Salamat sa panahong hindi mo pinili ang lumisan kahit na hindi na karapat-dapat ang manatili.
Ngayon na nasaksihan mo na ang lahat ng aking lihim sana tuparin mo pa rin ang pangako mong hindi paglisan. Dahil ngayon na pinapasok na kita sa buhay ko ay maraming pahinang puno ng talinhaga ang iyong masasaksihan. Hindi nangangahulugan na binigyan kita ng permiso upang tumuloy ay agaran mo ng maaayos ang lahat ng kalat,
May mga lamat sa silid na hindi ko na mabubura,
May mga paborito akong kanta na kaakibat ng masasamang ala-ala.
May mga lugar na hindi ko na mamarapatin pang bisitahin dahil nabubuhay na ako sa takot.
Hindi ko naman inaasahan ang pagdating mo kaya hindi mo maaalis sa akin ang pagdududa. Ang hindi paglimot sa posibilidad na maaaring magbago ang lahat sa anumang saglit,
Sa biglang pag-ihip ng hangin,
Sa isang kisapmata.
Hindi ko inaasahan ang pagdating mo. Pero salamat sa pagtulong sa akin upang makabangon sa sakunang ako lamang naman ang gumawa. Hinayaan kong samahan ako ng takot hanggang sa mga sandaling ito, pero dahan dahan na akong bumibitaw sa kanya. Ikaw ang liwanag na tatanglaw sa mundo kong kay dilim,
Ingatan mo sana ang aking mga lihim.
Bukod tangi ka sapagkat pinili mong manatili. Kahit ang maaari mong matanggap ay walang kasiguraduhang pag-ibig,
Sigwa
At pagkawasak.
Bukod tangi ka sapagkat pinili mong ipaintindi sa akin na maaari akong ibigin at umibig,
Sa kabila ng maaaring masaksihang sigwa,
Sa kabila ng maaaring matamong guho.
Nawa ay manatili ka sa aking piling at huwag ng lumisan pa kahit hindi ko pa kaya ibigay ang kasiguraduhang hinihingi mo.

YOU ARE READING
LIFETIME
Romance"Was there a lifetime waiting for us in a world where I was yours?"