Roulette #26

676 15 2
                                    

Chapter 26 

(Cake)


Gaya ng mga nakalipas na linggo, naging abala sa pagmamanman sa mga underground groups ang team ni Malekeith. Nagtataka ito kung bakit tahimik ang walong grupo sa kabila ng nakabinbing giyera sa pagitan nila. 


Simula kasi noong engkwentro ay nabalitang napuruhan ang ibang lider ng underground groups kabilang doon sina Roman, Jasem, Rosco, at Schartner.


"Masyadong tahimik," komento ni Redentor.


"Oo nga. Nakakatakot na ang katahimikan ng walong grupo ah. Ano sa tingin mo mayroon, Verdadero?" Tanong ni Joshua.


"Pa-music tayo?"


Parehong nagulat at hindi nakapagsalita ang dalawa nang sabihin ni Malekeith iyon.


"Wow, brad, marunong kang mag-joke?" Namamanghang saad ni Joshua habang nakatakip ang isang kamay sa bibig.


Ngunit sumeryoso na ito at hindi pinansin ang sinabi ni Joshua.


Tumayo siya mula sa kinauupuan at pumunta sa gitna kung saan mas maayos niyang nakikita ang malaking screen na nagpapakita ng mga normal na aktibidad ng kanilang mga binabantayan.


"Hindi ko rin alam kung anong mayroon," saad niya habang malalim na nag-iisip. "Maaaring may ceasefire sa pagitan ng dalawang panig dahil napuruhan sina Schartner at Rosco. Pero hindi ibig sabihin noon ay walang pinaplano ang dalawang lider laban sa isa't-isa."


"Mangingialam na ba tayo o maghihintay pa rin ng tamang tiyempo?" Ani Red.


"Mananahimik muna tayo. Maswerte tayong hindi nila tayo natunugan sa event ni Lovek dahil nakatuon ang pansin nila kay Schartner at Rosco. Isa pa, nahihirapan tayong kumuha ng impormasyon tungkol sa grupo ni Schartner lalo na sa mga transaksyon nito. Aaminin ko, nagsisimula na akong mapabilib ng demonyo," seryosong sagot ni Malekeith.


"So maghihintay tayo ng tamang tiyempo? Eh kailan ba ang tamang tiyempo na iyon?" Ani Joshua.


"Sa ngayon hindi ko pa masasabi pero malalaman naman natin kapag nandyan na ang pagkakataong inaabangan natin. Ang kaligtasan ng bansa ang nakasalalay dito. Kapag sumiklab ng tuluyan ang gulo sa walong grupo na ito, tiyak na madadamay ang iba nating kababayan at maraming masisira. Kaya bago pa mangyari iyon ay dapat nakahanda tayong mamagitan sa kanila."


"Kahit ikamatay natin," bulalas ni Joshua habang nakatingin sa kawalan.


"Kahit ikamatay natin," madiing ulit ni Malekeith sa sinabi nito habang nakatitig sa kanya.


"Pero tingin ko mas abala si Clade Schartner ngayon sa problema niya sa isa pang lider ng sindikato sa Russia. Ayon sa natanggap kong intel, Stefan Kozlov daw ang pangalan noong matandang lider. Sabi nila kinatatakutan iyon sa underground kasi beterano na. Hindi nga lang masyadong nangingialam sa gulo nina Schartner dito noong una pero balita ko pinag-iinitan na daw niya ang grupo ni Schartner ngayon," sabad ni Red.

Russian Roulette (Book 1 of RR Trilogy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon