Neighbor On The Ward

415 32 5
                                    

Chapter 23: New Neighbor On The Ward

Landon

Naalipungatan ako dahil sa isang malamig na bagay na tumatampi sa aking mukha. Hindi ko pa tuluyang naimumulat ang aking mga mata ngunit ramdam kong nasa loob na muli ako ng ospital. Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko at sumalubong sa akin ang liwanag ng ilaw na ikinasilaw ko naman. Sunod, 'yong dextrose na nakakabit sa kanang likod ng kamay ko.

"Ay, sorry. Nagising pala kita. Pinupunasan ko kasi 'yong mga marka ng lipstick sa mukha mo. Gamit itong wipes." Napatingin ako kay Mama na nasa may tabihan ko. Nagtaka ako nang walang ako mapansin na pag-aalala sa mukha nito.

"'Ma.." mahinang tawag ko sa kanya. "Ano pong sabi ni Dra. Medina?"

Itinigil niya ang pagpupunas sa mukha ko at tiningnan ako nang diretso sa mga mata.

"Anak, aminin mo nga sa akin. Umiinom ka ba talaga sa tamang oras ng gamot mo?" kalmado niyang pagkakatanong. Sabi na nga ba, dahil sa simpleng makakalimutin ko sa pag-inom ng gamot, umabot na sa pagkakataong katulad ng ganito.

Dulot ng hiya at paghihinayang, iniwas ko ang tingin ko sa kanya at saka marahang tumango. Ayaw ko nang magsinungaling pa.

Naramdaman kong huminga muna nang malalim si Mama bago muling nagsalita. "Alam mo naman na bawal 'yon sa iyo, 'di ba? Iba ang kundisyon mo, Landon. Importanteng inumin mo ang gamot mo sa takdang oras, hindi mo dapat pinapalipas iyon. Paano ka gagaling niyan kung hindi mo sinusunod? Pinag-aalala mo ako. No'ng nakita kita kanina sa sahig na walang malay, hay nako! Halos mamatay-matay na ako sa pag-aalala. Hindi ko alam ang gagawin ko. Huwag na huwag mo na uulitin iyon, ha? Hindi ko kakayanin. Akala ko, kung ano na ng nangyari sa iyo."

Muli akong tumingin sa kanya. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit hindi na siya ganoon nag-aalala sa akin kasi alam niyang gamot lang 'yong rason kung bakit ako nahimatay. Siguro, nahimasmasan na rin siya agad no'ng nalaman iyon. Ngunit, sa kabila no'n, hindi ko tuloy maisip kung paano ko siya pinag-aalala no'ng nahimatay ako. Lalo na't unang beses lang iyon nangyari sa akin.

"Pasensiya po, nakakalimutan ko po kasi minsan. Hindi ko po sinasadya."

Maliit na ngumiti lang siya sa akin at hinimas-himas ang kanang braso ko. Ngayon ko lang napansin na si Mama lang pala 'yong kasama ko dito sa loob ng kuwarto, hindi ko kasi makita sina Tito Ferdy at si Kuya Cody.

"Asaan po sina kuya't tito po?" tanong ko sa kanya.

"Umuwi muna sila para kumuha ng mga gamit, kasi sabi ni Dra. Medina, dito ka na sa hospital mananatili hanggang matapos na 'yong next round ng Chemo mo sa isang linggo." Napakunot ako ng noo. Pagkatapos, hindi ko na maintindihan ang mga sunod niya pang mga sinabi. "Dahilan sa nawalan ka ng malay, kailangan i-monitor 'yong katawan mo kung may naapektuhan ba, lalo na 'yong dugo mo. Kailangan din natin masigurado na umiinom ka ng gamot sa tamang oras. At sabi rin niya sa amin, sa makalawa, magkakaroon ka ng test para sa bone marrow mo. Titingnan kung magiging candidate ka ba para sa bone marrow transpl—"

"Saglit, 'Ma.. Tama po ba 'yong pagkakarinig ko na bawal po akong umuwi hangga't hindi pa po natatapos 'yong next Chemo ko?" gulat kong tanong.

Marahan siyang tumango.

Napabagsak ako ng balikat. "'Ma! Hindi puwede iyon. Paano si Zara? Paano ko siya mababatanyan? Ayaw kong iwan siyang mag-isa. Baka bumalik 'yong nanay niya doon at saktan siya. Ayoko po. Uuwi ako!"

Binalot ng panandaliang katahimakan ang pagitan sa amin dalawa. Marahil, natigilan siya sa mga sinabat ko.

"'Ma, pakiusap, ayaw ko po," pabulong kong muling sambit.

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon