33. A Night With You

425 29 2
                                    

Chapter 33: A Night With You

Landon

Hindi pupuwedeng makapag-camping kami ni Zara sa tabi ng Hanging Bridge nang wala manlang kaming permiso galing sa pamilya ko kaya nang pagkauwi namin, agad na namin iyon ipinaalam sa kanila.

Gaya ng inaasahan, kay Mama lang kami nagkaroon ng problema dahil tumanggi ito, naiintindihan ko naman na nag-aalala lang siya dahil sa sakit ko. Baka raw biglang umatake iyon at may mangyaring hindi maganda sa akin. Malayo sila sa akin. Hindi nila. Ngunit sinabi kong gusto ko lang gawin 'yong mga nasa bucket list ko at nagulat naman ako nang biglang sumabat si Zara sa kanila na siya na raw ang bahala sa akin. Kinilig naman ako doon. Kaya sa huli, pumayag na rin si Mama at nagboluntaryo naman sina Tito Ferdy at Kuya Cody sa paglalagay ng palamuti sa Hanging Bridge para raw sa amin kahit hindi na naman kailangan pa iyon.

Nagtataka ako kay Zara dahil pansin kong tatlong araw na siyang hindi napasok. Nagtatatrabaho pa ba siya? Matanong nga mamaya.

"Woah. Ang ganda," sambit ni Zara nang pagkarating namin sa Hanging Bridge. Kahit ako, hindi ko rin maiwasan hindi mamangha nang ilibot ko ang paningin ko sa paligid.

May parang Christmas light na de baterya ang nakalinya sa lubid ng tulay hanggang sa dulo nito na nagbibigay ng ningning at ganda dito. May isang malaking kulay asul na tent naman na kung saan namin tutulugan ni Zara ang makikita bago ang Hanging Bridge. Sa harap ng tent, doon na nakapuwesto ang campfire. At sa kanang tabi naman ng tent, nandoon naman ang maliit na lamesa na kung saang nakalatag dito ang mga pagkain at inumin. Mga prutas at sitsira lang, at mga bote ng tubig.

Napapailing na lamang ako ng ulo habang natatawa. Sina Tito at Kuya talaga, ang daming alam na kalokohan. Hindi ganitong camping ang inaasahan ko, kahit isang tent lang, ayos na kami. Basta, ang mahalaga makapag-camping kami ni Zara rito. Hindi na kailangan lagyan pa ng palamuti ang Hanging Bridge at hindi na rin kailangan pa ng campfire. Flashlight, ayos na.

"Tara, Landon, upo muna tayo sa Hanging Bridge. Gusto kong makita nang malapitan 'yong mga pailaw doon," nasasabik na pagyaya sa akin ni Zara.

"Hindi muna tayo kakain?"

"Mamaya na. Hindi pa naman ako gutom."

Tumango lang ako sa kanya at naglakad na kami patungo sa Hanging Bridge para umupo sa paborito naming puwesto.

"Ang galing nila Tito," sambit ko sa sarili habang sinusundan ng tingin 'yong Christmas light hanggang sa dulo ng tulay.

"Bakit?" tanong ni Zara sa akin.

"Biruin mo, nakaya nilang lagyan ng pailaw 'tong tulay hanggang doon sa pinaka dulo kahit mukhang delikado na doon. 'Di ba, ang rurupok na kaya ng mga kahoy doon na nilalakaran at bungi-bungi na rin. Hindi katulad dito sa inuupuan natin, matitigas pa ang mga kahoy at may kaunting maliliit lang na butas. Ang lupit. Paano kaya nila nagawa iyon?"

"Oo nga, 'no? Siguro, diskarte na rin."

"Sabagay. Matinding pag-iingat ang ginawa nila."

"Ang astig talaga. Mas gumanda pa itong tulay dahil sa mga pailaw na iyan. Ang kulay sa mga mata. Katulad lang ng nasa kuwarto ko, kumikinang-kinang," sambit niya.

"Zara.." tawag ko sa kanya at agad naman itong lumingon sa akin. "Ni-minsan ba, naisip mong baka mahulog tayo dito sa tulay?"

Kumunot ang noo nito. "Hindi naman. Bakit mo naman natanong iyan?"

"Paano kaya kapag isang beses, nakaupo tayo dito at biglang gumuho itong tulay? Patay kaya tayo kapag nahulog tayo?"

"Siguro. Tingnan mo 'yong tubig sa ibaba, napakababaw lang pero ang lalaki ng mga bato. Kapag tumama 'yong ulo natin diyan sa mga malalaking bato na iyon—Boom! Patay."

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon