9. Keep It As Our Secret

586 49 12
                                    

Chapter 9: Keep It As Our Secret

Landon

Habang hinihintay ko ang pag-uwi ni Zara, nag-ensayo na lang ako magtipa ng gitara para sa kanta ko. Nakakatuwa lang isipin dahil patapos na agad akong maglagay ng tono at kasalukuyan ko na lang isinusulat 'yong chords nito. Hindi ko inakalang makakabuo ako ng isang kanta sa loob ng isang araw. Usually kasi kapag bumububuo ako ng kanta, inaabot ako ng tatlo o apat na araw.

Siguro, pinilit ko lang talaga ang sarili kong tapusin ito dahil tatlong araw na lang ay deadline na. Kapag tuluyan ko na kasi itong natapos ngayong gabi, pag-aaralan ko na ito agad bukas ng umaga at sisimulan ko nang i-video ang sarili ko sa hapon para mai-send ang entry ko nang saktong araw ng huling pasahan.

Dahil kanina pa ako naggigitara, namumula na ang dulo ng aking mga daliri at medyo kumikirot-kirot na. Kaya minabuti kong gumamit ng pick.

Humigop ako ng kape para hindi antukin ang sarili. Tumingin ako sa relos ko at saktong 10 PM na. Ibig sabihin, pauwi na si Zara. Itinigil ko na ang paggigitara at sumandal na lang sa sandalan ng upuan.

Lumipas ang ilang sandali, natanaw ko na rin 'yong babaeng kanina ko pang hinihintay. Agad na akong lumapit sa kanya para harangan siya. Nagkatingin kami pero ningitian ko lang siya nang nakakaloko at napahulikipkip. Ngiting nagsasabing, meron pa tayong pag-uusapan.

"Bukas na lang tayo mag-usap. Pagod na ang katawan ko," sambit niya at nilagpasan ako sa paglalakad. Mabilis akong gumalaw para harangan ulit siya.

"Ayaw ko, gusto ko ngayon. Sagutin mo lang 'yong tanong ko kung bakit itinago mo sa akin 'yong trabaho mo."

"Pagod nga kasi ako. Bukas na lang."

"Dali na. Kahit limang minuto lang. Usap muna tayo, please," pagpupumilit ko.

Napakagat ito ng ibabang labi niya at napahawi ng buhok. Huminga muna ito nang malalim bago ako tingnan nang deretso sa mga mata. "Okay. Fine! ganito iyon. Natatakot akong layuan mo ako once na malaman mong isa lamang akong janitress sa Mall na nagpupunas ng sahig, naglilinis ng inidoro, at kung anu-ano bang mga nakakadiring ginagawa ko. Ayaw kong bumaba ang tingin mo sa akin."

Napangisi ako. "Kaya hindi mo sinasabi sa akin 'yong tungkol sa trabaho mo kasi ikinakahiya mo iyan?"

Tumango lang ito.

Hinawakan ko ang kanan balikat nito. "Hindi ako ganoon, Zara. Alam mo naman 'yon, 'di ba? Kung meron man isang bagay na mababa nga ang tingin ko sa iyo, 'yun 'yong napakaliit ng tingin mo sa sarili mo at d'yan sa trabaho mo!" Hindi ko napigilan para pagtaasan na siya ng boses. Umiba ang ekspresyon ng mukha niya.

"Hindi porke't janitress ka, ikakahiya mo na iyon sa akin. Ang baba ng tingin mo sa trabaho mo pero alam mo para sa akin, hindi, eh. Sa totoo lang, bilib nga ako sa iyo. Kasi biruin mo, 18 years old pero nakakayang magtrabaho ng ganoon? Manghang-mangha ako sa kasipagan mo, Zara. Kaya h'wag mong isipin na lalayuan kita kasi hinding-hindi ko gagawin iyon sa iyo. Saka, magkapit-bahay lang tayo, 'no. Sana manlang kahit minsan, itaas mo naman 'yong tingin mo sa sarili mo, kahit kaunti!"

Humugot ako nang malalim na hininga at hindi na hinintay kung anong itutugon niya. Agad na akong naglakad pabalik ng bahay at iniwan siyang nakatulala at maluha-luha ang mga mata.

-

Nandito muli ako sa Hanging Bridge, nakatulala at hindi magawang hawakan ang gitara para tumugtog. Puno ako ng pagsisisi at konsensiya dahil sa mga sinabi ko kay Zara kagabi.

Nasaktan ko ba siya?

Okay lang ba iyon?

Maya-maya, naramdaman ko nandito na siya at tumabi sa akin, hindi ko manlang siya nilingon dahil medyo nahihiya ako.

"Good Morning," bati niya sa akin.

Blanko akong tumingin sa kanya. Idinikit nito ang naka-peace sign niyang dalawang daliri sa tabi ng pisngi nito. "Sorry," sambit niya.

Pigilan ko man ang sarili pero natagpuan kong lumawak na ang ngiti sa labi ko. Ginulo ko ang buhok nito. "Ako dapat ang mag-sorry sa iyo. Nasaktan kita sa sinabi ko."

"Okay lang iyon sa akin, Landon. Kasi tama ka naman talaga. Mababa nga ang tingin ko sa sarili ko," sambit niya. Magsasalita na sana ako pero muli siyang nagsalita. "Imbes kasi na nasa school ako ngayon habang payapang nag-aaral ay nandoon ako sa Mall, naglilinis ng maduduming kubeta. Hindi ko maiwasan para i-down ko mismo 'yong sarili ko. Ewan ko ba, nawawalan na kasi ako ng pag-asa. Pakiramdam ko, hanggang dito na lang ako estado ko sa buhay. Isang teenager na janitress."

"Kaya mo iyan! Huwag kang mawalan ng pag-asa." Inakbayan ko siya. Naramdaman kong nagulat siya pero isinawalang-bahala rin niya.

"Landon, puwede bang huwag mong sabihin kahit kanino 'yong trabaho ko? Lalo na kay Mama?"

"Bakit naman?"

"Basta, huwag."

Tumango ako. "Kakasabi ko lang sa iyo na huwag mong ikahiya iyan trabaho mo, tapos isesekreto naman natin?"

Tumingin siya sa akin at huminga nang malalim. "Basta, huwag na huwag."

"Okay."

-------

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon