Kabanata 10: Damdamin

1.2K 118 16
                                    

SABADO ng araw na iyon ay nagmamadali sa paglalakad si Alicia habang inaalalayan ng isang kamay ang gilid ng kaniyang suot na terno upang hindi sumayad sa lupa at marumihan ang laylayan ng tela. Sa kabilang kamay naman ay hawak niya ang nakabukas na paragwas upang panangga sa sinag ng araw habang nakasukbit naman sa kaliwa niyang balikat ang kayumangging shoulder bag. Ikalawa na ng madaling araw nakatulog si Alicia magmula nang managinip siya ay hindi na siya nilulubayan ng magandang imahe ni Felipe.

Iyon ang dahilan kung bakit nahuli na siyang gumising. Kaya nagmamadali siya ngayon upang makahanap ng masasakyan sa labas ng Calle Ezpleta. Kinakailangan kasi ay naroroon na siya sa kabaret. Hindi pa naman siya maaaring mahuli sa oras sapagkat maaaring mainip ang mga panauhin upang makapanood ng pagtatanghal. Tiyak na pagagalitan siya ng tagapangasiwa ng kabaret. Hindi rin niya kayang makitang mapahiya si Veronica na nagmagandang loob upang siya ay imungkahi bilang pansamantalang mang-aawit.

Subalit habang siya ay naglalakad sa kalsada ay nakarinig si Alicia ng busina na nagmumula sa kaniyang likuran. Kaya huminto siya sa kaniyang paglalakad upang gumilid sa kalsada at lingunin ang paparating na Volkswagen Beetle. Hindi naman nagtagal ay huminto ang awto sa tapat ni Alicia at sumungaw mula sa loob niyon ang lalaking nagmamaneho. Bumungad sa kaniya ang mukha ni Felipe na halatang bagong ligo at umaabot sa kaniyang kinatatayuan ang mabango nitong halimuyak.

"Saan ka pupunta at bakit ganiyan ang iyong suot, Alicia?" Takang tanong sa kaniya ni Felipe.

Kulay kayumangging terno ang suot ni Alicia na binagayan ng bulaklaking bakya. Nakapusod din ang kaniyang buhok sa pormang French bun habang may ilang mga hibla ng buhok sa magkabila niyang tainga ang hinayaang nakalugay upang maging dagdag palamuti. Gamit din niya ang hikaw na puting perlas kaya higit pang tumingkad at lumutang ang kaniyang ganda.

"Patutungo ako ngayon sa Santa Ana Cabaret. Isa kasi ako sa magtatanghal kaya ganito ang aking ayos." Payak niyang tugon. Ngunit nasa himig ang bahagyang pagtataray sa kaniyang tinig upang hindi ipahalata na naaapektuhan pa rin siya sa nagdaan niyang panaginip.

"Anong klaseng pagtatanghal ba ang iyong gagawin doon?" Salubong ang kilay na tanong sa kaniya ni Felipe.

"Aawit ako roon at huwag mo na rin akong kausapin. Nakikita mo naman na ako ay nagmamadali." Mataray niyang komento sa halip na pasalamatan ang binata sa ibinigay na papuri saka nagpasyang ipagpatuloy ang paglalakad.

"Sandali, Alicia!" Tawag sa kaniya ng binata dahilan upang muli siyang huminto sa paglalakad.

Nang muling lumingon si Alicia ay nakita niya si Felipe na umibis mula sa loob ng awto upang puntahan ang kabilang pinto saka iyon binuksan.

"Ihahatid na kita sa iyong pupuntahan. Kaya pumasok ka na sa loob." Pagmamagandang loob ni Felipe nang muling balingan si Alicia.

"Huwag na." Mabilis niyang pagtanggi. "Tila mayroon ka ring pupuntahan. Ayaw kong makaabala." Baka mamaya si Felipe naman ang mahuli sa pupuntahan at siya pa ang masisi.

"Doon din sa kabaret ang aking punta. Kaya sumabay ka na sa akin." Pag-imporma nito.

"Ano naman ang gagawin mo roon sa kabaret?"

"Maghahatid ako roon ng ipinaluto nilang panghimagas na tinapay para sa mga natatangi nilang panauhin. Nauna na roon si Mauricio upang ipagmaneho si Carlito maging ang iba ko pang mga trabahante upang ihatid ang iba pang mga tinapay galing sa panaderya. Saka malayo pa ang labasan dito sa Calle Ezpleta. Kaya batid kong mangangalay ka sa paglalakad at maaaring magsugat ang iyong paa sa suot mong bakya." Paliwanag ni Felipe.

Napasulyap din si Alicia sa loob sa likuran ng awto. May nakita nga siyang mga patong-patong na karton na sa kaniyang palagay ay naglalaman ng mga tinapay na ihahatid ni Felipe patungo sa kabaret.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon