Kabanata 03: Lihim

2K 140 36
                                    

MALAYO na ang nailalakad ni Felipe ay saka lamang nanumbalik si Alicia sa kaniyang sarili matapos mapagtanto ang mga naganap. Nawaglit din sa kaniyang isip na malapit din si Felipe sa kaniyang Kuya Damian. Ngayong sinungitan at hindi niya nagawang pasalamatan ang binata sa ginawa nitong pagtulong sa kaniya, nakatitiyak si Alicia na isusumbong siya ni Felipe sa kaniyang kapatid upang makapaghiganti! Kaya kinakailangan niyang pigilan kung anuman ang binabalak ngayon ni Felipe laban sa kaniya!

"Felipe, sandali! Mag-usap tayo!" Malakas ang tinig na tawag ni Alicia sa binata. Sa kasamang-palad, ni hindi man lamang huminto at lumingon sa kaniyang gawi ang binata na tila ba hindi nito narinig ang kaniyang malakas na tinig.

Maging sarili ni Alicia ay hindi rin niya maunawaan kung bakit mabilis umakyat ang kaniyang pagkayamot kay Felipe nang hindi siya pinansin ng binata. Kaya nagpasya siyang bilisan ang paglalakad habang hila-hila ang kaniyang bisikleta upang habulin ang binata.

"Felipe, maaari ba kitang makausap?" Kausap niya sa binata na may himig ng kaunting pakiusap nang magawa niyang umagapay sa tabi nito.

"Tungkol saan naman ang ating pag-uusapan?" Payak na tanong ni Felipe habang ang pansin ay nasa daan na kanilang binabagtas.

Hindi batid ni Alicia kung nagmamaang-maangan ba si Felipe kahit natatalos nito ang kaniyang tinutukoy o sadyang wala talagang interes ang binata tungkol sa tagpong nasaksihan nito kanina? Alin man sa dalawang kadahilanang iyon ay kinakailangan pa ring makausap ni Alicia si Felipe. Kinakailangan niyang maagapan na huwag makarating ang balitang iyon sa kaniyang Kuya Damian. Hindi pa naman sanay si Alicia sa kaisipan na mayroong sama ng loob sa kainya ang kapatid.

"Tungkol sa tagpong iyong nasaksihan kanina." Pagpapaalala niya dahilan upang huminto siya sa kaniyang paglalakad nang huminto rin si Felipe upang siya ay harapin.

Wala siyang naulinigang komento mula kay Felipe senyales na ibig nitong hayaan siya sa kaniyang nais. Kaya naisip ni Alicia na samantalahin ang pagkakataong iyon upang makapagliwanag nang maayos.

"Ibig ko lamang linawin na mali ka ng iyong iniisip, Felipe. Hindi ako lihim na nakikipagtagpo kay Lance. Nagkataon na siya ay nagmagandang-loob na ako ay alukin upang ihatid pauwi rito sa ating pook. Walang ibang pahiwatig ang tagpong iyong nasaksihan kung iyon man ang iyong iniisip sa mga sandaling ito." Paliwanag ni Alicia kay Felipe upang bigyang linaw ang lahat at iwasto ang maling iniisip nito.

Subalit kaagad ding napaisip si Alicia sa kaniyang naging gawi kung paano siya nagpaliwanag. Bakit tila daig pa niya ang isang palamarang kasintahan kung magpaliwanag kay Felipe?

"Ano naman ang ibig mong aking gawin?" Salubong ang kilay na tanong ni Felipe na tila ba hindi maunawaan kung bakit kailangan pang magpaliwanag ni Alicia.

"Pakiusap, huwag mo akong isusumbong kay Kuya Damian." Walang palikaw-likaw niyang pakiusap kay Felipe.

"Bakit ko naman iyon gagawin?" Salubong pa rin ang kilay ni Felipe at hindi mawari kung bakit nadadawit sa pagitan nina Alicia at Lance.

"Sa kadahilanang ibig mong maghiganti sa akin sapagkat sinungitan kita at hindi ko nagawang magpasalamat sa tulong na iyong inalok sa akin kanina?" Tugon-tanong niya.

"Hindi naman ako ganoong kababaw na tao upang gawin ang ganoong bagay. Ano naman kung sungitan mo ako? Kung mayroon man akong nagawang mali kanina upang masira ang iyong araw ay karapatan mo iyon bilang tao sapagkat ikaw ang nakararamdam ng iyong mga emosyon. Saka hindi naman ako naghahabol ng pasasalamat. Ginawa ko iyon nang bukal sa aking puso na walang bahid ng anumang pag-iimbot sa aking kapuwa sa kabila ng iyong kasungitan. Nasa tao na iyon kung ibig man nila akong pasalamatan sa aking nagawa."

"Ikaw ba ay nakatitiyak sa iyong mga tinuran?" Si Alicia naman ngayon ang napakunot ang noo na tila ba hindi makapaniwala sa mga narinig na pahayag ng binata. Saka bakit tila hinaplos ng mga payak na katagang iyon ang kaniyang puso?

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon