Kabanata 01: Gunita

4.2K 198 93
                                    

PILIPINAS, NOBYEMBRE 1941

Maaga pa ay nakabihis na si Alicia suot ang kaniyang puting blusa na ang haba ng mga manggas ay umabot sa kaniyang palapulsuhan. Ang dulo ng kaniyang blusa ay nakapaloob naman sa kaniyang mahaba at kayumangging saya na hanggang kalahati ng binti ang haba. Sa mga sandaling iyon ay nakaupo siya sa silya sa harap ng salamin ng kaniyang tokador habang abala sa paglalagay ng hikaw sa kaniyang tainga.

Pagkatapos ay kinuha ni Alicia mula sa kaha ng tokador ang isang maliit na baul upang buksan at kunin sa loob niyon ang kuwintas na ang mga bato ay gawa sa puting perlas. Iyon ang alahas na kaniyang natanggap mula sa kaniyang kapatid na sundalo noong nakaraan niyang kaarawan. Matapos isuot ang kuwintas ay naglagay din siya ng kaunting pulbos sa kaniyang mukha nang kaniyang maulinigan ang katok mula sa labas ng kaniyang silid.

"Bukas po ang pinto, Inay!" Malakas na pag-imporma ni Alicia habang abala niyang nilalagyan ng palamuting bulaklak ang kaniyang buhok na nakaayos sa pormang Gibson rolls tucked upstyle. May kumawala rin na ilang hibla sa magkabila niyang tainga ngunit nagmistulang disenyo iyon upang higit pang madagdagan ang ganda ng pagkakaayos sa kaniyang buhok.

Mayamaya ay bumukas ang pinto ng kaniyang silid. Inaasahan na niya ang kaniyang ina ang papasok sa loob. Subalit huminto rin si Alicia sa kaniyang pag-aayos nang mula sa repleksyon ng salamin ay pumasok sa loob ang kaniyang ikalawang nakatatandang kapatid na ngayon ay nakabihis sundalo. Halata sa gayak ng kaniyang kapatid na kararating lamang nito.

Kaya dali-daling tumayo mula sa inuupuang silya si Alicia upang ibaling ang kaniyang pansin sa gawi ng pinto. Hindi na rin mawala sa kaniyang mukha ang tuwa at galak ngayong nakikita na niya ang kaniyang kapatid! Noong nakaraang buwan ng Hulyo umalis ang kaniyang Kuya Julian patungo sa Pampanga. Kaya labis na maligaya ang puso ni Alicia sapagkat nakauwi na rin ang kaniyang minamahal na kapatid!

"Kuya Julian!" Tuwang-tuwang sambit ni Alicia matapos niyang salubungin nang mahigpit na yakap ang kaniyang kapatid.

"Magandang umaga rin sa iyo, aking kapatid!" Nakangiting bati ni Julian sa nakababatang kapatid nang humiwalay na sa pagkakayakap. "Nawala lamang ako ng ilang buwan ay tila lalo ka pang gumanda, Alicia."

"Ano ka ba, Kuya Julian? Matagal ko nang batid kung gaano ako kaganda. Kaya lumang balita na iyan." Buong pagmamalaki pang sambit ni Alicia.

Tinawanan lamang ni Julian ang pahayag ng kapatid. "Kapuna-puna rin na higit pang lumala ang iyong kahambugan sa sarili."

"Maganda ang pinagmulan ng ating lahi, Kuya. Kaya nararapat lamang na atin iyong ipagmalaki." Depensa ni Alicia habang natatawa sa tinuran ng kapatid.

Ngunit hindi naman nagtagal ay may nagunita ang isip ni Alicia dahilan upang magsalubong ang kaniyang kilay saka iginiya ang kaniyang kapatid upang umupo sa gilid ng papag.

"Sandali. Bakit tila napaaga marahil ang iyong pag-uwi? Buong akala namin nina Inay at Itay ay sa ikalawang linggo pa ang iyong uwi batay na rin sa iyong huling liham na ipinadala sa amin noong nakaraang Oktubre?" Usisang tanong ni Alicia sa kaniyang kapatid.

Doon sa isang military garrison camp sa Pampanga nakadestino ang kaniyang Kuya Julian. Kalat na kasi sa buong Pilipinas ang balita na ibig palawigin ng bansang Hapon ang kanilang nasasakupan upang palaganapin ang konsepto na Greater East Asia Co-Prosperity Spehere o pagtataguyod ng pangkultura at pang-ekonomiyang pagkakaisa ng mga bansa sa Asya na ibig pamunuan at mamanginoon ng Hapon.

Una nang sinalakay at sinakop ng bansang Hapon ang Tsina, Korea, at maging ang ilang bahagi sa Russia. Ngayon ay binabalak namang sakupin ng Hapon ang Pilipinas. Datapwat hindi basta-bastang makakikilos ang Hapon sa kanilang nais sapagkat kolonya ng Amerika ang Pilipinas. Higit sa lahat, nasa Pilipinas din ang buong puwersa ng Amerika. Subalit malakas ang sapantaha ng Amerika na maaaring maagaw sa kanila ng mga Hapon ang Pilipinas sa sandaling magkaroon ng digmaan sa pagitan ng dalawang makapangyarihang bansa.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon