Patricia
"Are you excited?" nakangising tanong ni Trista saka sumimsim sa straw ng milk tea niya.
"Halata naman." Bumitaw si Patch sa hawak na baso saka tinusok ang pisngi ko. "Iyan, oh?! Tignan mo! Namumula!"
Kinagat ko ang ibabang labi ko saka ko sila pabirong inirapan. "Tumigil nga kayo."
"Ang pabebebe naman kasi nito. Akala mo kung sinong maganda." Siniko ko si Keera kaya sinamaan ako nito ng tingin. "Bakit? Hindi ba? Kanina ka pa kinikilig diyan porque i-ce-celebrate niyo ni Intsik first anniv niyo bukas."
"Panira ka, alam mo iyon? Kaya ko nga kayo isinama rito sa mall para matulungan niyo ako sa pagpili ng magandang damit at makeup."
"Alam mo, ipakilala mo lang siya sa mga magulang mo, magandang regalo na para sa kaniya, eh." Inilapag niya ang milk tea niya sa lamesa saka humalukipkip habang nakabaling ang atensyon sa akin. "Anniv niyo na bukas, hindi pa rin kayo legal."
"Oo nga, Patricia. Bakit hindi mo ipakilala?" Unti-unti akong napasimangot dahil pati si Patch ay sumegunda na. "Napatunayan mo naman nang kaya mo pagsabayin ang love life at studies mo so anong ikinatatakot mo?"
"Ginagawa mo naman lahat para sa mga magulang mo kaya wala akong makitang dahilan para pagalitan ka nila o paghiwalayin kayo." Sumimsim ulit si Trista sa straw ng baso ng milk tea.
"Ipapakilala ko naman siya. Natatakot lang kasi talaga ako. What if gusto nilang siguraduhin na sa pag-aaral lang ang focus ko kaya mas pipiliin nilang paghiwalayin kami, hindi ba?"
Sabay-sabay silang nagbitaw ng buntong-hininga at hindi na ako sinagot. Napasandal na lang rin ako't tinignan ang pila ng mga tao para um-order sa counter. Kakaonti lang ang mga ito dahil ang iba ay nakaupo na sa mga lamesa.
Everytime na lang na ino-open ang tungkol sa pagpapakilala ko kay Lie Jun bilang boyfriend ko, nagiging ganito ang atmosphere sa pagitan naming magbabarkada. Hindi ko naman masasabing awkward ito. Siguro... pagod? Oo. Pagod. Pagod na silang kulitin ako tungkol sa pagiging legal namin ng boyfriend ko.
Hindi lang naman kasi ako ang kaibigan nila kung hindi pati ang boyfriend ko. Natural lang na gustuhin nila na maging masaya ito, na matupad ang kagustuhan nito kaya lang, ako pang girlfriend nito ang problema kaya hindi natutupad iyon.
Natatakot lang naman kasi talaga ako sa magiging resulta ng pag-amin ko.
Nag-stay pa kami ng kaonti sa cafe na tinambayan namin bago kami dumiretso sa clothing shop. Gusto ko sanang fashionable street wear ang isuot ko kaya lang gusto nilang mag-above the knee dress ako dahil hindi naman raw sa bar ang punta ko kung hindi restaurant.
Balak kasi ako dalahin ng boyfriend ko sa isang restaurant. Nakapagtabi na raw siya ng panggastos para sa anniv namin kaya for once, dadalahin niya raw ako sa mamahaling lugar.
Wala naman sa akin kung saan niya ako dalahin. Ang mahalaga, mag-enjoy kami. Gusto ko nga sana siyang pigilan noong sinabi niya na kakain kami sa restaurant dahil alam kong mahal ang magagastos niya pero huwag raw ako mag-alala dahil malaki-laki ang kinita niya noong isang Linggo sa business niya.
Speaking of business, napag-usapan na namin ang tungkol sa pagbebenta niya ng droga. Gusto ko siyang patigilin dahil may isang beses na namuntikan siyang mahuli. Alam kong takot na takot rin siya pero ipinaglaban niya na kailangan niya ng pera para madagdagan ang pangbayad niya ng utang ng pamilya niya.
Noong gabing iyon, nauwi pa sa pag-aaway namin at kahit anong iyak at pagmamakaawa ang ginawa ko, hindi pa rin siya nagpatinag kaya ako na lang ang nag-walkout. Isang linggo rin kaming hindi nagpansinan pero gumawa siya ng paraan para lang magkaayos kami. Hindi na ako nag-inarte noon dahil hindi naman ako galit sa kaniya, sadyang takot lang ako na baka mahuli siya.

BINABASA MO ANG
The Guy Next Door (Completed)
RomansaCompetitive in nature si Patricia at ginawa niya ang lahat para makapasok sa university na papasukan ng crush niyang si Gavin. Hindi niya lubos akalin na pati ang kaibigan nito ay sa kaparehong univ rin pumasok. Wala siyang problema kung pareho pa s...