Kabanata 05: Serbisyo

1.6K 114 127
                                    

DUMIRETSO si Alicia sa tahanan nina Veronica matapos niyang iwan ang kaniyang mga kagamitin sa kanilang tahanan nang makauwi galing sa paaralan. Gaya ni Rosella ay bahagyang nakaaangat din sa buhay ang pamilya Arguilles kaya gawa rin sa payak na bahay na bato ang tahanan nina Veronica, may magagandang kasangkapan, at may sariling kasambahay. Ang ama ni Veronica ay isang empleyado sa munisipyo habang ang bunso nitong kapatid ay nag-aaral naman ng kursong abogasiya sa Unibersidad de Santo Tomas.

"Magandang hapon sa iyo, hija. Halika, pumasok ka sa loob ng aming munting sala." Magiliw na pagbati at pag-anyaya sa kaniya ni Aling Benita saka siya iginiya patungo sa mahabang sofa ng munting sala upuang doon paupuin. Inutusan naman ni Aling Benita ang isang babaeng kasambahay na maghanda ng masarap na maiinom at merienda.

"Magandang hapon din po, Aling Benita." Masaya at magalang na ganting pagbati ni Alicia.

"Maaari ko bang mabatid ang dahilan ng iyong pagdalaw, hija?" Tanong sa kaniya ni Aling Benita nang makapasok sila sa loob ng sala.

"Si Veron po ang aking sadya. Nariyan na po ba siya? May mahalagang bagay po kasi akong sasabihin sa kaniya."

"Tamang-tamang lamang ang iyong pagdating. Kauuwi lamang ng aking anak at naroroon siya ngayon sa loob ng kaniyang silid upang magpalit ng kasuotan. Sandali, tatawagin ko muna si Veronica upang ipabatid sa kaniya na ikaw ay naririto." Paalam sa kaniya ni Aling Benita saka iniwan si Alicia upang tunguhin ang silid ni Veronica.

Hindi naman nagtagal ay dumating na rin ang babaeng kasambahay na inutusan ni Aling Benita saka isa-isang inilapag sa ibabaw ng mababaw na babasaging mesita ang malamig na inumin at mga masasarap na tinapay. Kasabay niyon ay ang pagdating naman ni Veronica na nakabihis ng magandang bulaklaking bestida habang nakapaskil ang magandang ngiti sa labi nang makita si Alicia.

"Alicia! Mabuti at napadalaw ka rito!" Masiglang salubong sa kaniya ni Veronica saka umupo sa tabi ni Alicia.

"Kay ganda naman ng ngiting nakapaskil sa iyong labi. May dapat ba akong mabatid sa aking kaibigan?" Puna kaagad ni Alicia nang mapansin ang magandang ngiti ni Veronica.

"Sinunod ko ang iyong payo nang huli tayong mag-usap. Kaya nang umuwi ako galing sa kabaret ay dumaan ako saglit sa panaderya ni Ipeng upang bumili." Hininaan pa ni Veronica ang tinig nang bigkasin ang palayaw ni Felipe upang silang dalawa lamang ang makaririnig. "Pagkatapos niyon, sa halip na tamang halaga ang singilin sa akin ni Ipeng ay binabaan niya iyon nang ilang bahagdan ang kabuuang halaga ng mga tinapay na aking binili."

"Ayos iyan! Bukod sa nagawa mong makasilay ay nakalibre ka pa sa murang halaga! Sa susunod nga rin ay magpapasabay na ako sa iyo ng salapi upang makalibre rin ako ng mga tinapay sa kaniyang panaderya." Ni minsan kasi ay hindi pa siya gumawi sa panaderya ni Felipe. Kaya oras na roon siya bumili sa panaderyang iyon ay malaki ang posibilidad ni Alicia na gagantihan siya ni Felipe upang singilin siya nang dobleng halaga ng mga tinapay nito.

"Hindi ba sumagi sa iyong isip kung bakit iyon ginawa ni Ipeng?" Hindi na maikubli ang kasabikan sa magandang ngiti ng kaniyang kaibigan.

"Bakit? May iba pa bang dahilan bukod sa ibig niyang kumulimbat ng mga salapi?" Salubong ang kilay ni Alicia na tanong niya kay Veronica.

Natawa si Veronica ka sa kaniyang tinuran. Subalit pinahayag na rin nito ang nais sabihin kay Alicia. "Maaaring isa na iyong pahiwatig na mayroon ngang pagtingin sa akin si Ipeng."

"Ikaw ba ay nakatitiyak diyan sa iyong pahayag?" Salubong pa rin ang kilay ni Alicia habang pinipilit ng kaniyang isip na pag-ugnayin ang kaisipang binanggit sa kaniya ng kaibigan.

"Alicia, hindi naman iyon gagawin ni Ipeng kung wala siyang pagtingin sa akin." Pagpapaunawa sa kaniya ni Veronica.

"Hindi ba sumagi sa iyong isip na ikaw palagi ang nangungunang suki sa kaniyang panaderya kaya naisip ni Felipe na babaan ang singil sa halaga ng mga binili mong tinapay?"

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon