Kabanata 18: Daluyong

988 81 33
                                    

IMINULAT ni Alicia ang kaniyang mga mata at nag-antada matapos niyang mag-alay ng panalangin para sa araw-araw na kaligtasan ni Julian. Mayamaya ay ipinabatid ng prayle sa lahat ang pagtatapos ng misa rezada sa umagang iyon. Nagsimula na ring tumayo mula sa pagkakaupo at pagkakaluhod ang mga tao saka niyaya ang bawat isa na lumabas na sa simbahan.

Ika-pito na ng Disyembre, kaya higit pang dumagsa ang mga tao sa simbahan sapagkat marami ang nagnanais na matupad ang mga kahilingan sa kanilang mga dalangin. Hawak ang rosaryo maging ang munting aklat-dasalan at bayong na wala pang laman ay tumayo na rin si Alicia mula sa kaniyang pagkakaluhod saka bumaling sa likod upang yayain sana ang kaniyang ina upang lumabas. Subalit mabilis siyang natigilan nang bumangad sa kaniya si Felipe katabi si Mauricio na kapuwa katatayo lamang din mula sa pagkakaluhod.

Nakasuot ng ternong bughaw na kamisandentro at malambot na pantalong gawa sa de hizo si Felipe na binagayan ng itim na kurbata at itim na sapatos. Si Mauricio naman ay nakasuot ng eskosesang kamisadentro at kayumangging pantalon na binagayan ng puting sapatos na gamusa. Sariwa sa paningin ang gayak ng magkaibigan habang ang mga buhok ay kapuwa pinahiran ng kaunting pamada.

"Magandang umaga sa inyo, Alicia at Aling Linda." Magalang aa pagbati sa kanila ni Mauricio. Ganoon din ang ginawa ni Felipe.

"Magandang umaga rin sa inyo, mga hijo." Nakangiti at magiliw na ganting bati naman ni Aling Linda.

"Na saan po pala sina Damian at Mang Orocio? Bakit hindi po ninyo sila kasama na magsimba?" Tanong ni Mauricio kay Aling Linda. Tahimik naman sa tabi nito si Felipe habang ang pansin ay nakatuon lamang kay Alicia.

"Maagang sinamahan ni Damian ang kaniyang ama upang ihatid sa mga tindahan ng buslo sa Escolta ang mga nilala niyang buslo. Kaya kami lamang ni Alicia ang magkasamang nagtungo rito upang magsimba." Tugon ni Aling Linda.

"May iba pa po ba kayong pupuntahan ni Alicia?" Usisa pa ni Mauricio.

"Pauwi na rin ako ngayon upang masimulan ko na ang aking paglalabada. Si Alicia naman ay magtutungo ngayon sa pamilihan upang bumili ng lulutuing putahe para sa aming tanghalian."

"Kung ganoon ay sasamahan na lamang po namin si Alicia patungo sa pamilihan upang mayroong tutulong na magdala ng kaniyang mga bibilihin." Prisinta pa ni Mauricio.

"Naku, huwag na, Mauricio. Kaya ko naman na ang aking sarili. Maaaring may iba pa kayong pupuntahan. Nakahihiya naman kung maabala ko ang inyong oras." Nahihiyang pagtanggi ni Alicia.

"Wala naman kaming ibang pook na pupuntahan. Ang mga tauhan ko sa aking pagawaan ng awto ang kasalukuyang nagbabantay at umaasikaso sa aming mga suki. Ganoon din ang mga tauhan sa panaderya ni Felipe. Saka dagsa na rin ang mga tao sa pamilihan sapagkat buwan na ng Disyembre ngayon.

"Sa tuwing malapit na ang Pasko ay maraming kawatan ang nagsusulputan sa daan. Kaya maigi na rin na mayroon kang kasamang makisig na Ginoo gaya ni Ipeng upang ikaw protektahan." Mahabang paliwanag pa ni Mauricio habang nakangiti ngunit nangingibabaw ang pagngisi sa labi.

"Kunsabagay ay may punto rin ang iyong tinuran, hijo." Pagsang-ayon ni Aling Linda kay Mauricio.

"Inay, huwag na po natin silang abalahin." Nasa himig ni Alicia ang pagtutol. Kaagad namang bumaling sa kaniya si Aling Linda.

"Higit na mapapanatag ang aking kalooban kung mayroon kang kasama na magtutungo sa pamilihan. May tiwala naman ako kina Ipeng at Mauricio sapagkat mga kaibigan sila ni Julian." Muling binalingan ni Aling Linda ang magkaibigan saka magiliw na nginitian. "Kayo na ang bahala sa aking anak, mga hijo."

"Ipag-aabang na rin po namin kayo ng kalesa sa labas." Matapos iyon sabihin ni Mauricio ay pinauna nitong maglakad si Aling Linda.

"Bakit naman ikaw ay nakatingin?" Mataray na tanong ni Alicia nang mahuli niyang nakamasid lamang sa kaniya si Felipe.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon